Kilalanin si Tarantadong Kalbo

Kahit pa alas-tres ng madaling araw, kailangan gawan ng sketch ang mga bagong ideya. Mula sa karaniwang pangyayari sa buhay, alaala at nostalgia, sinaklaw na rin ng mga drowing niya ang mga maiinit na laman ng balita at isyu sa lipunan.

Sa mundo ng sining at katatawanan, natatangi ang political cartoonist na si Kevin Raymundo, mas kilala bilang Tarantadong Kalbo (TK). Liban sa paggawa ng mga cartoon, boses din siya ng pagbabago at malayang pagpapahayag.

“Obviously, kalbo kasi ako. Tapos yung ‘tarantado,’ ‘yon ang tinatawag sakin. maloko talaga ako sa mga drawings ko,” paliwanag niya sa napiling pangalan. 

Kinahiligan niya ang komiks at magdrowing mula pagkabata. Nahumaling siya sa Funny Comics, Archie lalo na ang mga gawa ng batikang komikero na si Pol Medina Jr. 

Labing-anim na taon siyang nagtrabaho bilang animator kaya nasanay siya sa mabilis na pagdodrowing. “Mga one to two hours. Depende sa complexity,” aniya.

Kahit pa alas-tres ng madaling araw, kailangan gawan ng sketch ang mga bagong ideya. Mula sa karaniwang pangyayari sa buhay, alaala at nostalgia, sinaklaw na rin ng mga drowing niya ang mga maiinit na laman ng balita at isyu sa lipunan.

Tarantadong Kalbo/Facebook

Simula’t sapul, ang TK ay “hindi talaga political satire. Nagkaroon lang siya ng shift noong nag-start ‘yong pandemic. Feeling ko, sayang ‘yong platform.”

Sinasadya rin naman niyang gawing halo-halo ang mga larawang nilalabas para raw holistic. “Hindi nila ako naikakahon.”

Higit na nakilala si TK sa obrang niyang “Tumindig,” isang puting kamaong nakatindig sa gitna ng mga makayukod na kamao. Nagsimula ito ng daluyong sa internet noong pandemya.

Doon naisip ni TK na “ang laki pala ng responsibility. Kung saang direksyon ko dadalhin ang Tumindig. Nung una, elections. Hindi naman tumitigil ‘yong laban doon. Nandiyan ‘yong isyu tungkol sa Israel-Palestine at plight ng mga jeepney [driver].”

Kalaunan naging bahagi siya ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) bilang peasant advocate, bagay na umani ng samu’t saring reaksiyon sa kanyang mga follower sa social media.

“N’ong una, galit sila sa akin kasi inaatake ko [raw] ‘yong government. Eventually, parang nage-gets na nila,” kuwento ni TK.

Pero kasabay ng mga tagahanga sa kanyang naging seryosong tindig para sa kapakanan ng magbubukid at mamamayan, mayroon ding mga troll na pasimuno ng harassment.

Noong una, hindi pa nagpapakilala sa publiko si TK. Pero nung nahanap ng mga trolls ang Instagram account ng kanyang asawa, kinalat ang kanilang mga larawan.

“D’on ako nag-decide na kailangan na mag-face reveal.”

Kevin Eric Raymundo/Facebook

Sumunod ang samu’t saring banta kay TK. Kahit ang gobyerno, nanguna sa harassment.

Noong 2020, mismong si Lorraine Badoy ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang nag-red-tag sa kanya. Sinabayan pa ng mga pinaskil na poster sa Metro Manila ng ginuhit niyang imahe na may nakatatak na “NPA.”

Panawagan ni TK, maging kritikal tayo sa sinumang kandidato, kabilang ang sinusuportahan.

Pinuna niya ang pag-iwas ni dating Vice President Leni Robredo sa pag-abolish sa NTF-Elcac. Sa likha niyang “Yassista” halaw sa slang na ‘yassify,’ may M-16 na pinuntarahan ng pink.

Sa nagdaang eleksiyon, natutunan raw ni TK na bagaman malaking tulong sana kung mananalo ang mga makamamamayang kandidato, “bulok” pa rin daw ang sistema.

Para sa kanya, ang “land reform, peace talks. Iyon ang mga importante.”

Sa pagpapatuloy, humuhugot ng inspirasyon si TK sa kanyang mga follower at kapanalig. 

“Nare-reciprocate. Nai-inspire ko sila, at the same time, ‘yong mga [follower] ko, they keep me going. Hindi ko naman ito ginagawa para bida-bida. It’s something that you have to do as a Filipino.”