Cycling buddy ni James Jazmines, eco-waste mgnt advocate sa Albay, dinukot
Dinukot ng mga nakasibilyang lalaki at isinakay sa isang silver na van si Felix Salaveria Jr., 66, bandang 10 a.m. ng Ago. 28 malapit sa kanyang bahay sa Brgy. Cobo, Tabaco City, Albay.
Limang araw matapos mawala si James Jazmines, dating labor organizer at nakababatang kapatid ni National Democratic Front of the Philippines peace consultant Alan Jazmines, isa na namang kaso ng sapilitang pagkawala ang naiulat sa lalawigan ng Albay.
Sa nakalap na impormasyon ng human rights watchdog na Karapatan mula sa mga saksi, dinukot ng mga nakasibilyang lalaki at isinakay sa isang silver na van si Felix Salaveria Jr., 66, bandang 10 a.m. ng Ago. 28 malapit sa kanyang bahay sa Brgy. Cobo, Tabaco City, Albay.
Sinabi rin ng mga saksi na pinasok ng mga unipormadong pulis ang bahay ni Salaveria bandang 7 p.m. at kinuha ang kanyang mga personal na gamit, kasama ang cellphone at laptop.
“Halatang umaakto ang pulisya sa mga utos. Pinatutunayan ng kanilang sapilitang pagpasok sa bahay ni Salaveria matapos siyang dukutin na bahagi ito ng iisang operasyon ng estado,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Tagapagtatag at aktibong kasapi si Salaveria ng Cycling Advocates na nagsusulong ng mura, malusog at alternatibong moda ng transportasyon.
Madalas kasama ni Salaveria si Jazmines, isa ring biking enthusiast, sa pagbibisikleta. Napabalitang nawawala si Jazmines matapos ang pagdiriwang ng kaarawan ni Salaveria noong Ago. 23.
Sa katunayan, si Salaveria ang nag-ulat sa Karapatan na nawawala si Jazmines noong umaga ng Ago. 26. Inakala niyang pagod lang ang kaibigan mula sa pagdiriwang dahil hindi ito sumasagot sa mga tawag at mensahe ngunit nakakandado ang bahay nito nang puntahan ni Salaveria noong Ago. 24.
Nagsuspetsa si Salaveria na naaksidente si Jazmines kaya hinanap niya ito sa malapit na mga ospital. Nawalan na ng kontak ang Karapatan kay Salaveria ilang oras bago dumating ang kanilang quick reaction mission sa Tabaco City noong Ago. 28.
Kinondena ng Karapatan ang walang habas na pagdukot kay Salaveria na nagpapagaling mula sa sakit at may maselang kalusugan.
Ayon sa pamilya ni Salaveria, na-stroke ito noong 2023 at naparalisa ang kaliwang bahagi ng katawan. Lubos ang pag-aalala ng pamilya dahil sa kalagayan ng kalusugan ng nawawalang kaanak.
“Habang lumilipas ang mga araw na walang kaming balita sa kanya, lalo kaming nag-aalala lalo na’t sa edad at kondisyong medikal ng aming ama,” ani Gab Ferrer, anak ni Salaveria.
Nag-aral si Salaveria ng hayskul sa San Beda University at ng kursong sosyolohiya sa University of the East-Manila. Naging bahagi siya ng pagtatatag ng Tunay na Alyansa ng Bayan Alay sa mga Katutubo (Tabak) at Kabataan para sa Tribung Pilipino (Katribu), mga grupong nagsusulong ng mga karapatan ng mga katutubong Pilipino noong 1980s.
Nang manirahan sa Tabaco City, naging aktibo si Salaveria sa adhikain sa eco-waste management at tamang pagtatapon ng basura.
Nakipag-ugnayan siya sa iba’t ibang grupo para sa mga alternatibong paraan ng pagtatapon ng basura kagaya ng paggawa ng compost para sa permaculture. Maliban dito, mayroon ding maliit na community garden si Salaveria sa kanilang bakuran.
Patuloy na nananawagan ang Karapatan at mga pamilya nina Salaveria at Jazmines na mailitaw ang dalawa nang ligtas.
“Nag-aalala kami dahil may altapresyon at nakararanas ng matinding pananakit ng binti si James dahil sa nerve impingement sa kanyang spine. Nananawagan kami sa mga awtoridad na tulungan kaming mahanap si James at maibalik siya sa amin nang ligtas,” wika ni Cora Jazmines, asawa ni James.
Sinabi naman ni Palabay na tumitibay ang hinalang kagagawan ng mga ahente ng estado ang pagdukot at pagkawala nina Salaveria at Jazmines.
“Iginigiit namin na maparusahan ang mga responsable sa kanilang pagkawala para sa paglabag sa Republic Act 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 kung saan pinarurusahan ang krimen ng involuntray disappearance ng panghabangbuhay na pagkabilanggo,” sabi ni Palabay.