“Spirit of the Glass,” itatanghal sa Marso
Handog ng Tag-ani Performing Arts Society, matutunghayan ang dula sa entablado ng Ignacio B. Gimenez-Kolehiyo ng Arte at Literatura (IBG-KAL) Black Box Theater sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman mula Mar. 8 hanggang 10.
Magiging maalab ang simula ng Marso dahil sa pagtatanghal ng dula na “Spirit of the Glass” sa panulat ni Bonifacio Ilagan at dinirehe ni Joel Lamangan. Handog ng Tag-ani Performing Arts Society, matutunghayan ang dula sa entablado ng Ignacio B. Gimenez-Kolehiyo ng Arte at Literatura (IBG-KAL) Black Box Theater sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman mula Mar. 8 hanggang 10.
Ayon sa Tag-ani, tugon ang dula sa lumalalang isyu ng red-tagging at paglabag sa karapatang magpahayag. Partikular na dito ang ginawang red-tagging ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) noong 2022, nang bawiin nila ang permiso na ilimbag at ipamahagi ang limang libro na noon pa man bahagi na ng kanilang imbentaryo, dahil itinakda nilang subersibo ito sunod sa pagpapakahulugan ng Anti-Terrorism Act.
Binawi rin ito ng KWF kalaunan, pero tulad ng lahat ng kaso ng red-tagging, hindi na nila mababawi ang epekto nito sa mga manunulat, mga alagad ng sining at mga karaniwang tao na dawit sa mga akusasyon.
Itong malagim na reyalidad ang nagsilbing inspirasyon sa “Spirit of the Glass.” Alamin bakit kaabang-abang ang dula sa panayam ng Pinoy Weekly sa dalawang batikang alagad ng sining.
Maraming nag-aabang sa mga likhang sining ng tambalan na Joel Lamangan at Boni Ilagan. Ano ang kinaiba ng “Spirit of the Glass” sa mga naunang mga obra ng dalawa?
Ilagan: Ang obvious na ikinaiba ng “Spirit of the Glass” sa mga nauna naming ginawa ni Direk Joel ay ang time and location setting. Ang “Spirit of the Glass” ay pangkasalukuyan. Katunayan, inspired ito ng red-tagging ng Komisyon ng Wikang Filipino sa limang awtor nito lamang 2022. Ang [pelikulang] “Oras de Peligro” ay circa 1986, ang “Spirit of the Glass” ay 2023.
Ang isa pang kaibhan ng “Spirit of the Glass” ay ang paggamit ng magic realism at humor sa kabila ng buhay-at-kamatayang problema ng mga pangunahing tauhan nito.
Sa publicity ng “Spirit of the Glass” ginamit ang linyang “Na-ghost ka na ba?” at marami ang lalong naging curious dahil dito. Anong ghost po ba ang babati sa mga manonood?
Lamangan: Dito sa “Spirit of the Glass,” hindi ito ‘yong ghost na nananakot; ito yung mga ghost ng kasaysayan, ghost na inapi ng iba’t ibang rehimen ng ating bayan. Nagpakita dito, nagsalita at nagsabi bakit nandito sila sa bahay na luma.
Hindi sila ordinaryong ghost ng horror. Ito ay mga ghost na nagpapaliwanag ng mga nangyari sa kasaysayan.
Ano ang inyong paboritong kuwentong katatakutan?
Ilagan: Naku, marami akong paborito. Sa aking sinulat na “Pakikipagbuno sa mga Maligno,” na inilathala ng Tanggol Kasaysayan sa aklat na Martial Law@50, sabi ko nga, “Ako ay isinilang at lumaki sa mga kuwento ng kababalaghan noong dekadang 1950. Kinaaliwan ko ang mga engkuwentro sa mga engkanto at lamanlupa ng mga taong malalapit sa akin. Mga kamag-anak na nililigawan ng mga hindi tagalupa o kaya’y kinakaibigan ni Maria Makiling.” Ang totoo, mahilig akong makinig sa radyo ng seryeng “Gabi ng Lagim.”
Marami rin ang pamilyar sa konsepto “Spirit of the Glass” para makausap ang mga namayapa na. Kung tunay ngang gumagana ang instrumento, sino ang maiging makausap mula sa kabilang buhay?
Ilagan: Noong bata pa ako, dekadang 1960, ang promotor sa paglalaro namin ng “Spirit of the Glass” ay ang aking ate. Ngunit wala naman kaming partikular na espiritong gustong makausap. Sa dulang isinulat ko, ninais kong makaugnay ang mga biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan para itanghal na ang mga krimeng ito ay katangian na ng paghahari ng mga mapang-api at mapagsamantala sapul simula ng ating kasaysayan.
Dahil babaybayin nito ang iba’t ibang yugto ng kasaysayan, may mga challenge ba sa pagtatanghal ng kuwento?
Lamangan: Ang challenging ay paano ito maiintindihan ng mga makabagong audience. Ngayon, iba na ang audience, lalo na ang mga kabataan na hindi naman nalaman kung ano ang nangyari at hindi nila alam kung ano at bakit ang nangyari ang mga iyon.
Ito, sa pamamagitan ng isang dula—isang artistic expression—ipinakikita ‘yon, napapaliwanag ‘yon. Lalo na yung mga kabataan ngayon na hindi naman na nila kilala sino-sino ang tauhan at ano nangyari. Ito ay para sa kanila.
Ano ang tingin ninyong mapagmumulan ng tunay na takot sa panahon ngayon?
Lamangan: Sa lipunang ito, ang nakakatakot ay ang hindi pagsasabi ng katotohanan, ang distortion ng ating kasaysayan. Ang natatakot ay ‘yong mga hindi naman totoo na pinapaniwalaan ng maraming tao dahil ito ay nagsisilbi sa interes ng mga nananakot. Kailangan, ito ay hindi dapat paniwalaan. Ito ay dapat tutulan at dapat gumawa ng mga paraan upang tulungan ang pagsasabi ng katotohanan. Itong play na ito ay isa sa mga instrumento ng pagtutuwid ng kasaysayan.
Ilagan: Buti at nabanggit mo ang tunay na takot sa panahong ito. Sabi nga ni Vivian sa “Spirit of the Glass,” “Huwag na kayong manakot! Dami na nga nating problema!” Dagdag naman ni Balé, “Ang problema natin, hindi tuko, hindi multo. Red-tagging!”
Bagaman red-tagging ang katatakutang take-off point ng “Spirit of the Glass,” tinatalakay nito ang pinagmumulan ng tunay na takot at terorismo sa ating panahon, na pinalalala ng mga batas na gaya ng [Anti-Terrorism] Act.
Ano ang dapat baunin ng mga manonood ng “Spirit of the Glass” sa Marso?
Ilagan: Pwedeng magsama ng special someone na makakapitan o mayayakap sa mga bahaging nakakatakot. Sa mga nalilito naman sa mga nangyayari sa lipunan, magbaon ng bukas na isip, at ang kanilang iuuwi ay lakas ng loob para makibaka.
Lamangan: Tingnan nila ang kasaysayan ng bayan nila at magdala sila ng analytical mind—hindi ‘yong kung lang ang sinasabi, ‘yon na ang pinaniniwalaan; ‘yong pronouncement ng kasalukuyang nagdi-distort ng kasaysayan, paniniwalaan. Dapat may pag-aanalisa.
Napakaimportante na ang bawat Pilipino—lalong lalo na ang mga kabataang nag-aaral sa unibersidad, sa high school, bukas pa ang kanilang paniniwala—kailangan aralin nila ano ang totoo. Ang totoo ay dapat yung katotohanang nagsisilbi sa interes ng nakararaming tao. Hindi lang sa interes ng mga kaunti.
Para makabili ng tiket, pumunta sa bit.ly/TagAniSOTG2024. Mayroong ticket bundle na buy 4, take 1 at diskuwento sa mga estudyante, PWD at senior citizen.