Pagdurusa pa more sa Create More
Liban sa kabuuang pagpapababa ng corporate income tax, binibigay din ang bagong batas ang mga sumusunod na insentibo para sa mga korporasyon tulad ng income tax holiday at special corporate income tax.
Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (Create More) bilang batas noong Nob. 11 na amiyenda sa naunang Create Law ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021, kasagsagan ng pandemya.
“Ang main feature ng batas ay ang pagpapababa lalo ng corporate income tax mula 25% tungong 20%. Sa Create Act ni Duterte, ibinaba na ‘yan [mula 30%], so lalo pang pinababa ngayon,” pagpapaliwanag ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.
Ginagarantiya ng batas ang paglikha ng mas malaking kita para sa mga malalaking negosyo. Ginagawa nitong mas kaakit-akit ang Pilipinas para sa mga dayuhang mamumuhunan.
Liban sa kabuuang pagpapababa ng corporate income tax, binibigay din ang bagong batas ang mga sumusunod na insentibo para sa mga korporasyon: income tax holiday o ang exemption sa pagbabayad ng buwis at special corporate income tax para sa mga export-oriented na empresa o pagbabayad ng katumbas lang ng 5% ng kabuuang kita.
Mayroon rin silang exemption sa pagbabayad ng buwis sa mga imported na kapital kagaya ng mga kagamitan, hilaw na materyales, spare parts at mga accessories; value added tax (VAT) exemption sa pag-aangkat at lokal na pagbili; at pagpapahintulot sa mga pamahalaang lokal na maningil ng buwis sa mga negosyo at korporasyon na hindi lalampas sa 2%.
“Mayroon ding bahagi ng batas na [itinataas ang allowable tax deduction] sa power expenses, from 50% to 100%,” sabi ni Manuel.
“Ang sinasabing dahilan [sa pagpapasa ng Create More] ay padaliin ang pagnenegosyo dito sa Pilipinas. Isa naman sa sinasabing nagpapahirap sa [mga negosyo] sa bansa ay ang mahal na kuryente. Pero kaysa pababain ang presyo ng kuryente, ang [ginawang] solusyon ay lalong i-baby ang malalaki at foreign corporations, sa goal na ma-attract sila,” paliwanag niya.
Habang halos inaalis ng estado sa pamamagitan ng Create More ang buwis sa kinokonsumong kuryente ng malalaking negosyo, patuloy pa rin ang pagpapataw ng VAT sa buwanang konsumo ng ordinaryong mamamayan.
Garantiya sa negosyo
Ilang linggo lang matapos mapirmahan ni Marcos Jr. ang batas, ginanap ang ikatlong pagpupulong ng steering committee ng Luzon Economic Corridor (LEC) sa Malacañang. Kasama sa nagpulong ang mga representante mula sa United States, Japan at Pilipinas.
Bahagi ang LEC ng mga napagkaisahan mula sa pagpupulong ng tatlong bansa sa Washington D.C. noong Abril 2024. Layunin nitong pagdugtung-dugtungin ang mga mayor na bagsakan ng kalakal sa Subic Bay, Clark, Maynila at Batangas.
Sa bisa umano ng Create More, umani ang Pilipinas mas maraming dayuhang interes para sa mga proyekto ng LEC, ayon kay Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go.
Binabalak na rin umano ng steering committee ang pagsasagawa ng isang “roadshow” para ilako ang Create More sa mga dayuhang mamumuhunan.
Pero para kay Ibon Foundation executive director Sonny Africa, “Kung itaas sa 35% ang corporate income tax sa malalaking kompanya ay makakalikom ng mahigit P100 bilyon taon-taon. Kung maningil ng 25% windfall land value tax sa mga real estate developer na nakikinabang sa pinapagawang transport infrastructure ng gobyerno ay maaaring makalikom ng P250 bilyon mula sa lahat ng mga malalaking proyekto.”
Ibig sabihin nito, higit na mas malaki ang pakinabang ng mamamayan kung bubuwisan ang mga korporasyon.
Dagdag pahirap sa tao
Habang pinagagaan ng estado ang binabayaran ng mga korporasyong kumikita ng limpak-limpak mula sa dugo’t pawis ng mga manggagawa, nakapila rin ang mga panukalang magpapataw ng mga panibagong buwis para sa ordinaryong mamamayan.
Kamakailan, ipinasa na ang pagpapataw ng 12% VAT sa mga digital services at pagpapataw ng 1% withholding tax sa mga online sellers, habang nakaamba ang pagbubuwis sa paggamit ng single use plastic, at ang mga susunod na package pa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law na bahagi din ng prayoridad na maisabatas.
“Nakakagalit, napaka-walang puso sa mamamayan,” sabi ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis. “Ang daming hindi makakain, napakaliit ng sahod, ang taas ng presyo ng mga bilihin, pero ‘yung malalaking dambuhalang korporasyon, babawasan pa ang corporate tax!”
Para kay Christelle Abunyawan, isang online seller mula sa Quezon City, malaking bagay ang pagpapataw ng buwis sa kagaya niyang maliit na negosyante.
“Nagsimula po ako [mag-online selling] noong high school pa lang ako,” kuwento niya.
Nakapagbenta na siya ng mga secondhand na mga gamit, mga damit, at ngayon, pati pet supplies. Sinimulan niya ang kanyang negosyo dahil P2,000 lang ang kapital na kailangan.
“Ang gastos or expenses, less than P10,000. Kaunti lang ang gastos o expenses bilang isang online seller kung ikaw lang lahat ang gagawa at walang empleyado,” aniya.
Noong Dis. 21, 2023, inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Regulation (RR) No. 16-2023 bilang amyenda sa RR No. 2-98, as amended by RR 11-2018, na nagpapataw ng 1% withholding tax sa kalahati ng kabuuang gross remittances ng online sellers sa malalaking online shopping platforms.
Laking dismaya ang naramdaman ni Carla Manalo, isang freelancer, nang malaman niya ang pagpataw ng VAT sa mga e-commerce.
Para kay Carla, bilang isang konsyumer, malaki ang luwag na binibigay ng pamimili online. Hindi na kinakailangan bumiyahe papunta sa mga mall kung saan gagatos pa sa pamasahe at pagkain.
Hindi siya pabor sa pagpapataw ng VAT sa e-commerce dahil mismong tax na binabayaran niya sa gobyerno ay hindi niya raw maramdan. “Wala itong pros kasi ibubulsa lang naman yung tax,” sabi niya.
Para kay Abunyawan at marami pang pang mga nagbebenta online, maiging bawasan ang buwis para sa mga tulad nilang hindi naman dambuhala sa industriya.
“Gusto ko po na affordable lang ang presyo ng [mga] binebenta ko. Hindi rin po porke’t online seller ay malakas lagi ang benta. Ngayon po na medyo malaki po ang pinatong ko sa presyo ng binebenta ko napansin ko po na medyo bumaba ang sales ko sa [isang] online shopping platform,” dagdag niya.
Regresibo gawing progresibo
Ayon kay Africa, pinatindi ng mga batas na Train, Create at Create More ang regresibong pagbubuwis. Natataga aniya ang taumbayan.
“Ibig sabihin, masyadong malaki ang sinisingil na buwis sa mga mahirap at middle-class habang masyadong maliit ang sinisingil sa mga mayayaman at malalaking kompanya na sa laki ng kita at yaman ay maaari pa sanang singilin ng mas malaki,” ani Africa.
Bukod sa maliit na sahod, dama ng karaniwang Pilipino ang hagupit ng pribatisado at komersiyalisadong serbisyong panlipunan na dapat sana’y natatamasa nila nang libre mula sa pagbabayad nila ng buwis.
“Ang totoong reporma ay kung gawing mas progresibo ang sistema sa pagbubuwis. Ibig sabihin ay buwisan ang naipon na yaman ng humigit-kumulang na 3,000 bilyonaryong Pilipino at taasan ang buwis sa kita ng malalaking korporasyon at mayayamang pamilya, habang binabawasan ang buwis sa kalakal lalo na ng mga produkto’t serbisyo na kinokonsumo ng ordinaryong Pilipino,” giit ni Africa.
Sa komputasyon ng Ibon, kung bubuwisan ng kahit isang porsiyento ang kada higit P1 bilyon yaman, 2% sa higit P2 bilyon yaman at 3% sa kada P3 bilyon yaman, makakalikom ang gobyerno ng nasa P500 bilyon taon-taon.
Kaya maiintindihanang inihain ng koalisyong Makabayan sa Kongreso na Super Rich Tax Bill.
“It’s payback time para sa mga ganitong sobrang yumaman dahil sa mga tax cuts,” ani ni Manuel.