Nakapiit na mamamahayag, binisita ng UN rapporteur


Sa isang post sa X (dating Twitter), ibinahagi ni Khan ang kanilang retrato kasama ang tatlo. Ayon kay Khan, sila ang kauna-unahang dayuhang bisita na pinayagan ng pamahalaan na makadalaw.

Kinumusta ni United Nations (UN) Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan ang kalagayan ng community journalist na si Frenchie Mae Cumpio sa Tacloban City Jail nitong Ene. 27.

Dinalaw din ni Khan ang dalawa pang bilanggong kabilang sa “Tacloban 5” na sina Marielle Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines-Eastern Visayas at Alexander Abinguna ng Karapatan-Eastern Visayas. Mag-aapat na taon nang nakakulong doon ang tatlo.

Sa isang post sa X (dating Twitter), ibinahagi ni Khan ang kanilang retrato kasama ang tatlo. Ayon kay Khan, sila ang kauna-unahang dayuhang bisita na pinayagan ng pamahalaan na makadalaw.

Inaresto sila noong Peb 7, 2020 sa isang raid sa opisina ng alternative media outfit na Eastern Vista, kung saan executive director si Cumpio, kasama sina Domequil, Abinguna, Mira Legion, lider-estudyante sa University of the Philippines Tacloban, at Marissa Cabaljao ng People’s Surge.

Nakapagpiyansa sina Legion at Cabaljao, ngunit sinampahan ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives sina Cumpio, Domequil at Abinguna.

Sinampahan naman ng karagdagang kaso na “terrorist financing” sina Cumpio, Domequil at Abinguna.

Ayon sa mga human rights group, madalas gamitin ang mga kasong ito para gipitin at ikulong ang mga kritiko, aktibista at mamamahayag.

Ikinalugod naman ng mga kasamahan ni Cumpio sa alternatibong midya ang pagdalaw ni Khan.

“Umaasa ang Altermidya na ang pagdalaw at diyalogo ng UN Special Rapporteur sa Tacloban ay magbibigay ng atensiyon hindi lang sa ‘di makatuwirang pagbilanggo sa aming kasamahang si Frenchie Mae, kundi sa nakalulunos na kalagayan ng kalayaan sa pagpapahayag at opinyon sa Pilipinas,” pahayag ng Altermidya Network sa Ingles.

Sa isang pulong noong nakaraang linggo kay Khan, ipinahayag ng iba’t ibang grupo ang epekto ng red-tagging ng pamahalaan sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa mga kagaya nina Cumpio at mga kasama.

Ipinaliwanag din nila sa pulong ang paggamit ng NTF-Elcac sa mga “fake surenderee” bilang mga testigo para patuloy ang pagkakulong at pagkakait ng katarungan sa mga tulad ni Cumpio.