Hindi natatapos ang dalamhati
Hanggang ngayon, hindi ko pa sigurado kung paano ang proseso ng aking pagdadalamhati. Minsan, parang madali lang itong tanggapin.
Hindi ko pa rin naiintindihan ang pagluluksa. Mabilis na dumating ang unang anibersaryo ng pagkamatay ng aking ama. Hindi pa rin ako makapaniwala na isang taon na ang lumipas mula noong huli kaming nag-usap. Napakahabang panahon pala ng isang taon.
Dati, kapag nababalitaan kong nagluluksa ang mga kaibigan sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay, hindi ko mahanap ang tamang sasabihin bukod sa “nakikiramay ako.” At sa lahat ng ito, wala pa ring nakapaghanda sa akin para sa araw na mawawala ang aking ama. Kung inaakala kong maiintindihan ko na, hindi pa pala.
Maraming araw, linggo, o kahit taon bago pumanaw ang aking ama, palagi niyang sinasabi, “Maalala mo ito, anak,” tuwing magkasama kaming dumadaan sa magagandang sandali. Masakit sa akin na ang huling alok ng aking ama na makapag-usap kami ay pinagpalit ko upang matulog. Hindi ko inakalang sa paggising ay hindi ko na ito mararanasan.
Hindi ko maintindihan na kahit sa gitna ng pinakamasasayang pangyayari o pinakaordinaryong araw ay kaya pa rin akong balutin ng pagluluksa kapag naaalala ko siya. Sa tuwing madadaanan ko ang dati naming tirahan sa Laguna, ang mga lugar kung saan ako sinusundo ng aking ama o kahit ang mga lugar kung saan n’ya ako binibilhan ng pagkain tuwing nalulungkot ako, nakikita ko pa rin ang imahen ng kanyang lakad pati ng kanyang mga ngiti. Nabigyang-buhay ang mga lugar na ordinaryong tanawin lang naman para sa akin noon.
Ngunit hindi ko pa rin naiintindihan ang pagluluksa.
Hanggang ngayon, hindi ko pa sigurado kung paano ang proseso ng aking pagdadalamhati. Minsan, parang madali lang itong tanggapin.
Hindi ito kailanman madali. Hindi ito kailanman maliwanag.
Isang bagay ang malinaw sa akin: hangad kong marating ang aking pagtanda na dala pa rin ang pag-ibig at mga alaala ng aking ama. Sabi nila, kabayaran ang pagluluksa para sa naranasan nating pagmamahal. Ngunit para sa akin, isa itong pabaon na sukli ng pagmamahal na minsan nating naramdaman.
Hindi ko pa rin naiintindihan pero hindi na ako takot na harapin muli ang dalamhati sa mga hindi ko inaasahan pagkakataon dahil para sa akin, pagkatapos ng luha’y ang pagkakataon upang mabalikan ulit ng aking isipan ang magagandang alaala noong kasama ko pa ang aking ama.
Tunay ngang ipinapakita ng pagluluksa kung gaano kalalim ang pagmamahal. Dati, kinatatakutan ko ang sakit na dulot nito, pero ngayon, buong-pusong niyayakap ko ang mga damdaming iyon—mga alaala ng isang tahanang hindi kailanman mawawala sa aking kalooban.
Ang aking dalamhati ay patunay na ang aking pagmamahal ay buhay pa, kahit pa wala na ang aking ama. Hindi man matapos, hindi man maging mas madali, hindi ko man maintindihan nang husto, ang pagproseso ng aking pagdadalamhati nagtuturo sa akin na ang pag-ibig hindi kailanman nawawala.
Nananatili itong ligtas sa ating mga alaala. Ang paglakad sa landas ng aking pagdadalamhati, sa halip na labanan ito, ang nagbigay sa akin ng puwang upang maranasan ang masayang pag-ibig na palaging mananatili sa pagitan ko at ng aking ama.