Pag-alala at pagkilala: JMS Legacy Foundation, itinatag
Layon ng JMS Legacy Foundation na ipreserba, magbigay ng akses at mang-engganyo ng malawakang pag-aaral ng mga signipikanteng kontribusyon ni Jose Maria Sison sa pandaigdigang pagkakaisa ng mga mamamayan para sa paglaya.

Pinasinayaan ng iba’t ibang rebolusyonaryo at aktibista ang pagtatayo ng JMS Legacy Foundation sa Utrecht, The Netherlands, nitong Peb. 15, bilang pagkilala sa higanteng ambag ni Jose Maria “Joma” Sison sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon sa Pilipinas at maging sa ibayong dagat.
Nagtipon-tipon ang mga tagasuporta at kasamahan ng yumaong Sison bilang paggunita rin sa dapat sana’y ika-86 niyang kaarawan.
Pumanaw si Sison noong Disyembre 2022. Ilan sa mga huling salita ng lider ay “ang rebolusyong bayan ay hindi magagapi.”
Layon ng JMS Legacy Foundation na ipreserba, magbigay ng akses at mang-engganyo ng malawakang pag-aaral ng mga signipikanteng kontribusyon ni Sison sa pambansa demokratikong rebolusyon sa Pilipinas at para itaguyod ang “proletaryadong internasyunalismo.”
Ilan sa mga magiging tungkulin ng bagong organisasyon ang pagpapatakbo ng isang website, museo, mga arkibo at mga aktibidad na nagpapakilala ng mga likha ni Sison kaugnay ng iba’t ibang isyu ng mamamayan ng nakikibakang mamamayan sa buong mundo.
Nagbigay-pugay naman si Dan Borjal, executive director ng bagong tatag na JMS Legacy Foundation, kay Sison sa kanyang paglalatag ng rebolusyonaryong gabay para sa Pilipinas.
“Ka Joma, may susing bahagi ka sa rebolusyong hindi magagapi. Dapat ipreserba ang legasiya ni Joma para sa mga susunod na henerasyong lalahok sa pakikibaka ng sangkatauhan para kamtin ang bago at mas mabuting daigdig,” wika ni Borjal.
Ibinahgai rin ni Julieta de Lima, kabiyak at habambuhay na partner ni Sison sa pakikibaka, ang deka-dekada nilang pagtutulungan para sa pambansa demokratikong pakikibaka.
Mula sa paunang pagkakakilanlan at pagpapatakbo mga aktibistang organisasyon sa University of the Philippines, pagbubuo ng Kabataang Makabayan noong 1964, muling pagtatatag ng Communist Party of the Philippines noong 1968 hanggang sa samu’t saring pagsubok at sakripisyo na kaakibat ng pamumuno sa rebolusyon.
Para kay de Lima na ngayo’y interim chairperson ng National Democratic Front of the Philippines Negotiating Panel, mahalagang pag-aralan ang mga Sison Series na mga libro, laman ang mga piling akda ng dakilang lider.
Laman ng mga aklat ang gabay sa “pagkompronta sa maraming hamon at pagtitiyak ng patuloy na pag-abante ng rebolusyong Pilipino.”
Nagbigay-pugay at bumati rin ang mga kinatawan ng mga progresibong grupo mula sa Pilipinas, Canada, United States, France, Germany at Ireland.