2 lider-Lumad, dinakip, hindi pa nililitaw


Magkasunod na dinakip ng militar ang dalawang lider-Lumad sa rehiyon ng Caraga. Ayon sa pinakahuling ulat, hindi pa matunton ng kanilang mga pamilya sina Michelle Campos, hinuli noong Mar. 6, at Genasque Enriquez, hinuli noong Mar. 2.

Sa unang linggo ng Marso, magkasunod na dinakip ng militar ang dalawang lider ng mga katutubong Manobo sa rehiyon ng Caraga. Ayon sa pinakahuling ulat, hindi pa matunton ng kanilang mga pamilya sina Michelle Campos, hinuli noong Mar. 6, at Genasque Enriquez, hinuli noong Mar. 2.

“Nananawagan kami sa militar na ilitaw na sina Michelle Campos at Genasque Enriquez, at siguruhing respetuhin ang karapatan nila tulad ng naisusulat sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law,” sabi ng human rights watchdog na Karapatan.

Nagsilbing lider ng Kahugpungan sa mga Lumadnong Organisasyon (Kasalo) si Enriquez. Isa ang Kasalo sa mga organisasyong kilala sa pagtindig para sa karapatan ng katutubo sa kanilang lupang ninuno.

Binibitbit nila ang panawagang ito sa iba’t ibang lunsaran tulad na lang ng Kampuhan sa Diliman kung saan naglalakbay papuntang Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ang mga katutubo para ibahagi ang kanilang mga kuwento’t panawagan.

Sa Manilakbayan 2015, isa si Campos sa ginawaran ng UP Sablay ni dating UP Diliman Chancellor Michael Tan.

Si Campos ang anak ni Dionel Campos, isa sa mga lider ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (Mapasu) na marahas na pinatay noong Setyembre 2015 ng paramilitar na grupong Magahat-Bagani sa insidenteng inaalala ngayon bilang unang Lianga Massacre. Kilala ang Mapasu sa pag-agapay sa mga paaralan para sa mga katutubo.

Noong Marso 2016, naibahagi ni Michelle ang sinapit ng ama at ng iba pang lider-katutubo sa United Nations Human Rights Council.

Mag-iisang dekada na mula nang maganap ang masaker, wala pa ring nakakamit ng hustisya ang komunidad.

“Wala pa ring awat na tinatakot ang mga lider gamit ang gawa-gawang mga kaso, pagbabanta, pilit na ‘pagpapasuko,’ at iba pang panggigipit sa komunidad ng mga Lumad at mga tanggol-katutubo,” sabi ng Karapatan.