Manggagawa ng Ateneo, wagi sa kaso laban sa pamantasan


Panalo ang Ateneo Employees and Workers Union sa kaso laban sa Ateneo de Manila University ukol sa ilegal na pagkaltas ng sahod kaugnay sa leave of absence noong kasagsagan ng pandemya.

Panalo ang Ateneo Employees and Workers Union (AEWU) sa kanilang kaso laban sa Ateneo de Manila University ukol sa ilegal na pagkaltas ng sahod kaugnay sa leave of absence ng mga manggagawa noong kasagsagan ng pandemyang Covid-19.

Ayon sa National Mediation and Conciliation Board (NCMB), hindi nakapaghain ng sapat na ebidensiya ang pamantasan patungo sa komputasyon na isinumite ng unyon na siyang naging katuwiran sa pagkatalo nila sa kaso.

Iniutos ng NCMB na ibalik ang kinaltas na sahod sa mga empleyado na may kabuuang P28,533,028.46. Pinagbabayad din ang pamantasan ng moral at exemplary damages na P2,920,000 at ang bayad sa mga abogado na P3,145,302.46.

Nakadepende ang matatanggap ng bawat miyembro ng unyon sa ipapasa nilang mga payslip. Binigyan naman ni AEWU president Raymond Tano ng tatlong araw para sa mga manggagawang hindi pa nagbibigay.

Nagbigay din si Tano ng karagdagang impormasyon sa kasalukuyang lagay ng negosasyon sa collective bargaining agreement. Aniya, dalawang probisyon na lang patungkol sa sahod ang kailangang talakayin.

Ilan sa mga napagsang-ayunang mga probisyon ang tungkol sa union recognition, vacation leave with pay at laws of membership. May siyam pang probisyon na pinagpaliban na muna.

Ukol naman sa mga notice of charge na laban sa mga miyembro ng unyon dulot ng kanilang protesta laban sa polisiya ng work-rotation na ipinatupad ng Central Facilities Management Office, ipinaliwanag ni Tano na mahigpit ang pagmamatyag ng administrasyon sa mga manggagawa sapagkat sinusuri raw nila ang mga CCTV footage na nagpapakita ng mga manggagawang nagkasala ng “loitering” sa loob ng pamantasan. 

Binigyang-diin niya na nakatanggap na ang unyon ng panliligalig mula sa administrasyon at napagsang-ayunan ng mga miyembro nito na handa sila maghain ng notice of strike kung kinakailangan.