Parehong mga daing sa mga electric coop
Said na ang badyet at pasensiya ng mga Pilipino. Sa kabila ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sumasabay pa ang dagdag-singil sa kuryente. At itinuturong dahilan ang pagsasapribado ng kuryente sa bansa.

Nabigla ang mga residente ng Brgy. Pandan sa Dingle, Iloilo sa paglobo ng kanilang buwanang bayarin sa kuryente nitong nagdaang mga buwan.
Sabi ni Imee Igona, residente ng naturang lugar at konsyumer ng Iloilo II Electric Cooperative (Ileco II), lagpas doble ang itinaas ng kanilang bayarin. Naglalaro lang umano sa P500 hanggang P700 ang karaniwang binabayaran nila kada buwan noon, pero umabot ito sa P1,900 nitong Setyembre.
“Wala namang nabago sa [paggamit ng kuryente] at pareho lang ang kinukonsomo namin,” ani Igona.
Nitong Mayo, Hulyo, Agosto at Setyembre, nagpatupad ng dagdag-singil ang Ileco II. Nakuha nito ang rekord ng may pinakamataas na singil sa kuryente sa lahat ng electric cooperatives (ECs) at distribution utilities sa buong Western Visayas nitong Agosto na umabot sa P16.25 kada kilowatt-hour (kWh). Sa ngayon, nasa P15 kada kWh na ang singil nito.
Bukod dito, nagdeklara rin ang Ileco II ngayong Oktubre ng P5 dagdag-bayarin para sa membership fee.
Ayon sa kooperatiba, napilitan silang magtaas ng singil dahil nagtaas din ang presyo sa merkado o ang wholesale electricity spot market (WESM). Gagamitin din umano ang pondo na makukuha mula sa dagdag-bayarin sa pagpapaayos ng kagamitan at pasilidad ng kooperatiba.
Para kay Igona, hindi dapat ipinapasa sa tulad niyang miyembro-konsyumer ang iba pang gastos ng Ileco II. Dapat umano’y may pinansiyal na makinarya ang kooperatiba para may mahuhugot itong pondo kung kakailanganin.
Hindi rin umano makatuwiran ang palagiang taas-singil dahil nananatiling palpak ang serbisyo ng kuryente. Isang beses kada dalawang linggo kung mag-brownout sa kanilang lugar. Kapag nawawalan ng kuryente, halos huminto rin ang buhay ng mga residente dahil nakasalalay din dito ang kanilang tubig.
“Sobrang nakakaapekto [ang mga brownout],” sabi ni Igona. “Sobra,” pag-uulit niya.
“Kapag brownout, wala ring tubig kaya malaki talagang perhuwisyo. Malaking epekto sa’min kasi buong araw na ‘yan walang tubig. Kaya kapag hindi namin alam na magba-brownout nang madaling araw, wala kaming maiipon na tubig. Wala kaming magagawa sa loob ng bahay,” pagpapatuloy niya.
Simula nang maputol ang pangunahing linya ng Dingle-Pototan Water District noong 2022, nakaasa na ang distribusyon ng tubig sa kanilang lugar sa kuryente.
Samantala, halos ganito rin ang daing ni Alma Pabalate, residente ng Camalig, Albay at miyembro-konsyumer ng Albay Electric Cooperative (Aleco).
Kuwento niya, noong nakaraang taon lang sila pumaloob sa Aleco. Dati silang konsyumer ng Albay Power and and Energy Corp. (APEC) na pagmamay-ari ng SMC Global Power Holdings Inc. ng San Miguel Corp.
Umaabot umano ng P17 kada kWh ang dating binabayaran nila sa APEC at wala man lang itong binibigay na maayos na palugit para makabayad.
Isang beses, pinutulan na kaagad sila ng kuryente nang hindi sila nakabayad sa due date. Ngayong bumalik sa Aleco ang distribusyon ng kuryente sa lalawigan, sinisikap niyang makabayad agad dahil ayaw na niyang maulit ang nangyari.
Naglalaro na lang din umano sa P11 hanggang P14 kada kWh ang kanilang binabayaran sa Aleco. Bagaman relatibong bumaba, halos buwan-buwan pa rin ang pagtaas ng singil nito. At katulad ng iba pang ECs, sinisising dahilan ng Aleco ang patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente sa WESM.
Kasabay nito, halos araw-araw pa rin ang brownout sa kanilang lugar hanggang ngayon. Napilitan na tuloy silang bumili ng portable power station para lang makapagpatuloy sa trabaho bilang virtual assistant ang kanyang anak.
“Gumawa na lang kami ng paraan. Lalo kaming kawawa kung walang trabaho [ang] anak ko. Paano kami makaraos sa araw-araw na pangangailangan?” sabi ni Pabalate, 14 taon nang single mother.
Dahil sa halos araw-araw na pagpalya ng serbisyo sa kuryente ng Aleco, napilitang bumili ng portable power station si Pabalate para makapagpatuloy sa work from home na trabaho ang kanyang anak at magawa ang pang-araw-araw na gawain.
Dahil sa patay-sinding kuryente, sira na rin ang halos lahat ng appliances nina Katrina Domdom, residente ng Tiwi, Albay at miyembro-konsyumer ng Aleco.
“Walang araw na ‘di nagba-brownout. Aside pa ‘yan sa mga schedule nila na every week na 10 to 12 hours na may maintenance sila,” sabi ni Domdom.
Sa iba pang probinsiya sa bansa, sunod-sunod din ang pagpapatupad ng taas-singil sa kuryente. Kabilang dito ang Camarines Sur II Cooperative (Casureco II) na nagtaas ng mahigit P6 kada kWh nitong Hulyo, Benguet Electric Cooperative (Beneco) na nagtaas ng P1 kada kWh nitong Agosto at Samar I Electric Cooperative (Samelco I) na nagtaas ng P2.66 kada kWh nitong Setyembre.
Ayon kay Mimi Doringo, secretary general ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at convenor ng Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (Suki), nananatiling mataas ang singil at palpak ang serbisyo ng kuryente sa mga probinsiya dahil pribatisado at deregularisado ang sektor ng kuryente.
“Ang gusto lagi ng mga negosyante ay makopo nila ‘yong kita habang patuloy pa rin ang paghihirap ng mga kababayan natin,” sabi ni Doringo.
Sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 (Epira), naipasa sa mga pribadong kamay ang mga ari-arian ng National Power Corporation na dating pagmamay-ari ng gobyerno. Pribatisado na ang bawat proseso ng pagpapadala ng kuryente mula sa produksiyon, transmisyon at distribusyon.
Sa datos ng Global Petrol Prices nitong Marso 2024, pumapangalawa ang Pilipinas sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa Timog Silangang Asya na may P11.343 kada kWh.
Umaalagwa naman ang taas-singil ng ECs dahil gumagana ito bilang “non-profit” o hindi nakabatay sa kita. Walang kontrol ang gobyerno na utusan ang nasa 121 ECs sa bansa na ihinto ang pagtaas ng singil sa kuryente at pagdagdag ng iba pang bayarin sa mga miyembro-konsyumer nito.
Pinabulaanan din nina Igona, Pabalate at Domdom na may kapangyarihan silang sumali sa proseso ng pagpapatakbo ng kooperatiba. Sa aktuwal, ang matataas na opisyales pa rin ang nasusunod sa bawat desisyon.
Para kay dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares, dapat ibasura ng Epira dahil ito ang puno’t dulo ng problemang ito. Dapat umanong pumasok ang gobyerno sa kalakalan ng kuryente para maibigay ang tunay na maayos na serbisyo sa kuryente sa bayan. /May ulat mula kay Trisha Anne Nabor