#KuwentongKabataan

Simbahan ang pangalawang tahanan


Para sa akin, hindi lang ito bahay-dalanginan o lugar ng mga relihiyoso’t relihiyosa. Ito’y pangalawang tahanan na nagsilbi kong kanlungan ng halos 10 taon at humubog sa kalahati ng aking buhay.

Maituturing na sagradong lugar ang simbahan sa mga mananampalataya—takbuhan upang manalangin, magsisi sa mga kasalanan at maipahayag ang taos-pusong pasasalamat sa Maykapal. 

Para sa akin, hindi lang ito bahay-dalanginan o lugar ng mga relihiyoso’t relihiyosa. Ito’y pangalawang tahanan na nagsilbi kong kanlungan ng halos 10 taon at humubog sa kalahati ng aking buhay.

Labintatlong taong gulang nang magsimula ang paglilingkod ko sa simbahan bilang miyembro ng choir. Hindi ito ang inaasam kong tahakin kundi ang pagsasakristan dahil sa pagnanais na sundan ang yapak ng aking mga kapatid. 

Ngunit tama nga ang kasabihan—may dahilan ang lahat ng bagay. Ang bata noon na kumakanta lang sa kalsada kasama ang mga kaibigan ay nabigyan ng pagkakataon na makaawit sa simbahan. Hindi ko akalain na mabubuo kami bilang isang grupo at magkakaroon ng sariling piyanista na lubos na naniwala sa aming talento. 

Isa sa mga hindi ko malilimutang alaala sa paglilingkod ay tuwing sasapit ang mga panahon sa Simbahang Katoliko tulad ng Adbiyento at Kuwaresma. Sunod-sunod ang aming pag-eensayo at kabi-kabila ang mga kaganapan. Kahit nakakapagod at madalas nakakapaos, napapawi ang sakripisyo dahil sa mga papuri at pagkilala na inaani mula sa ibang tao.

Sa paglipas ng ilang taon, naitalaga ako na maging lider ng aming munting grupo at buong akala ko’y magiging madali ang responsibilidad na ito. Gaya ng isang karaniwang tahanan, nasaksihan ko ang mga problema at hamong madalas na kinahaharap sa loob ng simbahan.

Dito ko napatunayan na ang simbahan ay hindi isang perpektong komunidad—maaari ka makaranas ng ‘di magandang pagtrato at pakikitungo mula sa kapwa naglilingkod.

Sa gaya kong batang lider, hindi rin maiiwasan na kuwestiyonin ang kapasidad at kakayahan mula sa ilan ngunit hindi ito naging hadlang upang mas magpursigi at paghusayan. 

Pagdating sa mga pagtatanghal, isa ako sa mga inaasahan sa pagtuturo sa mga kabataan tulad ng mga sayaw at dula. Maging sa pagboboluntaryo sa mga gawaing simbahan tulad ng pagtuturo ng katesismo sa mga bata at pakikiisa sa pamamahagi ng tulong sa komunidad tuwing may kalamidad.

Madalas man na sabihan noon na “panay ka na lang simbahan” o “diyan ka na lang tumira sa simbahan,” napagtanto ko na hindi napipigilan ang paglilingkod lalo na kung mahal mo ang ginagawa mo para sa Diyos at kapwa. 

Kaya naman, sinong mag-aakala na mula sa pagiging batang lider ay magiging ganap na lider-kabataan ako ng aming Youth Ministry sa kasalukuyan. Marahil ito’y bunga ng aking pagsisikap at pagtitiyaga na ibigay ang buong puso sa paglilingkod na naging daan upang magtiwala ang simbahan sa aking kakayahan.

Isang natatanging pagkilala na aking pahahalagahan upang maging mabuting ehemplo at pinuno sa mga kabataan tungo sa mabuting landas.

Nagwakas man ang serbisyo ko bilang miyembro ng choir sa loob ng ilang taon, nagbukas naman ang panibagong pinto sa mas mabigat na tungkulin.

Ang simbahan ay tahanan sa mga taong naghahangad ng pagbabago sa buhay tulad ng paglago sa pananampalataya—ito ang naipunla sa aking puso na patuloy kong pagyayamanin habang tinutupad ang tawag ng paglilingkod at nabubuhay bilang tao.