Ilang pelikula sa paggunita sa EDSA People Power
Sa karanasan ko, mabisang panturo ang mga pelikula upang maipakilala sa mga mag-aaral ang karahasan ng Batas Militar.
Bagaman hindi idineklarang special non-working holiday ni Ferdinand Marcos Jr. ang ika-39 anibersaryo ng unang EDSA People Power, maraming paaralan at unibersidad ang nagpasyang suspendihin ang kanilang mga klase.
Ang ilan naman, gaya ng Unibersidad ng Pilipinas, nagdeklara na magpatupad ng alternatibong learning mode upang bigyang-daan ang iba’t ibang porma ng paggunita rito.
Sa Unibersidad ng Pilipinas, kung saan ako nagtuturo, malaking tagumpay ang pagkakaroon ng General Education (GE) course na nakatuon sa pagtuturo ng Batas Militar upang tuligsain ang mga pagtatangka ng pamilya Marcos at mga alyado na baluktutin ang kasaysayan.
Sa PS 21 o Wika, Panitikan at Kultura sa ilalim ng Batas Militar sa Lipunan, sinisipat ang mga kalagayang panlipunan sa panahong ito, at inuusisa ang mga bakas na iniwan ng diktadura.
Sa karanasan ko, mabisang panturo ang mga pelikula upang maipakilala sa mga mag-aaral ang karahasan ng Batas Militar.
Hindi na naabutan ng mga kagaya ko (at ng mga estudyante ko) na post-EDSA babies ang panahong ito. Sa gayon, naitatawid sa amin ang danas ng mga personalidad na nagdusa at nakibaka laban sa diktadura sa tulong ng mga kuwentong isinasalaysay sa mga pelikula.
Narito ang ilang mga pelikulang maaari kong irekomenda para sa sinumang gustong maunawaan ang mga kuwento ng karahasan at pakikibaka sa panahon ng EDSA.
Binabagtas sa mga pelikulang ito ang ilang pampolitikang kaganapan matapos mapatalsik si Marcos Sr.
- Beyond the Walls of Prison (Lito Tiongson, Asiavisions, 1987) – dokumentaryong tumatalakay sa kalagayan ng mga bilanggong politikal pagkatapos ng EDSA. Mapapanood nang libre sa Cinemata.org.
- A Rustling of Leaves (Nettie Wild, 1988) – dokumentaryong nagpapakita ng nagpapatuloy na armadong pakikibaka at kontra-insurhensiya matapos ang EDSA, na may espesyal na pagtutok sa konteksto ng Mindanao. Ilan sa mga pamilyar na personalidad gaya ni Bato dela Rosa—na noon ay kasangkot sa mga berdugong vigilante—ay naitampok dito.
- 11,103 (Jeannette Ifurung and Miguel Alcazaren, 2022) – dokumentaryo tungkol sa human rights claimants at mga survivor ng mga masaker na ipinatupad ni Marcos Sr. sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Maaaring makontak ang mga filmmaker sa 11103film.ph.
- Marcos: A Malignant Spirit (ABS-CBN, 1986) – dokumentaryong nagpapakita ng kinahinatnan ng mga imbestigasyon at pagtatangkang pagbawi sa nakaw na yaman ng mga Marcos.
- Orapronobis (Lino Brocka, 1989) – politikal na drama na nakatutok sa karahasan ng mga anti-komunistang vigilante sa panahon ng demokratisasyon. Nakababagabag na panoorin ito lalo pa’t ang pangunahing aktor sa pelikula ay tumatakbo sa pagkasenador sa ilalim ng partido nina Rodrigo Duterte.
Sa mga nabanggit na pelikulang ito, inuusisa ang pangako ng demokrasya na kaakibat ng EDSA. Ito ang pangakong paulit-ulit na binigo ng nagpapalit-palit na mga administrasyong pinatatakbo ng mga naghaharing-uri.
Sa kabila ng mga kabiguang ito, nananatili ang demokrasya bilang adhikaing patuloy nating pinagpupunyagian bilang sambayanang sumisinghap sa tunay na panlipunang pagbabago.
Kagaya ng isang pelikula, ang EDSA ay isang mahalagang tagpo sa masalimuot na drama ng pagpupunyaging ito.