Sangkot sa pagpaslang kay Jude Fernandez, kinasuhan
Naghain ang Kilusang Mayo Uno ng reklamo laban sa mga sangkot sa pagpatay sa beteranong unyonistang si Jude Thaddeus Fernandez na pinagbabaril ng mga ahente ng pulisya noong Set. 29, 2023 sa Binangonan, Rizal.
Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) ng katarungan para sa beteranong unyonistang si Jude Thaddeus Fernandez na pinaslang ng mga ahente ng pulisya noong Set. 29, 2023 sa Binangonan, Rizal.
Nagtungo ang KMU nitong Nob. 21 sa Office of the Prosecutor sa Taytay, Rizal upang pormal na magsampa ng kasong murder laban sa mga pulis na sangkot sa pagpaslang.
Naghain din ang sentrong unyon ng reklamo sa Commission on Human Rights sa parehong araw para sa independiyente at patas na imbestigasyon sa kaso.
Sinampahan nila ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Taytay ng kasong murder at ang paglabag sa Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, Republic Act 9745 o Anti-Torture Act of 2009 at Republic Act 9516 o ang inamyendahang batas sa ilegal na pagmamay-ari, pagmamanupaktura at pagbebenta ng mga armas at pampasabog.
Pinabubulaanan ng reklamo ang mga pahayag ng PNP-CIDG na si Fernandez umano ang isang nagngangalang “Oscar Dizon” at may armas at nanlaban daw ang biktima.
Laganap pa rin ang pandarahas sa sektor ng paggawa at sa mga manggagawa na naghahangad lang ng nakabubuhay na sahod at makatarungang kondisyon sa paggawa.
Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights, si Fernandez ang ika-72 biktima ng pamamaslang sa mga unyonista, organisador at manggagawa mula 2016.
Ang pagpatay din sa kanya ang ikaapat na kaso mula nang isinagawa ang High-Level Tripartite Mission ng International Labour Organization noong Enero 2023 kung saan nirekomenda sa gobyerno ng Pilipinas na imbestigahan ang mga kaso ng pagpaslang na kaugnay sa paggawa.