Teatro

Kapag nagliyab ang pag-ibig sa iba


Ipinapakita ng dulang “Ang Sweatshop, Ang Aparador at Ang Pinakamatigas na Tsinelas sa Balat ng Lupa” ang kuwento ng pag-ibig, pagkikibaka at pag-alpas.

Sa kolaborasyon ng PUP Sining-Lahi Polyrepertory at The UP Repertory Company, itinanghal ang “Ang Sweatshop, Ang Aparador at Ang Pinakamatigas na Tsinelas sa Balat ng Lupa”, isang dula sa panulat ni Jasfer Villasis at sa direksyon ni Serena Magiliw na halaw sa “Sunugin ang Aparador” ni Gio Potes sa Tanghalang PUP sa Polytechnic University of the Philippines Manila nitong Nob. 28-29 at Alcantara Hall sa University of the Philippines Diliman nitong Dis. 5-6.

Tampok ang kuwento ni Jhong, isang manggagawang nakaligtas mula sa nasunog na pabrika ng tsinelas na kalauna’y namulat at naging organisador, at ni Bettina, isang baklang parlorista na bumukod mula sa mapang-abusong pamilya na nag-alaga sa sugatang si Jhong.

Higit sa pag-iibigan ng dalawang tauhan, sumentro ang kuwento sa mga karanasan ni Jhong bilang isang manggagawa sa pabrikang pagmamay-ari ng negosyanteng dayuhan.

Inilarawan niya kung paanong tila mga bilanggo ang mga trabahador sa ‘di makataong kalagayaan sa pagawaan: mainit, walang maayos na bentilasyon, sira ang mga makina at laging kaharap ang mga delikadong kemikal na ginagamit sa paggawa ng tsinelas nang walang kaukulang proteksiyon.

Sa likod ng kuwelang karakter ni Bettina, nakakubli ang mapait na sinapit ng mga katulad niyang “iba” na dumanas ng iba’t ibang porma ng pang-aabuso dahil sa kanyang kasarian.

Bagaman ramdam ang bigat ng mensahe mula sa linyang binitawan ng dalawang tauhan, napanatili pa rin ang kawili-wili at magaan ang takbo ng istorya dahil sa nakaaaliw na karakter ni Bettina habang tinatalakay ang mga napapanahong isyu tulad ng gender-based violence at ng danas ng uring manggagawa. 

Hindi nalalayo ang ipinakita ng dula sa tunay kalagayan ng mga obrerong Pilipino maging sa kalagayan ng mga lesbian, gay, bisexual, transgender at queer (LGBTQ+) sa kasalukuyan.

Binigyang patotoo ng dula ang pambabarat sa sahod ng mga manggagawa habang nakasugal ang kanilang buhay sa loob ng mga pagawaan. Bukod sa mga hamon na kinakaharap ng mga obrero, nasaglitan din ang masalimuot na sitwasyon ng mga organisador tulad ni Jhong na pilit na sinusupil ng estado. 

Sa pag-usad ng kuwento, ipinamalas ni Jhong ang palabang katangian matapos masaksihan ang kawalang katarungan para sa kapwa manggagawa na biktima ng sunog sa pabrika. Naging matalas ang mga salita at mas naging masidhi ang emosyon habang sinasariwa ang insidente.

Mahusay na mayroong ganitong tagpo ang dula. Pagpapakita rin ito ng panghihikayat sa mga biktima at patuloy na inaalipin ng bulok na sistema na tumindig at makibaka para sa karapatan at katarungan.

“Anong hustisya pa ba ang gusto mo?” tanong ni Bettina. Ipinakita rin sa dula na may mga pagkakataon na nag-aalinlangang ipagpatuloy ang laban at palakasin ang mga panawagan dulot ng takot at pangamba.

Sa huli, parehong umalpas ang dalawa mula sa kanya-kanyang malupit na pinagdaanan sa buhay at taas-kamaong hinarap ang kasalukuyan nang magkasama. 

Nagtapos ang 45 minutong dula sa mga panawagan ng nakabubuhay na sahod, hustisya para sa mga manggagawang biktima ng pang-aabuso, at pagsalungat sa pag-iral ng sistemang patuloy na bumubusabos sa marami pang Jhong at Bettina.