Agawan ng eksena, parehong may sala
Harap-harapang nilalapastangan ng mga sigang ito ang demokrasya at karapatan natin. Nagbabalat-kayo na may pakialam sa batas, kaayusan at kapakanan ng mamamayan, pero sila rin naman ang mga salarin sa kaguluhan at pagdurusa ng mga ordinaryong Pilipino.
Marahil marami sa atin ang naiinip sa pag-aabang kung paano magwawakas ang pangmatagalang pampolitikang tampuhan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Ngayon lang sa kasaysayan ng bansa nagkaroon ng ganitong klaseng girian sa pagitan ng dalawang pinakamataas na opisyal. Ngayon lang din nakanood ang publiko ng teleseryeng walang bida, puro kontrabida lang.
Matapos ang pagmumura’t pagdadabog ni Sara kamakailan sa isang online press conference, binunyag rin niya na may kinausap na raw siya para iligpit ang pamilyang Marcos bilang paghihiganti kung bigla na lang siyang matagpuang patay.
Sumagot naman si Marcos Jr. na “papalag” daw siya sapagkat buhay na niya ang pinagbantaan. Hindi raw siya papatokhang at dapat nang harapin ng pamilyang Duterte ang kanilang mga atraso.
Dinoble ng pangulo ang bilang ng security sa Malacañang. Ang mga tagasuporta naman ng mga Duterte, tila nabubuhayan dahil ganado sa rambulan.
Ang postura ng parehong opisyal: sila’y biktima nang isa’t isa at sila ang nasa tama.
Sa mga nakalipas na buwan, isa-isang napapatunayang totoo ang nasa mahabang listahan ng mga krimen ng pamilyang Duterte laban sa mamamayan.
Nagsimula sa pagkakasiwalat ng korupsiyon ni Sara sa pondo ng Department of Education at Office of the Vice President. Nilustay ang milyong-milyong pisong confidential and intelligence funds, pineke ang mga pirma at dokumento at pinandigan ang pagiging bratinella para tumakas sa pananagutan.
At para ilihis ang atensiyon ng mamamayan, gumawa na naman ng panibagong krimen—lantarang pagbabanta sa buhay ng kanyang karibal. Ang mga ito’y sapat nang mga batayan para kasuhan si Sara at tanggalin sa puwesto. Mag-ama nga sila ni Digong, parehong utak-pulbura!
Ito namang ama, ginawang negosyo ang buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Pinatay ang libo-libong drug adik kuno sa Oplan Tokhang, kapalit ang ilang libong pisong ipinambusog sa mga berdugong pulis.
“I take full responsibility,” pagyayabang ni Digong. Umamin na lang din, wala nang dapat ibang gawin kung hindi ikulong!
Ngayon, andito tayo sa exciting part.
Ano na ang gagawin ng kampo ni Marcos Jr.? Matitigil na lang ba ito sa mga pagbabanta at retorika ng pagpapatupad ng batas? Dapat hamunin ng taumbayan ang pagiging desidido ni Marcos Jr. na panagutin ang mga Duterte.
Kung ipagpapatuloy lang ng rehimeng ito ang pamamaslang, terrorist-tagging, militarisasyon sa kanayunan, pang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka, pagpapataw ng mas malalaking buwis sa manggagawa, at iba pang pahirap na patakaran at kung patuloy lang ding magpapakasasa sa napakalaking pondong hindi nabubusisi, wala rin pinag-iba si Marcos Jr. sa mga Duterte.
Kagaya ng mga Duterte, dapat ding singilin at panagutin ang rehimeng ito dahil ibayong pagpapasakit ang dala sa mamamayang Pilipino.
Kagyat na dapat pigilan ang pagharang ni Sara sa imbestigasyon kaugnay ng paglulustay niya ng pondo ng taumbayan. Sa ngayon, pinapain niya pa kasi ang mga tauhan niya habang umiilag sa tanong kaugnay ng confidential funds.
Kailangan malaman ng publiko ang modus na ito. Layon ng mga pasabog ni Sara na ilihis muli ang usapin patungo sa kasalanan ng iba.
Pero kung titingnan ang buong larawan, taktika ito sa politika upang ibaling ang galit ng publiko sa iba. Sa kabilang banda, ganyan rin ang tono ni Marcos Jr. para absuwelto siya matapos ang pagdinig sa Kamara.
Sa aktuwal, parehas lang ang dalawang lider: kinukumbinsi ang mamamayan na ang kabilang panig ang mas marumi.
Sayang lang ang buwis natin sa paligsahan ng pareho sa kung sinong mas marumi dahil patas lang sila.
Dapat ding tandaan ng mamamayan na si Marcos Jr. at ang iba niyang kamag-anak at kaalyado sa politika ang nag-apruba ng confidential funds na pinagpiyestahan ni Sara. Palibhasa, UniTeam pa sila noon.
Sa harap ng pag-uumpugan ng mga kontrabida para kopohin ang kapangyarihan at kayamanan, napapanahon nang lumabas ang mga tunay na bida sa palabas na ito, ang taumbayan.
Harap-harapang nilalapastangan ng mga sigang ito ang demokrasya at karapatan natin. Nagbabalat-kayo na may pakialam sa batas, kaayusan at kapakanan ng mamamayan, pero sila rin naman ang mga salarin sa kaguluhan at pagdurusa ng mga ordinaryong Pilipino.
Babangon ang mga api at papanagutin ang mga umaastang tagapagligtas ng bayan.
Patalsikin si Sara, itapon ang mga Duterte sa selda. Singilin ang mga Marcos sa kanilang makasaysayang kasalanan sa taumbayan at ang patuloy na pamamandila ng bulok na politika at mga patakaran.
Panahon na para bumida naman ang tunay na interes at kapakanan ng taumbayan.