Pansamantalang proteksiyon sa dinukot na tanggol-kalikasan, ibinigay ng Korte Suprema


Inaprubahan ng Supreme Court en banc ang temporary protection order para sa tanggol-kalikasan na dinukot ng mga puwersa ng estado sa Pangasinan noong Marso.

Inaprubahan ng Supreme Court en banc ang temporary protection order para sa tanggol-kalikasan na si Francisco “Eco” Dangla III na dinukot ng mga puwersa ng estado sa San Carlos City, Pangasinan noong Marso 24, 2024.

Kasama ni Dangla na dinukot ang kapwa tanggol-kalikasan na si Axielle “Jak” Tiong na natagpuan makalipas ang apat na araw matapos ang paghahanap ng mga tanggol-karapatan sa iba’t ibang kampo ng militar at pulisya sa Gitnang Luzon.

Ikinagalak ng human rights watchdog na Karapatan ang desisyon ng Korte Suprema na bigyang proteksiyon si Dangla habang dinidinig ng Court of Appeals ang kanyang petisyon para sa mga writ of amparo at habeas data na mga remedyong legal para pangalagaan ang buhay, kalayaan, seguridad at pribasiya ng humihingi nito.

Sa desisyon ng Korte Suprema noong Set. 9 at inilabas nitong Okt. 31, ipinagbabawal na makalapit nang isang kilometrong radyos kay Dangla, sa kanyang tirahan, lugar ng trabaho at kasalukuyang lokasyon, maging sa kanyang pamilya, sina Philippine Army chief Lt. Gen. Roy Galido, 702nd Infantry Brigade chief Brig. Gen. Gulliver Señires, Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil, PNP Regional Office I chief Police Brig. Gen. Lou Evangelista and Pangasinan Provincial PNP chief Police Col. Jeff Fanged at iba pang elemento sa ilalim nila.

“Kailangan nating maging mapagmatyag sa pagsubaybay sa kaso ni Dangla,” wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Paliwanag ni Palabay, habang may positibong desisyon ang Korte Suprema sa petisyon ng dating Bayan Muna Partylist Rep. Siegfred Deduro hinggil sa red-tagging na nagpalawig sa sakop ng proteksiyon sa mga nasabing remedyong legal, hindi naman inaprubahan ng korte ang mga petisyon nina Jonila Castro at Jhed Tamano, pati na rin ang mga petisyon ng mga lider ng Karapatan, Gabriela at Rural Missionaries of the Philippines na nakaranas ng iba’t ibang paglabag sa mga karapatang pantao at kalayaang sibil.

“Malinaw na nangangailangan ng proteksiyon ng mga writ at igiit ang mga karapatan ng mga aktibista at iba pang pinagbabantaan ng paglabag sa kanilang mga karapatang pantao,” ani Palabay.

Nananatili aniyang pinakamabisang paraan ang malakas na kilusang masa para ipagtanggol at igiit ang mga karapatang pantao ng mamamayan.