UN rapporteur: NTF-Elcac, buwagin
“Nangyayari na [ang mga pag-atake sa kalayaan sa pagpapahayag] noon pa man, na mas tumindi sa termino ni dating Pangulong Duterte, lalo na noong nabuo ang NTF-Elcac,” sabi ng UN expert sa wikang Ingles.
Matapos ang pag-iikot at pananaliksik sa Pilipinas, inilatag ni UN Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan ang kanyang nabuong ulat sa kalagayan ng kalayaan sa pagpapahayag sa Pilipinas nitong Peb. 2.
Isa sa kanyang pangunahing rekomendasyon ang pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na siyang sanhi ng iba’t ibang panggigipit at red-tagging sa mamamayan.
Mga independiyenteng opisyal ang mga Special Rapporteur na itinalaga ng mga bansang kasapi ng UN, kabilang ang Pilipinas. Layon nilang bisitahin at suriin ang iba’t ibang bansa sa mundo upang magbigay ng rekomendasyon sa mga gobyerno.
Hindi rin nakatatanggap ng anumang kompensasyon, maliban sa suporta sa tauhan at pagbiyahe, ang mga Special Rapporteur mula sa UN upang mapangalagaan ang kanilang kasarinlan.
“Nangyayari na [ang mga pag-atake sa kalayaan sa pagpapahayag] noon pa man, na mas tumindi sa termino ni dating Pangulong Duterte, lalo na noong nabuo ang NTF-Elcac,” sabi niya sa wikang Ingles.
Dagdag pa ni Khan, kailangan din ito lalo pa’t posibleng muling ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP).
Pero nagmatigas naman si Jonathan Malaya, Assistant Director ng National Security Council. Sinabi niyang “iresponsable” na buwagin ang task force gayong malapit na raw sila sa “total victory.”
Ayon kay Lisa Ito, secretary general ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), magiging katawa-tawa ang Pilipinas kung hindi susundin ng pamahalaan ang rekomendasyong ito. Masahol pa, lalo raw mapapahamak ang mamamayan.
Giit ni Ito, “Ang NTF-Elcac ay hindi lang basta nuisance kundi napakalaking enabler ng sinasabing paglabag sa freedom of expression.”
Para kay Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan, buong-buo ang kanilang suporta sa rekomendasyon ni Khan na pagbuwag sa NTF-Elcac.
“Sabi nga namin, it should be game over for NTF-Elcac,” ani Palabay.
Ikalawang UN Special Rapporteur na si Khan na nagrekomendang buwagin ang NTF-Elcac. Nauna na itong naging rekomendasyon ni dating UN Special Rapporteur on climate change and human rights Ian Fry sa pagbisita nito sa bansa noong nakaraang Nobyembre.
Polisiya sa red-tagging
Para kay Khan, lumalabag na sa karapatang pantao ang ginagawang paglaban ng pamahalaan sa terorismo.
Sa nakaraang diyalogo ni Khan sa Baguio City noong Ene. 26, inilahad ng mga progresibong grupo ang tahasang red-tagging at pagbansag na terorista sa mga aktibistang sina Windel Bolinget, Jennifer Awingan, Sarah Abellon-Alikes, at Steve Tauli ng Cordillera Peoples Alliance.
Ani Khan, kung mayroong kampanya kontra-korupsiyon ang gobyerno, sa parehong diwa rin niya dapat itambol ang kampanya kontra sa red-tagging.
Hinikayat din niya ang Commission on Human Rights na pabilisin ang paglalabas ng depinisyon ng red-tagging at kung paano babalangkasin ang batas laban dito.
Atake sa malayang pamamahayag
Kasama sa mga ulat na natanggap ni Khan ang mga kaso ng pagpatay sa mga aktibista at mamamahayag.
Mababa ang pagpapahalaga ng Pilipinas sa kapakanan ng media. Ayon sa World Press Freedom Index noong 2023, ika-132 puwesto ang Pilipinas sa kabuuang 180 na mga bansa pagdating sa pagpapahalaga sa mga alagad ng media.
Sa tala naman ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco), mayroon pang 81 na kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag na hindi pa naiimbestigahan, kabilang ang apat na kaso sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr.
Nakapaloob dito ang rekomendasyon ni Khan na pagtibayin pa ang Administrative Order (AO) 35 na naglalayong tutukan ang mga ‘di pa nareresolbahang kaso ng karahasang pampolitika.
“Kailangang mas palakasin pa ang AO 35 dahil nanatiling isang mayor na suliranin sa bansa ang kawalang pananagutan sa mga pagpaslang,” aniya.
Kinilala naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang ulat ni Khan na totoong may umiiral na kawalang hustisya sa mga kaso ng karahasan.
“Nagpapasalamat kami na she recognized the problem of impunity, which the Philippine government has always refused to acknowledge,” ani Ronalyn Olea, secretary general ng NUJP.
Sabi pa ni Khan, maituturing din na direktang porma ng sensura ang website blocking noong 2022 sa mga alternatibong media tulad ng Pinoy Weekly at Bulatlat.
Para kay Olea, na punong patnugot din ng Bulatlat, wala nang dahilan pa ang National Telecommunications Commission upang hindi ibasura ang memorandum na i-block ang 27 website dahil wala aniya itong legal na batayan.
Pagbisita kina Frenchie Mae
Ikinuwento rin ni Khan ang pagdalaw niya kay Frenchie Mae Cumpio, isang community journalist na nakapiit sa Tacloban City Jail dahil sa mga gawa-gawang kaso.
Si Khan ang unang bisita labas sa kanyang mga magulang na pinayagang pumasok sa kulungan.
Dinalaw rin niya ang iba pang bilanggong politikal na si Marielle Domequil at Alexander Abinguna.
“Bumisita ako kamakailan kina Frenchie Mae, Marielle at Alexander sa bilangguan. Nagpapasalamat ako sa gobyerno sa pahintulot na binigay nila sa akin na makipagtagpo sa kanila. Isa ang aming delegasyon na pinayagan na makipag-usap sa kanila, na may mataas na morale,” sabi ni Khan.
Kakatapos lang ng ika-25 kaarawan ni Cumpio at ibinahagi ni Khan na apat na taon na silang nasa bilangguan. Nanawagan siya na ibasura na ang mga kaso o pabilisin ang paglilitis.
“Justice delayed is justice denied,” wika ni Khan sa mabagal na usad ng kaso ng community journalist.
Nanawagan din si Khan ng seryosong pagrerebyu sa Anti-Terrorism Act na siyang sanhi rin ng malawakang panunupil.
“May mga batas nga lang na ikinababahala namin mula sa perspektibang pandaigdig. Isa na rito ang Anti-Terrorism Act of 2020 na sa aming opinyon ay hindi sumusunod sa mga pamantayan ng internasyonal na batas,” ani Khan.
Nangako naman si Khan na magpapatuloy ang pakikipag-usap nito sa gobyerno ng Pilipinas para isulong ang pagsusunod sa batas batay sa pamantayang internasyonal.
Nagpasalamat naman si Olea sa oras na ibinigay ng UN expert sa pagbisita nito sa Tacloban.
“Dapat nang irebyu na ng Department of Justice (DOJ) ang kaso at palayain ang mga aktibista at mamamahayag sa Tacloban,” aniya.
Hindi na rin aniya dapat itong patagalin pa dahil habang tumatagal ay nawawalang-bisa lamang ang hustisya para sa mga ito.
Kritisismo sa kanyang pagsusuri
Bahagi ng pagbisita ni Khan ang pakikipag-usap sa iba’t ibang ahensiya at opisyal ng pamahalaan.
Alam ng UN expert na hindi ikinatuwa ng ibang opisyal ang mga rekomendasyon niya. Hindi rin nawala ang mga kritikal sa presensiya niya sa bansa.
Tinutukan niya ang mga kinatawan mula sa DOJ, Office of the President at Department of Foreign Affairs.
Pinaalala ni Khan na gaya nila, may mandato rin siyang dapat tuparin. Mismong ang gobyerno ng Pilipinas ang isa rin sa mga dahilan kung bakit siya naatasang busisiin ang mga pangyayari at problema sa bansa.
Layunin ng kanyang pagbisita ang pagtitiyak na nakakasunod ang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa sa pandaigdigang mga pamantayan.
Sa kabila ng mga pagtutol mula sa ilang opisyal ng gobyerno, ipinunto ni Khan na mahalaga ang pagtatanggol sa kanya laban sa mga hindi makatarungan na atake.
Sinabi rin niya na mahalaga ng malayang pagsusuri at maayos na diyalogo para sa mas mataas na antas ng pang-unawa at kooperasyon.