Pagdakip sa dalawang organisador sa Laguna, kinondena
Hinuli umano ang dalawa sa mga gawa-gawang kaso habang sila’y nagpapagamot. Patuloy din ang red-tagging ng militar at pulisya sa dalawa para ikatuwiran sa pag-aresto.
Binatikos ng Anakbayan Calamba ang pag-aresto ng 68th Infantry Battalion, 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army at Philippine National Police sa mga community organizer na sina Binay Serrano at Christina Pasion sa Barangay San Isidro, Cabuyao City, Laguna noong Hulyo 30.
Hinuli umano ang dalawa sa mga gawa-gawang kaso habang sila’y nagpapagamot. Patuloy din ang red-tagging ng militar at pulisya sa dalawa para ikatuwiran sa pag-aresto.
“Walang sapat na batayan upang sila ay arestuhin at ilegal na idetine,” ayon sa grupo. Si Serrano ay isang katutubong Mangyan-Buhid at organizer mula sa Mindoro na napilitang lumikas dahil sa matinding militarisasyon sa kanilang komunidad, habang si Pasion naman ay isang Pilipino-Amerikanong nakipamuhay sa mga magsasaka.
Nakausap na ng National Union of Peoples’ Lawyers si Pasion at kasalukuyang tinitiyak ang maayos at ligtas na kalagayan niya sa kamay ng mga Bureau of Immigration.
Halos 72 oras namang hindi matunton ang kinaroroonan ni Serrano matapos ang aresto. Ayon sa pulisya ng Cabuyao City, idinaan sa presinto si Serrano, ngunit walang nakakaalam kung siya dinala.
Matapos magsagawa ng makataong misyon ng Karapatan Laguna, natunton si Serrano na nakapiit sa San Jose District Jail sa San Jose, Occidental Mindoro. Ayon sa impormasyong nakalap ng mga tanggol-karapatan, Hulyo 31 pa nang dahil sa San Jose si Serrano.
Ipinanawagan naman ng Karapatan Southern Tagalog at Malaya Movement USA ang agarang paglaya ng dalawa.
“Mahaba na ang rekord ng pulis at militar ng pagsampa ng gawa-gawang kaso sa mga community organizer na pilit inaakusa ang mga kaso tulad ng murder, illegal possession of firearms at iba pa,” sabi ng Karapatan Southern Tagalog.