Progresibong grupo, midya, nagprotesta sa patuloy na sensura

Sa isang protesta sa Quezon City nitong Ene. 29, ipinahayag ng mga grupo ang patuloy na sensura at pagkakait sa kanila ng pamahalaan ng espasyo sa internet para malayang makapagpahayag.

Nanawagan ang mga progresibong grupo at alternatibong midya kay United Nations Special Rapporteur on freedom on opinion and expression Irene Khan na himukin ang National Telecommunications Commission (NTC) na ibasura ang atas sa pag-block sa kanilang mga website.

Sa isang protesta sa NTC sa Quezon City nitong Ene. 29, ipinahayag ng mga grupo ang patuloy na sensura at pagkakait sa kanila ng pamahalaan ng espasyo sa internet para malayang makapagpahayag.

Sa bisa ng memorandum ng NTC na may petsang Hunyo 18, 2022, inatasan ng ahensiya ang mga internet service provider na i-block ang 27 website, kabilang ang mga website ng mga alternative media outfit na Pinoy Weekly at Bulatlat, batay sa naunang memorandum sa NTC ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.

Sa memorandum ni Esperon, inakusahan niya na may kauganayan ang mga progresibong grupo at alternatibong midya sa Communist Party of the Philippines (CPP) at inatasan ang NTC na i-block ang nakalistang mga website.

Sa kasalukyan, tanging ang website ng Bulatlat ang malayang maa-access ng mga internet user sa Pilipinas dahil sa desisyon ng Quezon City Regional Trial Court noong Oktubre 12, 2022.

Ayon sa NTC, sumusunod lang daw sila sa utos ni Esperon, bagay na mariing kinondena ni Olea. Aniya, ito’y isang malinaw na atake sa malayang pamamahayag at hindi dapat pahintulutan ng publiko. Justine Jannah Taguibao/Pinoy Weekly

“Sabi nila, mayroon daw tayong ‘terrorist links.’ At ito raw ang dahilan nila kaya tayo sine-censor ng gobyernong ito,” ani Ronalyn Olea, editor-in-chief ng Bulatlat.

Ayon kay Olea, walang sapat na batayan para isensura ang mga websita at dapat na ibasura ang memorandum para i-block ang naturang mga website.

Ayon sa NTC, sumusunod lang daw sila sa utos ni Esperon, bagay na mariing kinondena ni Olea. Aniya, ito’y isang malinaw na atake sa malayang pamamahayag at hindi dapat pahintulutan ng publiko.

Sabi naman Marc Lino J. Abila, editor-in-chief ng Pinoy Weekly, nagsimula pa noong nakaraang rehimen ang nangyayaring sensura at nagpapatuloy sa kasalukuyang rehimen. Kinastigo rin niya ang Meta at iba pang social media platform sa sensura sa mga balita’t impormasyon na inilalathala ng alternatibong midya.

“Patuloy na ginigipit ng mga kompanyang ito ang ating mga kalayaan at karapatan sa pamamagitan ng kanilang mga hindi makatarungang community guideline,” aniya.

Kinondena rin ni Butch Lozande, secretary general ng National Federation for Sugar Workers, ang pag-block ng NTC sa mga website, kasama na rito ang kanilang website at ng iba pang progresibong organisasyon.

Ayon kay Lozande, ang hakbang na ito ay malinaw na pagkitil at pagsupil sa kanilang karapatan bilang mga magsasaka na ipahayag ang kanilang mga hinaing sa gobyerno at harapin ang mga problemang kinakaharap ng kanilang sektor.

Matapos ang protesta sa NTC, nagmartsa naman ang mga grupo patungong National Intelligence Coordinating Agency (NICA) upang kondenahin ang patuloy na red-tagging sa kanila ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), kasabwat ang militar, pulisya, NICA at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Patuloy na nananawagan ang mga grupo kay Khan na pakinggan ang kanilang mga rekomendasyon para ibasura ang atas ng NTC at Anti-Terrorism Act at buwagin ang NTF-Elcac na ginagamit ng estado sa paglabag sa mga kalayaan at karapatan ng mamamayan.

Dumating si Khan sa bansa noong Ene. 23 para sa 10 araw na pagbisita upang suriin ang kalagayan malayang pagpapahayag at pamamahayag sa Pilipinas.