Pagbitak ng hydropower sa mga katutubo ng Kordilyera
Para sa mga lokal at aktibista, mayor na isyu ang peligrong dala ng mga proyekto sa hitik na likas na yaman, kabuhayan ng mga komunidad at mayamang kultura ng mga katutubong Igorot sa Kordilyera.
Sa kabundukan sa tabi ng makasaysayang Ilog Chico sa probinsiya ng Kalinga, ang noo’y mainit na ugnayan at masasayang batian ng mga lokal ay kamakaila’y napalitan ng malamig na pakikitungo at pag-iiwasan ng mga tingin.
“Hindi na kami nag-uusap kagaya dati,” sabi ni Gohn Dangoy, 59 anyos na magsasaka, isang katutubong Naneng mula sa Tabuk City, Kalinga. “Kung mag-uusap man, nagtatalo na lang kami. Kapamilya man o kaibigan, hindi magkasundo.” Aniya, “malalim na pagkabitak” ang idinulot ng muling pagbabalak na magtayo ng dam sa Ilog Chico.
Sa kasalukuyan, target ng gobyerno ang mayabong na likas na yaman ng Kordilyera para maging lunsaran ng mga inisyatiba sa renewable energy.
Simula noong 2015, nasa 99 hydropower project na may pinagsama-samang generating capacity na mahigit 4,000 megawatts ang pinahintulutan ng Department of Energy (DOE) sa rehiyon. Nasa development stage na ang 52 sa mga ito, 32 naman sa pre-development, habang 15 ang tumatakbo at kumikita na.
Ang mga proyekto’y naging mitsa ng mga tunggalian sa mga apektadong komunidad. Hinati nito ang mga lokal sa pagitan ng mga sumusuporta sa mga proyekto sa ngalan ng modernisasyon at yaong mga tumututol sa pangambang wawasakin nito ang mga taniman, libingan at pinagkukunan ng tubig.
Nangangamba rin ang ilang mga eksperto sa dami ng mga hydropower projects na gustong itayo sa rehiyon pagkat maaaring bumulusok pababa ang buong larangan ng hydrogeography at ekonomiya ng rehiyon.
Agresibong itinutulak ito ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. na pumopostura bilang “climate champion.” Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2023, ipinagyabang niya ang planong kunin sa “renewables” ang 35% ng enerhiya pagsapit ng 2030.
Sa SONA ngayong taon, ipinagyabang ni Marcos Jr. ang mga aprubadong proyekto na may mahigit P3 trilyong ($54 bilyon) investments sa apat na prayoridad na sektor, kasama dito ang renewable energy. Ani Marcos Jr., isa itong “crucial step” sa pagresolba ng krisis sa klima.
Susing rehiyon ang Kordilyera para sa mga renewable energy projects. Matatagpuan dito ang 13 mayor na river system na may kakayanang magluwal ng nasa 30% ng hydropower potential ng Pilipinas—anim na beses na mas malaki kaysa kasalukuyang rekurso ng bansa.
Para sa mga lokal at aktibista, mayor na isyu ang peligrong dala ng mga proyekto sa hitik na likas na yaman, kabuhayan ng mga komunidad at mayamang kultura ng mga katutubong Igorot sa Kordilyera.
Para sa kaunlaran o para sa kahirapan?
Dekada ‘70, ang mga katutubo ng Kalinga, sa pamumuno ni Macli-ing Dulag, isang martir ng sambayanan, ay nag-aklas laban sa pagtatayo ng malaking dam sa Ilog Chico. Pinatay si Dulag ng mga elemento ng estado noong 1980, ngunit bigong patayin ang pakikibaka ng mga katutubong Igorot para sa kanilang lupang ninuno. Umalingawngaw ang panawagan ng mga katutubo para sa kanilang tinubuang lupa.
Bunga nito, napahinto ang pagtatayo ng dam sa Ilog Chico at isang 1 megawatt micro dam lang ang naitayo sa buong Kalinga. Nasuspinde pa ang operasyon ng dam noong 2021 dahil sa negatibong epekto nito sa irigasyon. Ngunit sa kasalukuyan, malaking hamon para sa mga katutubo at magsasaka ng Kalinga ang balak na itayong 19 na hydropower project sa lalawigan, kabilang ang isang panibagong dam sa Ilog Chico.
Apat sa mga hydropower project ay nasa ilalim ng JBD Water Power Inc. (JWPI)—isang Australian na korporasyon. Dalawa dito ang balak itayo sa Ilog Saltan, habang ang dalawa naman ay sa Ilog Cal-oan, parehong sa munisipyo ng Balbalan.
Umaandar pa ang konsultasyon sa mga komunidad malapit sa Ilog Saltan, habang ang taumbaryo ng Mabaca, malapit sa Ilog Cal-oan, ay nag-rehistro ng kanilang pagtutol.
Noong Marso 2023 at Agosto 2024, naghain ng petisyon ang mga residente ng Mabaca sa National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) laban sa binabalak na 45-megawatt Mabaca 2 Dam sa Cal-oan.
Ang pinakahuling petisyong isinampa nila’y para iantala ang free, prior, and informed consent (FPIC) na rekisito bago simulan ang proyekto. Para sa mga lokal na residente, ang Ilog Cal-oan ay bahagi ng kanilang lupang ninuno at mayroon silang lehitimong batayan para angkinin ang naturang ilog.
Sa kabila nito, mapilit ang NCIP na ituloy ang mga proyekto. Ayon sa mga lokal na lider ng Mabaca, balak pa ng ahensiyang magsagawa ng 12 konsultasyon sa mga tumatangging residente.
Para kay Barcelon Badin, kapitan ng barangay, nang makita n’ya ang mga blueprint ng dam, kinatakot n’ya na palalalain nito ang mahirap na nilang buhay.
“Lulunurin n’yan (dam), ang aming mga palayan,” ani ni Badin.
Sa katabing barangay ng Buaya, handa na ang mga lokal na residenteng pumirma ng memorandum of agreement, isang mahalagang hakbang para makuha ang FPIC, kasama ang JWPI para sa 40-megawatt Buaya hydropower project.
Namasukan na Jermito Jacinto, isa sa mga elder ng tribong Butud sa Buaya, bilang consultant ng JWPI. Ayon kay Jacinto, ang proyekto’y magbibigay ng mga trabaho, mas murang kuryente, scholarship para sa mga bata at ilang milyong piso na taunang kita sa pamahalaang lokal.
“Ang ilog ay puno ng yaman, pero hindi natin alam paano ito pakikinabangan,” pagbabahagi ni Jacinto.
Pinagtatalunan hanggang sa ngayon ng dalawang baryo ng Buaya at Mabaca ang tungkol sa mga dam. Para sa mga residente ng Buaya, lilikha ang dam ng oportunidad makaahon sa kahirapan, ngunit para sa mga taga-Mabaca, katumbas ito ng pagsira ng kanilang kabuhayan.
Sa pagsusuri ni Eric Gonayon, dating alkalde ng Balbalan, walang katotohanan ang mga pangako ng pag-unlad mula sa mga proyektong dam.
Ayon kay Gonayon, barya-barya lang o “wala pa sa 1% ng kikitain nila ang mapapakinabangan namin. Parang binigyan lang kami ng kendi pero kinuha nila ang buong tindahan.”
Ayon sa patakaran ng DOE, dapat makatanggap ang mga lokal pamahalaan ng 0.01 piso sa bawat kilowatt-hour, katumbas ito ng 0.09% sa abereyds na buwanang benta.
Pinuna naman ni Dominic Sugguiyao, environment and natural resources officer sa pamahalaang lokal ng Kalinga, ang NCIP na tila umaakto pang ahente ng mga korporasyon imbis na patas makitungo sa komunidad at naglalako ng proyekto.
Kalakaran ito ng NCIP sa probinsiya pansin ni Sugguiyao, na itutulak pa rin ng ahensiya ang proyekto kahit pa klarong hindi makikinabang ang mga residente.
“Ang gusto lang nila, pagkakitaan kami. Kahit walang consensus, pinapalabas nila na meron,” aniya. Tumanggi namang magkomento ang NCIP.
Pambansang direksyon
Ayon kay Ariel Fonda, tagapangasiwa ng hydropower division ng DOE, isang magandang senyales ang pagdami ng hydropower projects sa bansa. Isa umano itong hakbang palayo sa paggamit ng fossil fuel, patungo sa “energy self-reliance.”
Sa pamamagitan ng Evoss (Energy Virtual One-Stop Shop), isang batas na ipinasa noong 2019, pinabilis nito ang pag-apruba sa mga proyektong pang-enerhiya. Garantisadong aprubado ang kontrata ng mga debeloper sa loob lang ng 30 araw. Inaatasan din ng batas ang NCIP na tiyaking makakapagbigay ng FCIP sa loob ng 105 araw.
Dapat daw maging pursigido ang gobyerno sa pagpapaliwanag ng mga benepisyo ng hydropower pagkat “malaki ang matitipid natin dahil magiging mas mura ang kuryente.”
Pero sa pananaw ni Jose Antonio Montalban, isang eksperto sa kalikasan at sanitasyon mula sa Pro-People Engineers and Leaders (Propel), “nakababahala” raw ang masyadong mabilisan at maramihang mga proyekto.
Magiging mapaminsala raw ang mga ito sa ekolohiya dahil agresibong babaguhin ang “carrying capacity” o kakayahang umangkop ng kalikasan.
Sa usaping agrikultura naman ang ikinababahala ng grupong Cordillera People’s Alliance. Ayon kay Lulu Gimenez, “Paano na lang ang mga sakahan na nakadepende sa mga ilog para sa irigasyon? Dalawa lang ang pagpipilian: mawala ng tuluyan o bumaba ang ani.”
Kinuwestiyon naman ni Rosario Guzman ng Ibon Foundation ang pangakong murang kuryente ng DOE. Aniya, dahil pribatisado ang industriya ng kuryente, higit na makikinabang ang pribadong sektor kaysa sa mamamayan.
“Ang industriya ng enerhiya ay isang monopolisadong industriya, at hindi nagbabago ang demand dito, magtaas man o bumaba ang presyo. Ibig sabihin, kahit pa ibukas ito sa iba pang entidad para kuno sa mas murang presyo, ang totoong ibibigay nito ay presyong idinikta lang rin ng monopolyo,” paliwanag ni Guzman.
Dagdag pa ng Ibon, ang pag-asa sa renewable energy para umano sa mas abot-kayang enerhiya ay mangyayari lang kung may hakbang ang gobyerno para gawing serbisyong publiko ang kuryente.
Pasismo ng estado
Kasunod ng pagtutulak ng mga hydropower project sa probinsiya, naitala din simula 2022 ang pagdami ng kaso ng pambobomba at pagkakampo ng militar sa mga komunidad na tumututol sa mga proyekto. Ang mga residente ng Balbalan ay nababalot ng takot dahil sa mga operasyong militar.
Nakakintal sa kanilang gunita ang unang pambobomba na kanilang naranasan noong Marso 2023.
Mahimbing ang tulog ni Eufemia Bog-as, 30 anyos, nang bigla siyang mapatalon mula sa kanyang hinihigaan, alas-dos ng madaling araw.
“Parang lumindol! Nakarinig ako ng anim na pagsabog. Lumabas ako, balot ang langit ng makapal na usok,” kuwento ni Bog-as.
Sabi ng gobyerno at ng militar, target ng pambobomba ang mga armadong rebelde na umano’y nangunguna sa pagtutol sa mga proyektong dam.
“Kontra daw kasi kami sa pag-unlad,” dagdag pa ni Bog-as.
Binansagan ni Caselle Ton ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang mga sundalo bilang “tagapagtanggol ng puhunan,” lalo pa’t ang pinatinding presensiya ng militar ay para “takutin at sapilitang ipatanggap sa komunidad ang mga proyekto.”
Noong Marso 2023, dalawang magkahiwalay na insidente ng pambobomba ang naitala sa Balbalan. Ang pinakahuling naitalang pambobomba sa lugar ay noong Hunyo 2024. Naitala din ng CHRA ang paghuhulog ng bomba sa mga probinsya ng Abra at Ilocos Sur sa loob ng isang araw noong April 2024.
Sa probinsya ng Abra, pinatay ang isang lider-magsasaka na si Antonio Diwayan, Oktubre 2023. Si Diwayan ay kilalang kritiko ng mga pagmimina sa kanilang lugar. Ayon sa militar, siya ay kasapi ng New People’s Army (NPA).
Sa kabila ng deklarasyon ng militar noong 2022 na Kordilyera ang “huling kanlungan” ng limang dekadang pag-aarmas ng Communist Party of the Philippines, nananatiling malaking banta ang komunistang grupo sa gobyerno.
Panawagan ni Kalinga Governor James Edduba noong Agosto 2024 na suportahan ng buong lalawigan ang mga sundalo laban sa komunismo. Sabi niya, “Tanging kapayapaan at kaayusan ang magbibigay sa atin ng kapayapaan at kaunlaran. Kung may kapayapaan, tiyak na dadagsain ang Kalinga ng mga mamumuhunan.”
Ngunit para kay Bog-as, isang residente ng Balbalan at nakaranas ng pambobomba, malaking pahamak ang dala ng pagturing ng estado sa mga sibilyang nagpapahayag ng kanilang saloobin at mga kasapi ng armadong grupo bilang iisa.
“Narinig mismo namin mula sa mga sundalo, sinisisi nila sa aming mga tumututol ang kanilang pananatili sa aming mga komunidad. Dahil ayaw namin sa mga dam at pagmimina nila,” ayon kay Bog-as.
Sa kuwento naman ng magsasakang si Johnny, hindi niya tunay na pangalan, may buwanang pagpupulong ang mga sundalo sa baryo para sapilitang umamin ang ang mga residente na sila’y NPA.
“Kung papayag kami, parang tinatanggap namin ang kanilang akusasyon. Pero gusto naming ipaglaban ang aming lupang-ninuno,” wika niya.
Totoo namang may mga gerilya sa probinsya. Pero sa mata ng militar, walang pinag-iba ang sibilyan at armado. Kinuwento din ni Johnny kung paano nakakaapekto sa kanilang kabuhayan ang mga nagpa-patrol na sundalo.
“Wala kaming kalayaang bisitahin ang aming mga sakahan. Kumakaripas ng takbo ang mga bata at matanda makakita lang ng sundalo!”
Ang labis na pagtutulak ng rehimeng Marcos Jr. para sa renewable energy ay nagsasanhi ng biyak sa pagitan ng mga katutubo sa buong Kordilyera.
Kung magpapatuloy ang estado sa direksyong ito, hindi na masasaksihan pa ng susunod na henerasyon ang agaw-hiningang ganda ng dalisay na Kordilyera.
*Unang inilimbag sa wikang Ingles ng Mongabay