Mga tuntunin ng Korte Suprema para sa Terror Law
Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers, maiging naglagay ang Korte Suprema ng ilang safeguard at legal remedies, pero hindi kayang lunasan ng procedural rules ang kuwestiyonableng karakter ng batas.
Apat na taon mula nang isabatas ang Anti-Terrorism Act (ATA), inaprubahan ng Korte Suprema sa unang araw ng 2024 ang “Rules on the Anti-Terrorism Act of 2020 and Related Laws” (A.M. No. 22-02-19-SC) na kailangan tupdin mula Ene. 15.
Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), maiging naglagay ang Korte Suprema ng ilang safeguard at legal remedies, pero hindi kayang lunasan ng procedural rules ang kuwestiyonableng karakter ng ATA.
“Gayunpaman, positibo ang aming pagtingin sa ilang probisyon na nagbibigay daan para mabantayan ng hukuman ang pagpapatupad ng batas at magabayan ang mga tao sa paniningil ng pananagutan,” sabi ng unyon. Inaasahang nagbibigay-linaw ito sa ilang proseso na hindi lubos naidetalye sa Implementing Rules and Regulations ng Department of Justice (DOJ) at Anti-Terrorism Council (ATC).
Halimbawa na nito ang Rule 2 na nagsasabing maaaring maghain ng petisyon para sa certiorari ang isang indibidwal o organisasyon na gustong magpatanggal sa terror list ng ATC at magpetisyon laban sa freeze order ng mga asset. Ayon sa NUPL, maiging magkaroon ng malinaw na prosesong panghukuman ang delisting.
Lalo ring diniin sa Rule 2 at Rule 3 na nasa petitioner tulad ng ATC ang burden of proof o responsibilidad ng pagpapatunay na may sapat na dahilan para ilista bilang terorista ang isang tao o grupo.
Sa Rule 4, giniit ng Korte Suprema na “kung walang written order mula sa Court of Appeals, walang sinumang law enforcement agent o military personnel ang maaaring patago na mag-wiretap” o maniktik sa anumang porma laban sa mga bahagi ng terror list o pinagsususpetiyahang terorista.
Disyembre 2023 nang kondenahin ng Free Legal Assistance Group (FLAG) Northern Luzon ang tinawag nilang pag-atake sa legal at judicial system nang matunghayan ang pagkuha ng retrato at pag-bidyo ni Patrolman Manuel Benito—na noo’y nakasibilyan at may bitbit na 9mm pistol—kina Windel Bolinget, Sarah Abellon-Alikes, Jennifer Awingan at Stephen Tauli, mga lider ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) na nasa Baguio Justice Hall para magpetisyon laban sa kanilang terrorist designation.
Kapos na paliwanag
Maituturing man na hakbang paabante ang procedural rules ng Korte Suprema, hindi pa rin nito nagawang linawin ang ilang tuntunin ng ATA, ayon sa NUPL. Halimbawa na nito ang preventive freeze orders on funds and properties na ipinag-uutos ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) oras na isama sa listahan ng ATC ang isang indibidwal o organisasyon bilang terorista.
“Ang mga bangko, hindi binabawi ang freeze order kahit lumagpas na ang 20-day period dahil hinahanapan pa nila ng clearance mula sa AMLC,” sabi ng NUPL.
Nakasaad sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 na hanggang 20 araw lang ang freeze order kung walang ipapasang petition ang AMLC na i-extend ito.
Noong 2021, kinundena ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) ang utos na i-freeze ang bank accounts at assets ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa Haran Compound, Davao City.
Ayon sa NCCP noon, “Atake ito sa UCCP at nilalagay nito sa higit na panganib ang buhay ng mga Lumad na humingi ng tulong sa [UCCP Haran].” Walang binigay na detalye ang AMLC noon bukod sa pahayag nila na dumaan ito sa masinop na pag-iimbestiga para matukoy ang mga ari-arian na ginagamit para sa terorismo.
“Nakakadismaya rin itong patuloy na paggiit sa confidentiality rules sa hindi naman malinaw na pagprotekta ng national security o ‘state secrets’ patungkol sa mga kasong may kinalaman sa terorismo,” sabi ng NUPL.