Sangkot sa pagdukot sa 2 tanggol-kalikasan, inireklamo sa Ombudsman
Sa loob ng 17 araw sa kamay ng militar, nakaranas ng pisikal, mental at sikolohikal na tortyur ang dalawang kabataang tanggol-kalikasan na dinukot sa Orion, Bataan noong Set. 2, 2023.
Nagsampa sina Jonila Castro at Jhed Tamano, kabataang tanggol-kalikasan, ng mga kaso laban sa mga opisyal at ahente ng gobyerno ng paglabag sa kanilang mga karapatan sa Office of the Ombudsman nitong Dis. 5.
Inereklamo ng dalawang aktibista ng paglabag sa Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 o Republic Act 10353 at Section 4 (b), sub-paragraphs 1, 2, 4 at 11 ng Anti-Torture Act of 2009 o Republic Act 9745 ang mga sangkot sa kanilang pagdukot.
Kasama sa mga kinasuhan sina Jonathan Malaya, assistant director general ng National Security Council; Lt. Col. Ronnel de la Cruz, commanding officer ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army; Niño Balagtas, direktor ng National Intelligence Coordinating Agency Region III; Lt. Col. Mario Jose Chico, hepe ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) strategic communications cluster; at walo pang opisyal at tauhan ng pulisya at militar.
Maliban sa paglabag sa dalawang batas, kinasuhan din ang mga nabanggit ng paglabag sa Rights of Persons Arrested, Detained or under Custodial Investigation; Arbitrary Detention; at Grave Coercion sa ilalim ng Revised Penal Code.
Sinusuportahan naman ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan ang mga reklamo sa Ombudsman ng dalawang biktima ng pagdukot.
“Buo ang aming suporta kina Jonila at Jhed sa kanilang patuloy na laban para sa katarungan at pananagutan sa naranasan nilang pagpapahirap,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Dinukot ang dalawang tanggol-kalikasan ng Akap Ka Manila Bay sa Orion, Bataan noong Set. 2, 2023 at tinangkang palabasin bilang mga “rebel surrenderee” ng NTF-Elcac sa isang press conference sa Plaridel, Bulacan noong Set. 19, 2023.
Patuloy din ang banta sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng dalawa matapos ang 17 araw na pisikal, mental at sikolohikal na tortyur ng militar at NTF-Elcac sa pamamagitan ng patuloy pagbuntot, paniniktik at pagsasampa ng mapaghigating kasong grave oral defamation.
Habang nasa kustodiya ng militar, sapilitang pinalagda ang dalawa ng sinumpaang salaysay na nagsasabing kusa silang sumusuko sa gobyerno bilang mga rebelde.
Sa kabila ng dinanas nina Castro at Tamano sa kamay ng militar, binasura nitong Agosto ng Court of Appeals ang kanilang petisyon para sa mga writ of amparo at habeas data na sana’y magsisilbing proteksyon sa dalawa mula sa mga elementong nais silang gipitin dahil sa matapang na paglalantad ng modus operandi ng mga puwersa ng pamahalaan.
Umaasa si Palabay sana’y mabigyang-pansin din ang iba pang kaso ng pagdukot at sapilitang pagkawala maging ang kultura ng kawalang pananagutan sa mga karumal-dumal na krimen ng mga elemento ng estado.
Sa tala ng Karapatan, mayroong 14 na dokumentadong kaso ng sapilitang pagkawala sa unang dalawang taon ng rehimeng Marcos Jr. at 21 kaso sa panahon ng rehimeng Duterte.