Si Tita Malou
Mahalaga ang ginampanan ni Tita Malou sa pagbuo ng solidarity movement sa Australia na magtatawid ng mga usapin sa Pilipinas sa hanay ng mga progresibong Australyano.
Noong bagong salta ako sa Melbourne upang simulan ang aking doktorado noong 2018, isa sa mga unang pagtitipong dinaluhan ko ang isang educational discussion na inilunsad ng Gabriela Australia. Isa sa mga unang lumapit sa akin upang batiin ako ay si Marilou “Malou” Logan.
Maliit na babae si Tita Malou ngunit may taglay na confidence sa kanyang pananalita. Saglit lang ang naging palitan namin. Itinanong niya sa akin ang sektor na kinikilusan ko bilang aktibista sa Pilipinas.
Natatandaan kong nangislap ang kanyang mga mata nang malaman niyang guro ako. Kalaunan, malalaman ko na may background siya sa pananaliksik bilang isang anthropology major na kalaunan ay nagtapos ng masterado sa Asian studies.
Sa panahon ng pagkilos ko sa mga kilusang aktibista sa Migrante Melbourne, madalas kong makakasalamuha si Tita Malou. Unti-unti ko siyang makikilala sa ilang taong paglubog na iyon, lalo pa’t bagamat retirada na sa trabaho, hindi siya nagretiro sa pakikibaka.
Maituturing na muhon si Tita Malou ng kilusang migranteng Pilipino sa Melbourne. Namulat siya bilang aktibistang estudyante sa panahon ng batas militar at ayon sa isang panayam sa kanya sa isang programa ng Special Broadcasting Service (SBS) sa Australia, ay naging detenidong politikal siya sa ilalim ng diktadura.
Naibahagi rin niya sa ilang kuwentuhan ang karanasan niyang lumubog sa mga pamayanan ng magbubukid bilang bahagi ng pag-aaral sa antropolohiya at kabigkis nito, bilang paggampan sa tungkulin sa kilusang masa.
Para sa aming mga nakasama siya sa makabayang kilusang migrante sa Australia, mataas ang aming pagkilala kay Tita Malou sa mapaghawang-landas na pakikisangkot para sa pambansang demokrasya at kalayaan.
Kalaunan, napadpad siya sa Melbourne sa huling bahagi ng dekada ’80 at nakapang-asawa ng Australyano. Naging mahalagang pigura siya sa pagbibigay-tinig sa mga Pilipino sa pamamagitan ng SBS, kung saan nagsilbi siya bilang unang executive director ng Filipino radio program sa Melbourne. Dito’y nabigyan ng malawak na platapormang pampubliko ang mga migranteng Pinoy sa mga usaping kinakaharap nila sa Australya at sa bansang kanilang pinagmulan.
Mahalaga ang ginampanan ni Tita Malou sa pagbuo ng solidarity movement sa Australia na magtatawid ng mga usapin sa Pilipinas sa hanay ng mga progresibong Australyano. Bahagi ito ng pandaigdigang pagsusumikap ng kilusang pambansang demokratiko na bumuo ng pagkakaisa sa mga tagaibang bansa upang isulong ang mga adbokasiyang panlipunan sa Pilipinas, lalo na sa nagbabagong kalagayan mula sa diktadura patungo sa demokratisasyong batbat pa rin ng kahirapan, krisis at karahasan.
Sa pag-aaral ni Shirlita Espinosa sa kilusang migrante sa Australia, nabanggit na isa si Tita Malou sa lumagda sa dokumentong “The Situation in the Solidarity Movement” na inilabas noong Nobyembre 1990 na naggiit ng mahalagang gampanin ng mga Pilipino na magtimon sa kilusan ng pagkakaisa ng mga Pilipino at Australyano.
Sa mga sumunod na panahon, si Tita Malou ang isa sa nagpunyagi sa pagbuo ng mga pormasyon gaya ng Gabriela at Migrante sa Australia.
Sa pagdating ko sa Melbourne, mapalad ako na makabahagi sa mga inani ng pagpupunyaging ito. Tuloy-tuloy ang pag-agapay ng mga aktibistang Pilipino sa Australia sa mga Pilipinong dumaranas ng iba’t ibang uri ng pananamantala sa ibayong-dagat habang pinagtitibay ang pakikiisa ng mga migrante sa mga pakikibaka para sa katarungang panlipunan sa lupang tinubuan.
Para sa aming mga nakasama siya sa makabayang kilusang migrante sa Australia, mataas ang aming pagkilala kay Tita Malou sa mapaghawang-landas na pakikisangkot para sa pambansang demokrasya at kalayaan.
Sa kanyang paglisan, mananatiling inspirasyon ang kanyang walang kapagurang paglilingkod sa sambayanan na hindi mahahadlangan maging ng edad o distansya sa ibayong-dagat.