‘Failed trip’ at panghuhuthot sa mga estudyante ng Bestlink

,

Gutom, uhaw, poot at pagod ang sinapit ng mga estudyante sa pagdalo sa palpak na selebrasyon ng foundation day ng Bestlink Colleges of the Philippines sa Hermosa, Bataan noong Ene. 26.

“Eto na ba talaga ‘yon, hanggang dito na lang ba ako mabubuhay?”

Ito ang tumatakbo sa isip ni Che (hindi totoong pangalan), estudyante ng Bestlink Colleges of the Philippines (BCP), matapos maglakad ng higit apat na oras para makasakay ng bus pauwi.

Gutom, uhaw, poot at pagod ang sinapit niya at ng iba pa niyang kapwa estudyante sa pagdalo sa palpak na foundation day ng BCP noong Ene. 26.

Sa social media, inilabas ng mga estudyante ang galit sa kanilang hindi makataong dinanas. Sa pagbabahagi ni Gabby (hindi totoong pangalan), pinapunta sila ng 12:30 ng madaling araw dahil ala-una daw aalis ang bus, pero pagdating sa kanilang eskuwelahan, magulo na ang sitwasyon.

Naghintay sila ng halos limang oras bago pa nakasakay ng bus. Pagdating sa Hermosa, Bataan, nasabak agad sila sa paglalakad ng ilang kilometro bago marating ang Puntabelle Resort. 

“Sobrang suffocating sa loob ng resort sa sobrang crowded. Walang signal kaya ang hirap maghanapan with classmates. Also, kulang na kulang ang comfort rooms knowing [na] may swimming pools. Makikita mo talagang palpak sa planning,” pagbabahagi naman ni Sandy (hindi tunay na pangalan).

Hanggang sa kanilang pag-uwi, walang kaginhawaang naranasan ang mga estudyante. “traumatic experience and never ko [o] namin makakalimutan ‘yong araw na ‘yon, na halos para kaming nag-trial kay Kamatayan,” ani Gabby.

Sa pahayag na inilabas ng administrasyon ng BCP, una nitong pinabulaanan ang ilan umanong kumakalat na ulat sa social media kaugnay sa kanilang foundation day. Nananawagan din ito ng independent fact-finding investigation kung kinakailangan.

Ngunit para kina Gabby, Sandy, at iba pang estudyante ng BCP, hindi sapat ang naging pahayag ng eskuwelahan. Wala umanong pananagutang ginawa ang administrasyon, sa dulo isinisi pa sa mga estudyante ang mga pangyayari. Umikot din sa social media ang ilang screenshot ng mga pagbabanta laban sa mga nagsisiwalat sa mga nangyari.

Noong 2017, naging laman na rin ng balita ang BCP dahil sa field trip na nauwi sa pagkasawi ng 15 katao. Bunsod nito, pansamantalang ipinatigil ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education ang mga out-of-school activity. 

Nagpadala na ng show-cause order ang CHED sa administrasyon ng BCP kaugnay sa insidente. Ayon sa ahensiya, walang permit ang naturang aktibidad.

Labas sa kawalan ng permit ang dapat siyasatin ng CHED kaugnay ng pangyayari. Nailantad ng “failed trip” ang nagpapatuloy na talamak na mga paniningil ng iba’t ibang bayarin sa eskwelahan.

Sa kontrobersiyal na aktibidad pa lang, inilabas ng mga estudyante ang sapilitang paniningil sa kanila at pananakot na ibabagsak sa klase. 

“Marami silang dinadagdag na bayarin sa balance namin nang hindi sinasabi agad kung para saan, overpriced ang tour, sunod-sunod at rushed na mga bayarin, at hindi nila pinag-e-exam, o hinuhuli sa pag-e-exam ang mga hindi pa bayad sa semester na iyon,” pagbabahagi ni Sam (hindi totoong pangalan).

Dagdag ni Sandy, patong-patong na mga singilin ang pinapabayad sa kanila—foundation day, sports fest, stage play, medical at kahit booklet para sa exam. Pinakamalala ang taunang paniningil para sa mga field trip na ginagawa pang requirement.

Hindi rin nila alam kung saan napupunta ang mga dagdag-singil na ito at kung saan hinugot. 

Nakiisa ang National Union of Students in the Philippines (NUSP) at iba pang organisasyon ng kabataan sa pagtutol sa paniningil ng other school fees ng BCP at iba pang pribadong pamantasan at kolehiyo. Inilarawan ng unyon ang mga singilin bilang napakalaki, paulit-ulit at kaduda-duda.

Liban sa BCP, talamak din ang paniningil ng mga ganitong klaseng other school fees sa iba pang mga pribadong paaralan. Kung tutuusin, dapat wala nang ibang binabayaran pa ang mga estudyante liban sa matrikula. Sa depinisyon, sinasaklaw na dapat ng matrikula ang buong halaga ng pag-aaral.

Pero upang lansiin ang publiko na mababa ang halaga ng matrikula, inimbento ng mga kapitalista-edukador ang paniningil ng iba pang mga bayarin. Iba pa ito sa mga out-of-pocket expenses na ginagastos sa mga proyekto, field trip at iba pang mga extracurricular activity.

“Hindi [ATM] ang mga estudyante na nagsusuka ng pera upon demand ng estado at mga paaralan. Kami’y kabataan na may karapatan sa libre, dekalidad at abot-kayang edukasyon. Ang pagtali ng pagkamit sa edukasyon sa financial capability ng isang tao o pamilya ay balakid sa  paglinang sa pag-asa ng bayan,” ani ni Kabataan Partylist first nominee Renee Co.

Sa kabila ng pagsasabatas ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act noong 2017, nalalantad ng mga karanasan gaya ng sa mga estudyante ng BCP na mailap pa rin ang tunay na libreng edukasyon para sa kabataan.

Sabi ng NUSP, hanggang nananatili ang edukasyon sa balangkas ng pagiging komersalisado, kolonyal at represibo, nagpapatuloy ang laban ng mga kabataan para sa pagkamit ng kanilang karapatan sa pambansa, siyentipiko at makamasang edukasyon.