Malayang pagpapahayag, giit ng makabayang artista


Binuksan sa publiko ang eksibit na “Warm Bodies: Defending the Right to Dissent” sa pangunguna ng Concerned Artists of the Philippines katuwang ang University of the Philippines Arts Gallery.

Binuksan sa publiko ang eksibit na “Warm Bodies: Defending the Right to Dissent” sa pangunguna ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) katuwang ang University of the Philippines Arts Gallery nitong Ene. 26 na magtatagal hanggang Peb. 17.

Tugon ang eksibit sa opisyal na pagbisita ni United Nations Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan upang ipakita ang kasalukuyang danas ng mga artista ng bayan gamit ang iba’t ibang porma ng sining.

Kabilang sa eksibit ang mga larawang kuha ni Raffy Lerma, isang photojournalist na nakasubaybay sa “war on drugs” ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Lerma, hindi niya tinawag na “Pieta” ang kuha niyang nagpapakita ng isang asawang kinakanlong ang pinaslang mister. Pero natanggap niya na lamang itong interpretasyon ng publiko matapos niyang ilabas ang larawan.

“I never called it ‘Pieta,’ but it was quite fitting because that’s the message of the photo. ‘Pieta’ in Italian is ‘pity.’ Pity sa mga [victim] ng drug war, sa family,” aniya.

Shienna Grace Santelices/Pinoy Weekly

Naibahagi rin ni Lerma ang reaksiyong nakuha niya kay Duterte na “melodrama” lang ang kuha niyang retrato, ganito rin ang reaksiyong natanggap niya mula sa mga kritiko.

Ngunit aniya, nagpatuloy siya sa pagkuha ng mga larawan upang ipakita ang tunay na nangyayari sa lipunan kahit pa may mga banta ng pagpapatahimik.

“I think we should relate to what’s happening in Palestine. Kung ano ang nagagawa ng mga [image], how it shapes the world and how we see it,” sabi niya.

Nasa eksibit din ang Alter-Postcard Project ng propesor na si Boyet de Mesa para sa bilanggong politikal na si Renante Gamara.

Ilegal na inaresto si Gamara noong 2012 ng mga nagpakilalang miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines and Criminal and Investigation and Detection Group.

Kilala rin si Gamara bilang isa sa mga libo-libong manggagawang nagtayo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) noong 1980 kasama si Crispin Beltran.

Shienna Grace Santelices/Pinoy Weekly

Samantala, 2013 naman siya pormal na nakilala at nakapanayam ni de Mesa. Sabi ni de Mesa, bukod sa pag-oorganisa, isa ring artista ng bayan si Gamara. Ipininta niya ang kanyang piitan pati mga kapamilyang malayo sa kanya.

Aniya, ang mga likhang sining ni Gamara ay pahinga, pantanggal inip sa loob ng kulungan, at salamin ng patuloy na paninindigan.

Taong 2016 nailabas ang mga kopya ng Alter-Postcard Project na bunga ng kolektikbong paggawa ayon kay de Mesa. Namigay rin siya nito bilang panawagan na pakawalan na ang mga bilanggong politikal tulad ni Gamara.

“Ipagpatuloy natin ‘yong pagtatanggol para sa mga political [prisoner], kasi simbolo sila ng kawalan ng hustisya sa Pilipinas,” saad niya.

Tampok din sa eksibit ang community pantry ni Ana Patricia Non, isang proyektong nagsimula sa Quezon City sa pagnanais na makatulong sa komunidad noong 2021 sa kasagsagan ng pandemya.

Nagresulta sa red-tagging ang inisyatibang ito. Ayon kay Non, “hassle” ang una niyang naramdaman noong na-red-tag ang community pantry.

Aniya, aabot pa sana ng ilang mga lugar ang community pantry, mas marami pa sana ang mabibigyan ng pagkain at tulong, pero kailangan nilang itigil dahil sa red-tagging.

Naniniwala rin si Non na ang community pantry ay parang “artwork” na inilabas at bahala na ang tao na mag-interpret nito, kaya nakaramdam din siya ng galit dahil bakit kailangan pa niya itong ipaliwanag at mapatawag sa isang press conference.

“Noong nagsisimula ‘yong pantry akala ko isa ito sa hindi pinakapolitikal kong nagawa, pero ang politikal pala ay ‘yong usapin ng basic needs ng tao, kung nakukuha ba,” ani Non.

Nasa eksibit din ang biswal na presentasyon ng ginawang effigy ni Max Santiago na “Doble Kara.”

Ago. 25, 2023 nang sampahan ng dalawang pulis ng Quezon City Police District (QCPD) si Santiago at tatlo pang miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) dahil sa pagsusunog ng effigy noong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hun. 25, 2023.

Shienna Grace Santelices/Pinoy Weekly

Paglabag sa Ecological Waste Management Act at Clean Air Act ang ikinaso kay Santiago dahil umano sa polusyong dulot ng pagsusunog ng effigy.

Sa mahigit dalawang dekada niyang gumagawa ng mga effigy, ito ang unang beses na nasampahan siya ng kasong may kaugnayan sa batas pangkalikasan.

“Ngayon, ginagawa na lahat ng gobyerno, pati ‘yong mga environmental laws ay wine-weaponize na para pigilan ‘yong ating freedom of expression,” ani Santiago.

Ipinaliwanag din ng tagapangulo ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) na si Bibeth Orteza ang kahalagahan ng paglaban para sa karapatan sa pagpapahayag.

“Hindi lang ito [ginagawang paglaban ng mga artista ng bayan] para sa atin, kundi para sa mga mas nakababata sa atin, sa mga susunod na henerasyon,” wika niya.

Dagdag din niya, hindi niya lubos akalaing makararanas silang muli ng pangalawang pangulong Marcos na dahilan upang lalo pang lumaban ang mga artista ng bayan at igiit ang karapatan.