Pahayagang pangkampus sa Camsur, inatake ng politiko
Inulan ng batikos si Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte matapos puntiryahin ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Camarines Sur Polytechnic Colleges, dahil sa resulta ng isang mock election.

Inulan ng batikos si Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte matapos puntiryahin ang The Spark, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Camarines Sur Polytechnic Colleges (CSPC) sa bayan ng Nabua, dahil sa hindi paborableng resulta ng isang mock election na inilabas noong Peb. 7.
Ipinahayag ni Villafuerte sa isang Facebook post na hindi niya ikinatuwa ang paglamang ng katunggaling si Bong Rodriguez sa pagkagobernador sa hanay ng mga estudyante ng CSPC. Tinawag ni Villafuerte na “fake news” at “fake survey results” ang inilabas na resulta ng The Spark.
Sa parehong post, binansagan niya ring “biased” ang The Spark dahil umano hindi nito kailanman inulat ang mga “tulong” na ibinigay ng kanilang pamilya sa CSPC.
Ipinaskil din niya ang larawan ng kasalukuyang The Spark associate editor Fernan Matthew Enimedez at tinawag ding “bias” dahil sa kanyang pagsuporta kay dating Pangalawang Pangulong Leni Robredo noong 2022.
Nanindigan ang patnugutan ng The Spark sa kanilang inilabas na mock election result at sa pagtatanggol para sa academic at press freedom.
Sa kanilang pahayag noong Peb. 8, pinabulaanan nila ang bintang ni Villafuerte na ito ay “fake” at nanindigang hindi sila “biased” at lalong hindi bayaran.
Pinalitan din nila ang kulay ng kanilang logo tungong black and white, simbolo ng kanilang pagtindig sa kabila ng pagpapatahimik.
Ayon sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP), ang naging asal ni Villafuerte ay direktang pag-atake sa karapatan ng mga mamamahayag at bahagi ng malaganap na pagsensura sa mga campus publication.
Pinapakita lang umano ng ginawa ni Villafuerte ang kapangyarihan ng totoong representasyon at boses ng mga kabataan at estudyante. Hinimok din ng CEGP ang administrasyon ng CSPC na manindigan kasama ang komunidad.
Hinamon naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) si Villafuerte at iba pang kandidato na ihapag ang kanilang mga plataporma para tiyakin ang kaligtasan at kalayaan ng mga mamamahayag mula sa intimidasyon at sensura.
Umani ng malawak na suporta mula sa komunidad ng CSPC at iba pang pahayagan ang nangyari sa The Spark.
Nagsagawa rin ng isang solidarity protest noong Peb 12 ang mga estudyante sa CSPC dala ang panawagan para sa academic freedom, campus press freedom at students’ rights.