Ekspresyon ng pakikiisa at pagkakaisa


Sining ang naging pundasyon ng mga progresibong artista upang suportahan ang mga magsasaka ng Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac.

Sining ang naging pundasyon ng mga progresibong artista upang suportahan ang mga magsasaka ng Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac.

Taos-pusong inihatid nina Mea Santi, Margaux Santi, Mawi at Cha Garcia ang kanilang mga likha sa “Buy na, Bai!”, isang fundraising event para sa mga magsasaka ng Hacienda Tinang noong Ene. 20 sa Quezon City. Mapupunta ang pondong malilikom sa tulong pinansyal sa mga magsasaka na nakaranas ng mass arrest noong Hun. 9, 2022. 

Ayon sa spokesperson ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura (Arpak) na si Nica Loria, “Bilang artist, para hindi makalimutan ‘yong mga pangyayari, kailangan itransporma ito sa sining.” Ibinahagi niya rin na dapat magbunga pa sana ng ganitong kaparehas na aktibidad upang mahikayat na sumama rin ang iba pang kapwa artista.

Maging ang mga kabataan at musmos ay nakilahok sa fundraising. Naglatag sina Mea Santi, 15 anyos at Margaux Santi, 10 anyos, ng mga necklace, bracelet at keychain na gawa nila gamit ang samu’t saring makukulay na beads. Ito ang unang pagkakataon nilang magtinda sa publiko bilang “Mga likha ng dalawa.”

Wika ni Mea, “Sumali kami dito [sa fundraising event] basically para tumulong sa farmers.”

Bukod sa accessories, nagbebenta rin sila ng mga stickers na may mga panawagan na no to jeepney phaseout, presyo ibaba, sahod itaas at abante babae. 

“Art is [a] language, kumbaga kung ano ‘yong gusto naming sabihin sinasabi namin gamit ‘yong art,” dagdag niya. 

Progresibong stickers nina Mea at Margaux Santi. KC Mancilla/Pinoy Weekly 

Sa kabilang latag naman, bumungad din ang handmade accessories ng Arpak member na si Mawi, 26 anyos. 

Taong 2022 nang itayo niya ang kanyang shop bilang regalo sa sarili. Tinawag niyang “Sweetxdreams” ang kanyang tindahan. Makulay ang mga likha niyang beaded accessories tulad ng keychain, earrings, necklace, bracelets, atbp. 

“Nakakagaan sa puso na nakakatulong ka sa ibang tao,” ani Mawi. Naging inspirasyon niya ang paglikha ng ganitong sining dahil ito ang kanyang gusto noon pa man.

Handmade accessories ni Mawi sa fundraising event. KC Mancilla/Pinoy Weekly

Samantala, pagguhit naman ang ipinamalas ni Cha sa fundraising event. Taong 2007 siyang pormal na lumikha ng mga obra. Sa kasalukuyan, naging inspirasyon niya sa pagguhit ang konsepto ng panaginip at pop culture.

“Sa kasuluk-sulukan” at “Tampisaw” ang pamagat ng kanyang mga likha. Ginamit niya ang pagguhit upang maipakita ang kanyang malikhaing imahinasyon.

Ayon kay Cha, maaari niyang sundin ang nais ipaguhit ng bumili sa dulong pahina ng kanyang obrang tampisaw. 

Samantala, sa kanyang koleksyon ng “Sa kasuluk-sulukan,” kapansin-pansin ang lalim ng kanyang obra. Binubuo ito ng mga imaheng sumasalamin sa bangungot na nararanasan ng mga tao sa lipunan. Ipinakita niya rito ang sitwasyon ng taong malapit sa kapahamakan. 

Bukod dito, kaya niya ring gumuhit sa traditional, watercolor, pen and ink, digital, at iba pang midyum.

“Ito ang ikalawang event ng Arpak na dinaluhan ko at pareho itong may kaugnayan sa mga magsasaka,” wika ni Cha.

Mga obra ni Cha Garcia. KC Mancilla/Pinoy Weekly 

Pinatunayan nina Mea, Margaux, Mawi at Cha na sa pamamagitan ng sining ay makakatulong sila. Katumbas ng kanilang pagmamahal sa sining ang kanilang pagmamahal sa bayan.

Bukod sa pagkilos sa kalsada maaari ring gawing instrumento at ekspresyon ang sining upang manawagan para sa kapakanan ng mga inaapi sa lipunan. 

Bukas sila sa mga nais magpagawa ng kanilang likhang sining. Makikita ang iba pa nilang likha sa Facebook na “Mga Likha ng Dalawa” at Instagram na @chajmg at @sweetxdreams.mnl.