Sitwasyon sa Kabisayaan, inulat sa UN rapporteur


Ayon kay Karapatan Central Visayas spokesperson Dennis Abarientos, napapanahon ang pagbisita ng UN rapporteur lalo na’t nagpatuloy at pinalala ng administrasyong Marcos Jr. ang mga pasistang polisiya ng rehimeng Duterte.

Sa pagbisita ni United Nations (UN) Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan sa Cebu noong Ene. 29, inihain ng mga delegado ng Kabisayaan ang mga tampok na kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao, lalo na sa kalayaan sa pagpapahayag at pagbibigay opinyon.

Kabilang sa mga lumahok ang mga civil society organization (CSOs) at midya mula sa Cebu, Bohol, Negros at Panay. Sa nasabing pagpupulong, litaw ang mga atake ng gobyerno sa CSOs sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP).

Aninaw Productions

Ayon kay Karapatan Central Visayas spokesperson Dennis Abarientos, napapanahon ang pagbisita ni Khan lalo na’t nagpatuloy at pinalala lang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pasistang polisiya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Hanggang ngayon, wala pa ring nananagot sa mga serye ng atake dito sa Visayas,” ani Abarientos.

“Isang halimbawa nito ay ang hayagang abduction ng mga state agents kina Alliance of Concerned Teachers Region VII coordinator Dyan Gumanao at UP Cebu lecturer Armand Dayoha sa loob ng isang port sa Cebu noong nakaraang taon,” dagdag niya.

Mabagal rin ang pag-usad ng kaso ng 155 bilanggong politikal sa Central Visayas. Target rin ng pananakot at harassment ang mga kaanak nila, gaya ng pamilya ni Myles Albasin, isang kabataang aktibista sa Cebu na inaresto dahil sa mga gawa-gawang kaso.

Isiniwalat naman ni Paghimutad Negros correspondent RJ Ledesma na dama rin mula alternative hanggang mainstream media ang mga kaso ng red-tagging, profiling, pag-aresto at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga mamamahayag.

“Mayroon tayong kasamahang correspondent ng Paghimutad, si Anne Krueger, na inaresto sa ginawang crackdown sa Bacolod City noong October 31, 2019,” ani Ledesma. 

Nakapagpiyansa man si Krueger, malaki naman ang pangangambang matulad ang sitwasyon niya kay Frenchie Mae Cumpio, isang community journalist sa Tacloban. Kamakailan lang, dinagdagan ang mga kaso ni Cumpio sa ilalim ng Anti-Terrorism Act.

Aninaw Productions

Nang dahil sa Memorandum Order 32 ni Duterte noong 2018 , binuhusan ng mga pwersa ng estado ang mga isla ng Negros, Eastern Visayas at Bicol. Pinangunahan ng PNP ang Synchronized Enhanced Managing Operations (Sempo) na kumitil ng anim na buhay sa Negros noong Disyembre 2018 at ng 14 magsasaka noong Marso 2019. Sinundan pa ito ng Oplan Sauron at Oplan Kapanatagan.

Naitatag rin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil sa Executive Order 70 ni Duterte. Binigyan ito ng sariling badyet para sa mga pasistang atake, kabilang na dito ang pambobomba at pagpatay sa siyam na Tumandok sa Panay.

Matapos ang naging pagbisita ni Khan, naglabas rin ng pahayag sa midya ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at ang Police Regional Office 7 sa kinalabasan ng kanilang sariling pakikipag-usap kay Khan. 

Ayon kay Hue Jyro Go ng PTFoMS, “vibrant” raw ang kalayaan sa pagpapahayag sa Cebu at wala raw naganap na pag-aresto sa mga rally.

Binatikos ang pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Central Visayas at pinaalalahanan ang PTFoMS sa kilalang kaso ng mga pag-aresto ng PNP sa Cebu gaya ng “Coke Cebu 3” noong 2019, “Cebu 8” noong 2020 at “Bankal 7” noong 2023.

Pinabulaanan rin ito ng National Union of Journalists in the Philippines Cebu Chapter (NUJP-Cebu) dahil laganap pa rin ang natatanggap na public shaming ng mga mamamahayag mula sa mga opisyal ng mga pamahalaang lokal.

Dagdag ng NUJP-Cebu, patuloy pa rin na kinakasuhan ng libel at cyberlibel ang mga miyembro ng midya at mas malala ay pinatay, gaya ng naging kaso ni DyRB radio broadcaster Renante Cortes noong Hul. 22, 2021.

Nagkakaisa ang pagtingin ng mga lumahok sa pulong na mainam na nakapagsumite ang mga organisasyon sa Kabisayaan ng ulat sa mga kaso nito para lumitaw ang katotohanan at mas maisulong pa ang paniningil ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa kanilang karapatan.

Rekomendasyon din nila ay maibasura na ang Anti-Terror Act at buwagin ang NTF-Elcac dahil sa patong-patong na kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang magiging inisyal na ulat ni Khan sa kinalabasan ng kanyang pagbisita sa bansa na nakatakda sa Peb. 2.