Libreng pasyalan at aktibidad ngayong Pambansang Buwan ng Sining


Saan nga ba mas maigi magdiwang ng Pambansang Buwan ng Sining kasama ang mga kaibigan o ka-ibigan?

Hindi lang buwan ng mga puso ang Pebrero. Selebrasyon ang buwang ito ng yaman sa pagkakaiba-iba ng sining ng Pilipino.

Itinakda ang buong buwan ng Pebrero bilang Pambansang Buwan ng Sining para magbigay-pugay sa mga pamana ng kulturang Pilipino at pagtatampok sa mahalagang papel ng sining sa pagbuo ng bansa na nagbibigay ng plataporma para sa malikhaing pagpapahayag ng mamamayan.

Pero sa mahal ng bilihin, may libre pa ba para masaksihan ang ganitong pagdiriwang? Saan nga ba mas maigi magdiwang sa buwan na ito kasama ang mga kaibigan o ka-ibigan?

UP Fine Arts Gallery/Facebook

Sa UP Fine Arts Gallery sa University of the Philippines DIliman, may isang kakaibang Fashion show sa Peb. 15 simula 6 p.m.

Sa “Imaginarium,” pumasok sa isang mundo kung saan walang hangganan ang imahinasyon. Hindi lang ito fashion show—ito’y isang paglalakbay sa hinaharap ng estilo, kung saan nagsanib ang pagkamalikhain at inobasyon sa entablado.

Kasama ang mga malikhaing artista na sina Basil, East of Eden, Jerome Campano, Juliana Velasquez, Kitty Qlo Manila, MNTCLV, Niel Catapang, Roxanne Rey, Rey Calajate at Vandro Casiwan Atelier.

Bukas din ang exbihit ng kanilang mga obra mula Peb. 16 hanggang 21.

Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Sa National Museum of the Philippines (NMP) sa Maynila makikita ang mga natatanging yamang pangkalinangan tulad ng mga obra nina Juan Luna, Felix Resurreccion Hidalgo, Vicente Manansala, Carlos “Botong” Francisco, Fernando Amorsolo at marami pang iba.

Maliban sa mga museo ng Fine Arts, Anthropology at Natural History sa Maynila, mayroon ding mga regional museum ang NMP sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad sa Batanes, Ilocos, Cordillera, Cagayan, Rizal, Marinduque, Bicol, Iloilo, Dumaguete, Bohol, Butuan, Zamboanga at Sulu.

Libre at bukas sa lahat ang mga museo ng NMP araw-araw mula 9 a.m. hanggang 6 p.m.

Processed with VSCO with g7 preset

Matatagpuan sa Bonifacio Global City sa Taguig City, mayroong free entrance ang Metropolitan Museum of Manila (The M) tuwing Martes sa buwan ng Pebrero bilang pakikiisa sa Pambansang Buwan ng Sining.

Sa Peb. 4, 11 at 18, maaaring matunghayan ang iba’t ibang likhang sining katulad ng “Dream State” na isang exhibit ng pinagsama-samang artist sa contemporary art at “Printmaking: The Power of Pressed Image” na nagpapakita sa kultura, mga aspeto ng kapaligiran at sikolohikal na presyon sa makabagong lipunan.

Bukas ng The M ng Martes hanggang Biyernes mula 11 a.m. hanggang 6 p.m. at Sabado at Linggo mula 10 a.m. hanggang 6 p.m.


Sumasalamin ang sining sa ating identidad bilang mga Pilipino at nagbibigay ng pagkakataon upang ipakita ang ating malikhaing kakayahan at natatanging talento.

Sa buwang ito, tinatanaw natin ang mga kontribusyon ng mga lokal na artista at ang kanilang mga obra na maging inspirasyon sa bawat isa.

Kasama ang mga inihandang pampublikong programa at pang-edukasyong aktibidad, ipagdiwang natin ang mga obrang nagpapaalala sa atin ng ating makulay na pamana ng ating lahi at kahalagahan nito sa ating buhay.