Muling pagbubukas ng paaralan para sa katutubo, panawagan ng inaatakeng Lumad


Sa pagpapasara ng mga paaralang Lumad, kuwento ng mga guro at kabataan na tumindi ang atake ng mga sundalo at paramilitar kaya lumikas ang iba sa Maynila.

“Sinubukan kong mabuhay nang normal,” kuwento ni Yana, 31. Noong 2020, matapos sapilitang ipasara ng gobyerno ang mga paaralan para sa mga katutubong Lumad, bumalik si Yana, isang guro, sa Davao de Oro para makasama ang kanyang pamilya.

“Pero pabalik-balik ang mga sundalo sa bahay, pinipilit akong mag-surrender dahil pag-aarmas daw ang tinuturo ko sa mga bata,” saad ni Yana, na kasama ng iba pang nakapanayam ay tumangging magbigay ng totoo nilang pangalan.

Mainit ang mata ng mga sundalo kay Yana dahil sa insidente noong Nobyembre 2018 kung saan tinulungan niya, katuwang ang isang humanitarian mission, na ilikas ang mahigit 50 estudyanteng Lumad mula sa campus nila sa Talaingod, Davao del Norte. Noong umagang iyon, pinagbinantaan sila ng mga grupong paramilitar na kapag hindi sila umalis ay sasampolan daw ang mga titser at mag-aaral.

Kapag hindi dinadalaw si Yana, ang kanyang ama naman ang pinupuntahan at pinagbinabantaan ng mga sundalo para magsabi siya umano ng impormasyon tungkol sa mga rebelde. Noong 2019, namatay ang ina ni Yana, dahil raw sa matinding stress ng walang habas na harassment. Ngayon, takot siyang mangyari naman ito sa kanyang ama.

Mula noong lumikas sa Talaingod, si Yana at 12 pang iba ay kinasuhan ng kidnapping, child trafficking at child abuse. Ang mga akusado, kilala bilang “Talaingod 13”, kabilang si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at dating Bayan Muna Partylist Rep. Satur Ocampo, na nandoon upang tumulong sa paglilikas.

Matapos ang anim na taon ng pagdinig ng korte, ‘di napigilang umiyak ni Yana nang malaman nitong Hulyo 14 na guilty sa kasong child abuse ang hatol sa kanila. Umapela na ang 13 at nakapagpiyansa.

Ayon kay Rachel Pastores, isa sa kanilang mga abogado, hindi pa pinal ang hatol ng korte at taglay pa rin nila ang lahat ng karapatan ng isang mamamayan, kabilang si Castro na nakaupo pa rin sa Kamara.

Sa pagpapasara ng mga paaralang Lumad, kuwento ng mga guro at kabataan na tumindi lang ang atake ng mga sundalo at paramilitar kaya lumikas ang iba sa Maynila.

“Nagtungo ako sa Maynila dahil may panganib na sa buhay ko sa amin,” ani Yana.

Liban sa paglikas, nangangalap din ng suporta ang mga guro at estudyanteng Lumad para muling buksan ang kanilang mga paaralan, kapwa para sa edukasyon at para magsilbing santuwaryo.

Hinimok ng Save Our Schools (SOS) Network ang gobyerno nitong Nobyembre na isawalambisa na ang kaso ng Talaingod 13. Nanawagan din sila para sa “kagyat na pagbabaliktad ng maling desisyon, pagbubukas ng mga Lumad school at sapat na proteksiyon sa mga bata sa conflict zones.”

Sa buong bansa, nahuhuli ang buong Mindanao sa pagpapaaral sa mga bata at lalong dama ito sa mga katutubong komunidad.

Sa bagong ulat ng World Bank, 11% ng katutubong populasyon ang walang anumang pormal na edukasyon at isa lang sa 10 ang nag-aral ng lampas sa hayskul. Nasa 6.3 na taon lamang ang abereyds na tinatagal ng isang katutubong mag-aaral sa eskuwelahan, 3.8 na taon na mas mababa kumpara sa hindi katutubong kabataan.

Mainit ang mata ng mga sundalo kay Yana dahil sa insidente noong Nobyembre 2018 nang tinulungan niya ang mga kapwa guro at humanitarian worker na ibakwit ang nasa 50 estudyanteng Lumad mula sa kanilang kampus. Michael Beltran

Noong 1980s, nagsimulang itayo ang mga Lumad school sa Mindanao na may libreng edukasyon para sa mga katutubo. Kasama ang mga karaniwang aralin gaya ng math, bahagi ng kanilang kurikulum ang pangangalaga sa kultura at kalikasan.

Umabot sa 215 ang mga kampus at 54 sa kanila ang pinangasiwaan ng Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center Inc. (STTICLCI), kabilang ang kampus sa Talaingod.

Pero sa mata ng gobyerno, sinasanay umano ng mga paaralang ito ang mga bata para maging miyembro ng New People’s Army (NPA). Lalong tumindi ang mga paratang nang naupong pangulo si Rodrigo Duterte noong 2016. Pagdating ng Hulyo 2017, nagbanta na si Duterte na bobombahin ang mga Lumad.

Mula 2016 hanggang 2024, may nadokumento ang mga grupo sa karapatang pantao na hindi bababa sa 12 na Lumad na pinaslang, kasama si Angel Rivas, isang 12 anyos na batang lalaki.

Sa tala ng grupong Karapatan sa ilalim ni Duterte, may 102 na katutubong pinaslang, 69 na dinukot, 1,173 na ilegal na inaresto at 19,859 na biktima ng harassment.

Sa taong ito, tuloy-tuloy ang sagutan sa pagitan nina Pangalawang Pangulong Sara Duterte at Castro dahil sa confidential funds. “Kidnapper” naman ang paratang ng mga Duterte sa mambabatas.

Nitong huli, sinampahan pa ng ethics complaint si Castro ng mga umano’y Lumad na kakampi ng gobyerno. Si Israelito Torreon, abogado rin ni Apollo Quiboloy, ang nanguna sa pagsampa ng reklamo.

Ang nangyari sa Talaingod ang ginawang batayan ng reklamo, kahit pa may apela sina Castro. “Kung mahatulang guilty nga siya, dapat may wastong parusa gaya ng suspension o kaya expulsion mula sa House of Representatives,” giit ni Torreon.

Tinawag lang itong ni Castro “walang batayang kaso ng harassment.”

Samantala, maraming mga Lumad ang naninirahan na sa Maynila at hindi alam kung kailan makakabalik. Handang humarap sa korte at handa rin umiwas sa atake ng estado.

Hindi man sa Talaingod nagsimula ang kanilang mga problema, doon siya lalong sumidhi.

Si Gika*, 23, ang isa sa mga estudyanteng lumikas mula sa Talaingod noong 2018.

“[Silang mga inaakusahan] ang tumulong sa amin. Hindi kami pinilit na sumama sa kanila. Sa katunayan, sila ang aming pangalawang magulang,” saad ni Gika sa isang pagtitipon para sa mga Lumad noong Oktubre. Tinawag niyang malisyoso ang mga paratang sa Talaingod 13.

Ayon kay Gika, umaga pa lang pinuntahan na sila at pinagbantaan.

Pagsapit ng 6 p.m., dalawang dosenang guro at mahigit 50 estudyante ang naglalakad sa maputik na daan patungo sa highway.

Maluha-luhang isinalaysay ni Gika ang insidente: “Madilim at madulas ang daanan Dumating na ang school administrator namin.”

Dumating sina Castro at Ocampo sa mga sasakyang pang-emergency kasama ang mga pastor bilang bahagi ng rescue team. Gayunpaman, sinabi ni Gika na “nang umalis kami, ang aming mga gulong ay nabutas sa pagdaan sa mga spike sa kalsada. Tapos pinaputukan kami, panay kami sigaw at iyak.”

Ipinasok sila sa istasyon ng pulis at sinampahan ng kaso habang ang mga bata ay ipinadala sa isang shelter. Sumunod ang paglilitis sa korte at sagutan sa pagitan ng gobyerno at mga paaralang Lumad.

Naglabas ng video ang Philippine Army sa social media na inakusahan sina Castro, Ocampo at ang mga paaralang Lumad na kaanib sa mga rebelde.

Nagpasalamat din sa mga awtoridad ang mga grupong Lumad na sumusuporta sa presensiya ng militar para sa kanilang “pagsagip” sa mga bata at hinikayat ang higit pang mga aksiyon “upang iligtas ang mga kabataang katutubo.”

Ayon sa SOS Network, nagdulot ng mas matinding militarisasyon sa rehiyon ang insidente sa Talaingod sa mga darating na taon, kung saan ang mga paaralang Lumad bilang “pangunahing target.”

Isa si Gika, 23 anyos na ngayon, sa mga mag-aaral na Lumad na ibinakwit mula sa Talaingod noong 2018. Michael Beltran

Pagsapit ng Disyembre 2018, inihayag ni Duterte ang pagbuo ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at intensiyon ng pag-“hamlet” sa mga Lumad para ilayo sila sa mga kampo ng mga rebelde.

Nagdaos din ang Kamara ng sesyon upang talakayin ang pagrerekrut ng mga gerilya ng NPA mula sa mga katutubo. Kalaunan, naglabas ito ng resolusyon noong 2021 na kumukondena sa mga paaralan.

Noong Hulyo 2019, ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) ang pagpapasara ng 55 Salugpongan schools. Bago nagtapos ang 2021, 215 na mga paaralan ang tumigil sa operasyon, na nag-alis ng mahigit 10,000 estudyante at daan-daang guro.

Si Dan Palicte, Southeast Mindanao bishop para sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP), ay kabilang sa mga tumulong sa paglikas sa Talaingod. Siya’y hinarap kasama ng mga guro, ngunit ibinasura ng hukom noong una pa lang ang mga paratang laban sa kanya.

Gayunpaman, noong Abril 2021, naglabas ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa ilang UCCP bank account at isinara ang ari-arian nitong Haran Center sa Davao City, dahil sa umano’y sanayan daw ito ng mga gerilya. Ang ari-arian, isang Bishop’s House na pinangangasiwaan ni Palicte, ay ginamit bilang santuwaryo ng mga kabataan at gurong Lumad.

“To be honest, inaasahan namin ito. Ang aming mandato ay paglingkuran ang mga katutubo. Kabilang sila sa the least, the lost and the last gaya ng sinasabi natin sa simbahan. At hindi iyon gusto ng gobyerno,” kuwento ni Palicte.

Ang Davao del Norte ay tahanan ng ilang nickel at gold mining site, na ayon kay Palicte ay tinitingnan ng mga malalaking investor. Ngayon, dahil wala na ang mga paaralang Lumad at ibang iba na ang hitsura ng Talaingod.

“Maraming resort ang lumalabas. Pumasok na ang mga negosyo mula sa lungsod. Maraming land grabbing, pagpapalayas sa mga Lumad mula sa kanilang lupaing ninuno,” ani Palicte.

Noong 2023, inilunsad ng Talaingod Municipal Tourism Office ang kampanyang “From Terrorism to Tourism” para makaakit ng mas maraming atensiyon ng mga mamumuhunan.

Matapos isara ang mga paaralan, marami sa mga kabataan ang nawalan ng akses sa anumang uri ng edukasyon. Nakita nina Palicte at Yana na maraming mga dating estudyante ang bumalik sa pagtatrabaho sa bukid kasama ang kanilang mga kamag-anak, habang ipinasok sa mga arranged marriages ang mga kabataang babae.

“‘Yong pangarap ko biglang naglaho. Inagaw ang kinabukasan ko. Gusto ko sana maging teacher. Kasi gusto ko makabalik sa ibang komunidad,” sabi ni Gika. May asawa na siya ngayon, isang lalaki na 10 taong mas matanda sa kanya at pinili ng kanyang mga magulang.

Tinawag niya itong “masamang sitwasyon” at isang paraan upang patahimikin siya.

Itinuring para sa pang-ekonomiyang pangangailangan ang kasal dahil “ang mga dowry ay ginagamit pambayad utang,” ani Gika.

Sa tulong ng iba’t ibang grupo, nakahanap ng masisilungan ang mga mag-aaral na Lumad sa University of the Philippines Diliman lalo na noong panahon ng pandemya. Save Our Schools Network/Facebook

Para kay Yana, ang mental strain ay nagmula sa “pagkawalay mula sa iyong komunidad.”

Ang iba pang mga guro tulad ni Lira at ang kanyang asawang si Geoff, ay nagretiro upang magsimula ng isang pamilya at isang tahimik na buhay. Naalarma sila, kasama ang tatlong pang iba, nang ikulong sila noong Setyembre 2022 sa kasong human trafficking.

Pinaratangan silang naghahatid ng ng mga menor de edad sa mga kampo ng mga rebelde. Matapos ang halos isang taon sa pagkakakulong, napawalang-sala rin sila noong Hulyo 2023. Pero nag-iwan ng matinding poot ang karanasan.

“Six months old ang baby ko no’ng kinuha nila kami. Napakasakit nito. Hindi talaga nawawala ang galit ko at nararamdaman ko ito lalo na kapag nakikita ko ang mga pulis. Parang napupunta ang isip ko sa isang lugar na hindi ko pa alam,” sabi ni Lira.

Samantala, naghanap si Yana ng psychosocial intervention habang nananatili sa Maynila. “May trust issues ako,” kuwento niya.

Sina Gika, Yana at Lira ay kabilang sa maraming Lumad na walang ideya kung kailan sila makakauwi nang ligtas. Bukod sa pagpapanalo sa kanilang apela, ang muling pagbubukas ng mga paaralang Lumad minimithi nilang mag-aambag sa mas mabuting kinabukasan.

Nagpahayag ang Makabayan Coalition sa Kamara kaugnay nito. Mismong si Castro ang naghain ng resolusyon ngayong buwan para sa pag-usapan ang reopening ng mga paaralang Lumad.

“Tinuturuan namin ang mga batang Lumad na maging ‘stewards of the environment.’ Ang lupa ay kanilang buhay, hindi isang bagay para pagkakitaan. Ito ay sagrado. Kapag umalis tayo sa mundong ito, ang lupain ang natitira,” sabi ni Yana at idinagdag na umaasa siyang muling masaksihan ang mga mag-aaral na matutong bumasa at sumulat, bago sila pumunta sa mga bukid.

*Unang inilimbag sa wikang Ingles ng Mongabay