Tanggol-kalikasan
Mga indibidwal o grupo na nagpoprotekta sa kapaligiran o likas na yaman ng bansa laban sa mga mapanira, mapagsamantala at mapandambong na malalaking burgesya komprador at mga dayuhan lalo na sa industriya ng pagmimina sa bansa.

Tanggol-kalikasan – Mga indibidwal o grupo na nagpoprotekta sa kapaligiran o likas na yaman ng bansa laban sa mga mapanira, mapagsamantala at mapandambong na malalaking burgesya komprador at mga dayuhan lalo na sa industriya ng pagmimina sa bansa.
Ang ideya ng mga karapatang pantao sa kapaligiran ay pagtanggap ng lumalaking pansin sa buong mundo, hinihimok ng ating pandaigdigang krisis sa ekolohiya. Ngunit ang Pilipinas, sa tindi ng hamon, maraming mga tanggol-kalikasan ang dinukot, pinaslang, ni-red-tag at ginawan ng iba’t ibang kaso dahil sa pagtatanggol sa kalikasan.
Noong Hunyo 2024, naglabas ng ulat si Ian Fry, dating United Nations Special Rapporteur on the promotion and protection of human rights in the context of climate change, tungkol sa kanyang pagbisita sa Pilipinas noong Nobyembre 2023. Kabilang sa iba pang pangamba, itinampok ng ulat ang mga hamon na kinakaharap ng mga tanggol-kalikasan.
Sinabi ni Fry na ilang indibidwal at organisasyon ang nahaharap sa mga paglabag sa mga karapatang pantao dahil sa kanilang adhikain. Ang lahat ng mga organisasyong nakausap niya’y nagkaroon ng mga miyembro ng kanilang mga organisasyon na hinaras, sinisiraan, dinukot o ikinulong at ang ilan ay pinatay.
Nanawagan si Fry para sa pagsasabatas ng isang Human Rights Defenders Bill at ang pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil ginagamit ang mga kapangyarihan nito sa pagpuntirya sa mga environmental at human rights defenders at katutubong mamamayan.
Nananatili at laganap pa rin ang pagdami ng mapamuksang atake at pagkawala sa mga aktibista kasama dito ang mga lider-anakpawis, tanggol-kalikasan, lider-katutubo at mga relihiyoso na anila’y konektado sa komunista.
Sa pag-upo ni Ferdinand Marcos Jr., ipinagpapatuloy niya ang mga naunang atas ni Rodrigo Duterte na pumatay. Walang puknat ng mga elemento ng estado sa pagpatay, pagreyd at pagdukot gamit na katuwiran ang utos ng dating pangulo.
Sa katunayan, iian lang ito sa mga naitalang kaso mula nang maupo sa puwesto si Marcos Jr. noong Hunyo 2022.
Sa nakalipas na mga buwan, dalawang tanggol-kalikasan ang dinukot. Marahas at sapilitang kinuha ng mga ‘di kilalang kalalakihan sina Francisco “Eco” Dangla III at Joxelle “Jak” Tiong noong gabi ng Mar. 24, 2024 sa San Carlos City, Pangasinan.
Nawawala pa rin hanggang ngayon ang mga aktibistang nagtataguyod ng pagbibisikleta at solid waste management na sina James Jazmines at Felix Salaveria Jr. na dinukot sa magkahiwalay na insidente nitong Ago. 23 at Ago. 28 sa Tabaco City, Albay.
Sina Dangla at Tiong ay mga convenor ng Pangasinan People’s Strike for the Environment (PPSE) na itinatag noong 2021. Sa pamamagitan ng mga pormasyong ito, nakagawa sila ng mga kampanyang pangkalikasan sa 15 bayan at 55 parokya sa Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan.
Nanguna ang Pilipinas sa pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga tanggol-kalikasan, ayon sa tala ng environmental monitor Global Witness, isang international non-government organization sa loob ng 11 taon.
Umabot naman sa mahigit 17 na kaso ng pamamaslang sa mga environmental defender ang naitala ng Kalikasan People’s Network for the Environment.
Subalit kasabay ng pagkilala sa karapatang ipagtanggol ang kapaligiran ay pag-inog din ng karahasan, panunupil, ‘di makataong pamahalaan at lubhang mapanirang sistemang sosyo-ekonomiko sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Ang pagkasira ng kapaligiran ay isang malaking banta sa mga karapatan at kabuhayan ng mga mamayang Pilipino.
At may magagawa nga ba ang pamahalaan para ipagtanggol ang mga tanggol-kalikasan?
Hindi natin makakamit ang ating mga karapatan para sa ipagtanggol ang kalikasan, ito’y ipinaglalaban, iginigiit, pinalalawak, ipinapagwagi, at tuloy-tuloy na pinagtitibay gamit ang ating pinagsamang tinig, lakas at pagkilos.