KMP: Itigil ang harassment sa magsasaka!


“Hindi kami terorista, marangal at napakahalaga ang aming kahilingan [para sa tunay na reporma sa lupa],” ani KMP chairperson Danilo Ramos sa isang pahayag.

Nanawagan ang iba’t ibang grupo na itigil na ang mga atake sa mga magbubukid matapos ang panibagong insidente ng paniniktik at red-tagging kay Danilo “Ka Daning” Ramos, chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Ayon sa KMP, may mga hindi kilalang kalalakihan na nakasakay ng motorsiklo ang nag-ikot sa Malolos City, Bulacan noong Ene. 5 at 15. Pinagtatanong ng mga ito ang tirahan ng lider-magsasaka.

“Tagasaan ba si Danilo Ramos? Matagal na namin siyang hinahanap kasi terorista siya,” sabi ng isa sa mga hinihinalang ahente ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at miyembro ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army sa mga kabaryo ni Ramos.

Sabi ng KMP, nalalagay sa peligro ang buhay ni Ramos, ng kanyang pamilya at ng iba pang magsasaka dahil sa naturang paratang.

“Hindi kami terorista, marangal at napakahalaga ang aming kahilingan [para sa tunay na reporma sa lupa],” ani Ramos sa isang pahayag.

Hindi ito ang unang beses na nakaranas ng harassment si Ramos. Simula noong Agosto 2023, may mga naitala na ang KMP ng parehong insidente laban sa lider nito.

Dahil dito, nagpasa ng mga ulat at nakipagdayalogo sa Commision on Human Rights noon pang nakaraang taon ang KMP at Tanggol Magsasaka.

Kasunod ng pag-atake kay Ramos ang komemorasyon ng Mendiola Massacre na kumitil ng 13 magsasakang nanawagan ng karapatan sa lupa. Si Ramos ay isa sa mga nakaligtas sa madugong masaker noong 1987.

Ayon sa Amihan National Federation of Peasant Women (Amihan), 37 taon na ang nakalipas mula noong masaker pero patuloy pa ring nakararanas ng karahasan ang mga magsasaka.

“Walang kapayapaan at hustisya kung walang tunay na reporma sa lupa,” sabi ni Amihan chairperson Zen Soriano.

Samantala, patuloy din ang pangre-red-tag at harassment sa mga magbubukid ng Isabela at Cavite alinsunod sa Anti-Terrorism Act at programa ng NTF-Elcac.

Nitong Ene. 12, pinalabas ng mga militar na mga sumukong miyembro ng New People’s Army ang dalawang miyembro ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA). Pinaratangan pang rekruter ng dalawa ang lider-magsasakang si Dominga Aberion.

Kinondena ito ng UMA at sinabing taliwas ito sa rekomendasyon ng International Labour Organization noong 2023 na itigil ang red-tagging sa Pilipinas.

Sa ulat naman ng Katipunan ng Lehitimong Mamamayan at Magsasaka ng Lupang Ramos, may biglang pumasok na truck sakay ang limang sundalo sa komunidad nitong Ene. 15. Layunin umano nitong magdulot ng takot at panganib sa mga residente at magsasaka.

Matagal nang ipinaglalaban ng komunidad sa Lupang Ramos sa Dasmariñas City, Cavite ang kanilang karapatan sa 372 ektaryang lupain. Pero serye ng red-tagging at pandarahas ang tugon ng mga militar at ahente ng estado.

Sa ngayon, nanawagan ang KMP, Amihan, at UMA na ibasura ang Anti-Terrorism Act at buwagin ang NTF-Elcac para matigil na ang sunod-sunod na atake sa mga magsasaka.

Hinimok din ng mga grupo ang iba pang mga mamamayan na sumamang tumindig at lumaban para sa lupa at kapakanan ng mga magbubukid sa bansa.