UN rapporteur, nakipagdiyalogo sa mga katutubo, magsasaka


Isinagawa ang pagpupulong sa konteksto ng opisyal na pagbisita ni UN Special Rapporteur Irene Khan sa bansa na nagsimula noong Ene. 23.

Malinaw at kongkreto ang mga paglabag sa freedom of expression and opinion. Ito ang nangibabaw na sentimyento ng mga civil society organization (CSOs) mula Hilaga at Gitnang Luzon sa kanilang diyalogo kay United Nations Special Rapporteur on freedom on opinion and expression Irene Khan sa Baguio City noong Ene. 26.

Taliwas ito sa naunang pahayag ni Presidential Task Force on Media Security spokesperson Hue Jyro Go “vibrant” umano ang estado ng kalayaan sa pagpapahayag sa bansa.

Tampok sa mga isyung dinala ng 20 na kinatawan mula Cordillera, Ilocos, Cagayan at Gitnang Luzon ang mga paglabag sa karapatan sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC) ng mga katutubo at mga kaso ng red-tagging. 

Ayon kay Ned Tuguinay ng Cordillera Peoples Alliance, tahasang paglabag sa kalayaan sa pagpapahayag ang mga kaso ng paglabag at ‘di pagrespeto sa karapatan ng mga katutubo sa FPIC.

“Hindi kinikilala ang paghindi [ng mga katutubo], kahit pa naidaan sa anumang legal na mekanismo. Wala ring nakahandang impormasyon kaugnay sa detalye ng mga proyekto na ito, at minsa’y namamanipula pa, kahit pa sentral ang karapatan sa impormasyon sa kalayaan sa pagpapahayag,” ani Tuguinay sa wikang Ingles.

Tampok sa mga isyung dinala ng 20 na kinatawan mula Cordillera, Ilocos, Cagayan at Gitnang Luzon ang mga paglabag sa karapatan sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC) ng mga katutubo at mga kaso ng red-tagging. Cordillera Peoples Alliance

Ilan sa mga kasong inilahad sa diyalogo ang ‘di pagkilala sa non-consent ng mga katutubong komunidad sa Gened Dams Project ng Pan Pacific Renewable Power Philippines Corporation sa Apayao, mga hydropower project sa mga ilog sa Kalinga, at sa isang proyektong irigasyon ng National Irrigation Administration sa Pagudpud, Ilocos Norte.

Batay sa ulat ng mga organisasyon, talamak ang papel ng pulisya at militar, kasabwat ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), sa pagbabanta at pananakot sa mga nasabing komunidad upang sapilitang ibigay nila ang kanilang FPIC. 

“Maraming beses sa FPIC process, pinagbawalan ng NCIP ang mga komunidad na makilahok at magpahayag ng kanilang mga opinyon at desisyon. Madalas, kasabwat nila ang armed forces at mga pulis,” ani Jillie Karl Basan, isang Isnag na kabilang sa mga tumututol sa Gened Dams sa kanilang lupain. 

“Sa isang dialogue sa munisipyo, may isang ahente ng militar na nagpakilala bilang miyembro ‘di umano ng isang CTG (communist terrorist group), at ipinagkalat na ang ginagawa ng grupo namin [na tumutunggali sa dams] ay recruitment activity daw ng New People’s Army,” dagdag niya.

Kaugnay ng mga ulat ng harassment at pananakot ng pulisya at militar ang tahasang red-tagging sa mga komunidad at organisasyon, kabilang na ang pagsampa ng mga gawa-gawang kaso gamit ang Anti-Terrorism Act (ATA)

Naging tampok sa pag-uusap ang kaso ng “terrorist designation” sa apat na lider-aktibista ng CPA, at ang kaso ng ilegal na pag-aresto ng apat pang katutubong Aeta mula sa Zambales noong 2020.

Ayon kay Daisy Bagni, secretary general ng Organisasyon Dagiti Nakurapay nga Umili iti Siyudad (Ornus), isang alyansa ng mga maralitang lungsod sa Baguio, ang mga pagsampa ng mga kaso gamit ang ATA, patuloy na red-tagging at pagpapatupad ng “tokhang” laban sa mga aktibista ay malaking patunay na sinusupil ang kanilang kalayaan sa pagpapahayag.

Ibinahagi ni Daisy Bagni (nakatayo) ng Organisasyon Dagiti Nakurapay nga Umili iti Siyudad kay UN Special Rapporteur Irene Khan ang patuloy na red-tagging at pagpaslang sa mga aktibista maralitang lungsod sa Baguio. Cordillera Peoples Alliance

“Hindi na nga sila (militar at pulisya) nasiyahan na sabihin o i-tag kami bilang mga red, o komunista, pilit pa nilang binibisita at minamanmanan ang mga komunidad namin,” aniya.

Isa ang Ornus sa mga naghain ng ulat hinggil sa pakanang “Dumanon Makitungtong” o “tokhang” laban sa mga aktibista, peryodista at mga maralitang lungsod sa Baguio. 

Para kay Tuguinay, lahat ng mga paglabag sa kalayaan sa pagpapahayag na nailahad sa nasabing diyalogo kay Khan ay maiuugnay sa Executive Order (EO) 70 at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na naitayo noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang mga kasong ito ay patunay na polisiya ng gobyerno ang red-tagging upang maipatupad ang mga kagustuhan nito nang walang oposisyon,” ani Tuguinay. Laman din ng mga ulat ang panawagang ibasura sa EO 70 at buwagin ang NTF-Elcac.

Isinagawa ang naturang pagpupulong sa konteksto ng opisyal na pagbisita ni Khan sa bansa na nagsimula noong Ene. 23. Bukod sa Baguio, binisita rin niya ang nakapiit na peryodistang si Frenchie Mae Cumpio sa Tacloban City, at ang iba pang grupo sa Kamaynilaan at Cebu.