Paglabag sa karapatang pantao, dumami


“Ang NTF-Elcac ay responsable hindi lamang sa red-tagging, kundi sa napakaraming paglabag tulad ng pamamaslang na pinagmumukhang military encounters,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Alinsunod sa counterintersurgency program ng gobyernong Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte, lalo pang dumami ang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa mga aktibista pati na sa mga komunidad ng sibilyan.

Nasa 1.6 milyon ang nakaranas ng harassment, 316 ang ilegal na inaresto, 12 ang sapilitang nawala at 87 ang pinaslang mula noong Hulyo 2022 hanggang Nobyembre 2023, ayon sa tala ng human rights group na Karapatan.

Sa kanayunan, sunod-sunod ang naitalang pambobomba na umabot sa 22,391 habang 39,769 naman ang indiscriminate firing. Nasa 24,670 ang sapilitang lumikas sa kanilang mga komunidad dahil sa mga atakeng militar.

Sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay, malinaw na paglabag ito sa International Humanitarian Law na nagpoprotekta sa karapatan ng mga sibilyan sa panahon ng armadong tunggalian.

Wala itong pinagkaiba sa mga pang-aabuso noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nasa 30,000 ang biktima ng extrajudicial killings sa nakaraang administrasyon.

Binuo rin ng nakaraang rehimen ang National Task Force to End Local Communist Conflict (NTF-Elcac) at ipinatupad ang Anti-Terrorism Act na ipinagpapatuloy ng kasalukuyang gobyerno at malaki ang papel sa paglobo ng mga pang-aabuso at karahasan.

“Ang NTF-Elcac ay responsable hindi lamang sa red-tagging, kundi sa napakaraming paglabag tulad ng pamamaslang na pinagmumukhang military encounters,” ani Palabay.

Pinatotohanan ng mga biktima ng atake ang nabanggit na mga numero. Kabilang dito sina Hailey Pecayo ng Tanggol Batangan na inaresto at sinampahan ng limang kasong kriminal, Jane Molina Lee ng grupong Rise Up for Life and for Rights at Jonila Castro at Jhed Tamano ng Akap Ka Manila Bay na dinukot ng militar noong Setyembre.

Mga environmental activist sina Castro at Tamano na dinukot at pinalabas na sumuko. Matatandaang iniharap sila ng militar sa isang press conference na pakana mismo ng NTF-Elcac.

“Sa tanong na dinukot ba kami o boluntaryong sumuko, dinukot po kami ng militar at binantaan ang buhay namin,” matapang na sinabi ni Castro sa press conference.

Sa kaso ni Pecayo, napatunayan na hindi matibay ang mga kaso laban sa kanya. “Ang basis po ng pagbasura sa kaso ay dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya ng 59th Infantry Battalion,” ani Pecayo.

Patuloy na nananawagan ang Karapatan at biktima ng mga atake ng estado tulad nina Pecayo, Lee, Castro at Tamano na itigil na ang pang-aabuso at karahasan sa hanay ng mga sibilyan at aktibistang nagsusulong ng mga karapatan at tunay na pagbabago.

Sa darating na Human Rights Day at ika-75 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights sa Dis. 10, magsasagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa buong bansa upang ipaabot ang kanilang mga panawagan.