2 tanggol-kalikasan, dinukot sa Pangasinan


Matapos ang halos tatlong araw na paghahanap sa mga kampo ng militar sa Gitnang Luzon, inanusiyo ng Karapatan Central Luzon nitong Mar. 28 na natagpuan na ang dalawang dinukot.

Dinukot sa San Carlos City sa lalawigan ng Pangasinan ang dalawang tanggol-kalikasan at manggagawang pansimbahan na sina Francisco “Eco” Dangla III at Axielle “Jak” Tiong noong Mar. 24 ayon sa mga nakasaksi sa insidente.

Batay sa salaysay ng tricycle driver na huling sinakyan ng dalawa, bandang 8:00 p.m. nang sila’y pinadapa, binugbog at kinaladkad pasakay sa isang naghihintay na SUV.

Agarang kinondena ng Karapatan Central Luzon ang pagdukot sa dalawa na ngayo’y ikapito at ikawalong biktima ng pagdukot sa rehiyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Matapos ang halos tatlong araw na paghahanap sa mga kampo ng militar sa Gitnang Luzon, inanusiyo ng Karapatan Central Luzon nitong Mar. 28 na natagpuan na ang dalawang dinukot.

Mga convenor ng Pangasinan People’s Strike for the Environment sina Dangla at Tiong katuwang ang Caritas at Archdiocese of Lingayen-Dagupan na nangunguna sa mga kampanya laban sa mga mapanirang coal-fired power plant, black sand mining, offshore mining at planong pagtatayo ng mga nuclear power plant sa lalawigan.

Ayon sa magkasamang pahayag ng mga progresibong grupo at partylist, marapat lang na managot ang mga may sala sa pagdukot sa dalawang tanggol-kalikasan.

“Ang pattern ng mga atake sa mga tanggol-kalikasan, tagapagtanggol ng karapatang pantao at mga komunidad, sa konteksto ng laganap na kultura ng kawalang pananagutan at sosyo-ekonomikong suliranin, ay nagpapakita sa nagpapatuloy na kalunos-lunos na kalagayan ng mga karapatan sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.,” ayon sa pahayag sa Ingles.

Iginiit din ng mga grupo na patunay ang kaso ng dalawa sa dalang panganib at paglabag sa karapatang pantao ng “terrorist-tagging” sa mga aktibista, kabilang ang pagdukot at sapilitang pagkawala.

Ayon naman sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), nananatiling isa sa mga pinakadelikadong bansa ang Pilipinas para sa mga tanggol-kalikasan.

Dagdag ng grupo, may 22 kaso ng pagdukot na sangkot ang mga puwersa ng estado na may 40 katao ang apektado at 15 dito ang mga insidenteng nakatuon sa mga tanggol-kalikasan.

Ang nangyari kina Dangla at Tiong ang ika-15 insidente ng pagdukot sa mga aktibistang may kinalaman sa adhikain sa kalikasan ang gawain. Sila rin ang ika-22 at ika-23 biktima ng pagdukot sa mga tanggol-kalikasan sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ayon sa Kalikasan PNE.