Katutubo sa lente’t sining ni Boy D


Hinango sa tunay na pag-iral ng mga katutubo ang ipinapakita ni Boy D sa kanyang mga likha kaya’t lubos itong nauunawaan ng mga katutubo.

Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubong Pilipino ngayong Oktubre ang pagbibigay-pugay sa isang artista ng bayan na buong buhay lumikha ng sining na sumasalamin sa pakikibaka ng mga marhinadong sektor sa lipunan—magsasaka, manggagawa, lalo na ng mga katutubo.

Tampok ang iilan lang sa napakaraming obra ni Federico “Boy D” Dominguez, isang batikang Mandaya na pintor at ilustrador, sa kanyang exhibit na pinamagatang “Ing Kanak mga Yahinang Yagsamin kung Sin-O Ako” o “What I have Made Mirrors Who I Am” ng Concerned Artists of the Philippines sa Gallery Two ng University of the Philippines (UP) Fine Arts Gallery.

Pitong taong gulang nagsimula ang buhay-artista ni Boy D nang iguhit niya ang kanyang pinakaunang obra na inialay niya para sa sarili. Nagpatuloy siya sa pagguhit nang kumuha siya ng kursong drafting sa isang paaralang bokasyonal noong high school. Nagtuloy-tuloy ang paghasa sa talento ni Boy D hanggang sa kumuha siya ng kursong arkitektura sa University of Mindanao.

Bagaman ipinanganak at naninirahan sa Bukidnon, lumuwas siya upang makapag-aral naman ng Fine Arts, major sa Visual Communication sa UP Diliman.

Hinango sa tunay na pag-iral ng mga katutubo ang ipinapakita ni Boy D sa kanyang mga likha kaya’t lubos itong nauunawaan ng mga katutubo. Ayon sa kanya, tapat siya sa paglalarawan, maging sa mga kasuotan nila.

“Ginagamit ko ‘yong folklore namin bilang instrumento para mailagay ko ‘yong mga isyu at saka kalagayan ng mga katutubo. Kasi sa folklore, mayroong kontrabida, may bida, ‘di ba?” ani Boy D. 

Sa pamamagitan ng kamay, papel, pintura, kamalayan at personal na karanasan sa paglubog sa mga komunidad, makulay at makatarungang ikinukuwento ni Boy D ang kultura, tradisyon at pamumuhay ng mga katutubong Pilipino.

Higit pa rito, iniaangat niya ang mga isyung nakapipinsala sa kanila, katulad ng development aggression, pagkamkam ng lupa, militarisasyon at pagyurak sa kalikasang pinakaiingatan nila dahil sa makasariling interes ng mga kapitalista at malalaking korporasyon.

Binuksan nitong Okt. 15 ang “Ing Kanak mga Yahinang Yagsamin kung Sin-O Ako (What I Have Made Mirrors Who I Am)” ni Federico “Boy D” Dominguez. Libreng matutunghayan ang exhibit sa Gallery 2 ng UP Fine Arts Gallery hanggang Oktubre 31. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Isa sa mga likhang-sining sa exhibit ang “Ing Lam-aw ni Manaog (Avatar’s Pond)” na nilikha noong 2016. Ani Boy D, hango ito sa kuwentong bayan ng mga Mandaya, isang tribo ng Lumad na matatagpuan sa Davao Oriental at Davao del Norte na “Pitong Maylog” o “Seven Sisters” kung saan nakatira sila sa “Kabawnon” o itaas na bahagi ng mundo at bumababa para magliwaliw. Sa baba ng mundo, makikita ang iba’t ibang uri ng likas na yaman, hayop, pati na ang mga environmental spirits.

Kapansin-pansin din ang isang mangangasong may intensyong mag-survey sa lupang katutubo upang gawin itong malaking plantasyon, maging ang eroplano, wisik ng pestisidyo at mga gusaling nasa itaas na bahagi ng obra—ito ang mga elementong manipestasyon ng modernisasyong nagbabadyang burahin ang kultura at pagkakakilanlan ng mga Mandaya.

Para kay Boy D, nararapat na may kakayahan ang mga likhang-sining na tumayo sa sarili nilang mga paa. Aniya, isang hamon para sa mga artista ang lumikha ng sining na madaling maaabot ng makakakita at magiging malapit ang interpretasyon sa kung ano ang nais nilang ipahiwatig. 

Kung susuriing mabuti ang “Ing Lam-aw ni Manaog (Avatar’s Pond)” at ang iba pang obra ni Boy D, lumilitaw na umiikot ang tema sa pag-iral ng kalikasan, mga hayop na naninirahan dito at ng mga katutubo. Litaw rin sa iba pang sining ni Boy D ang paglaban ng mga marhinadong sektor ng lipunan sa mapanupil na sistema at pamahalaan.

Higit pa, upang bigyang-diin ang kaibahan ng mundong ginagalawan ng mga katutubo at ng mga mapagsamantalang uri, pinagtatabi ni Boy D ang dalawa o higit pang elementong magkasalungat para umangat ang kanilang kaibahan. 

Gouache, isang pangpinta na mas makapal kaysa sa watercolor ang gamit ni Boy D. Ayon sa kanyang anak na si Brisa Amir, na isa ring alagad ng sining, may espesyal na itong teknik na noon pa hinahasa.

“Isipin mo, may teknik na siya na iniingatan, sabay intensiyonal pa siya do’n sa mensahe niya [sa] paglalarawan. Tapos minsan ‘pag pinapaliwanag ng tatay ko ‘yong obra niya, parang ang mahalaga talaga ay kalikasan,” ani Amir. 

Isang paraan ang retrospective exhibit upang kilalanin si Boy D bilang artista ng bayan at ipakita ang kanyang iba’t ibang mga likhang-sining sa buong buhay niya, ani Lisa Ito, curator ng UP Fine Art Gallery. 

Para mas maging sensitibo sa kultura ng katutubo at maiwasan ang pananamantala sa kanilang pagmamay-ari ang National Commission on Indigenous People, sinabi ni Boy D na sa pagpapatupad ng mga proyekto, kailangan nitong lumubog sa komunidad at matutong makisalamuha sa mga katutubo.

Iminungkahi niya rin ang ang paglulunsad ng people’s organization at ng iba pang progresibong grupo na makakatulong sa mga katutubong maging mulat sa kanilang karapatan bilang kasalukuyang biktima ng malapyudal na sistema.

“Marami tayong puwedeng matutunan mula sa mga naunang henerasyon na mga artista ng bayan at walang ibang mas angkop na panahon na simulan iyan kundi ngayon,” sabi ni Ito.