Real na real? Iwas lokohan sa halalan


Ginagamit ng mga scammer o troll ang retrato, boses o bidyo ng iba para manloko. Paano ba malalaman kung peke o totoo?

Inendorso ba nina Angelina Jolie at Jackie Chan ang isang kandidato? Ay! Baka AI!

Opisyal nang nagsimula ang kampanya para sa darating na eleksiyon sa Mayo. Kaliwa’t kanang mga pangako, pag-eendorso at mga pakulo ang mababalitaan natin sa social media, pero baka hindi lahat ng ito, totoo.

Dahil sa naglipanang mga online application na gumagamit ng generative artificial intelligence (gen AI) o mas kilala bilang AI, posible na gumawa ng mga retrato at pati bidyo na walang bahid ng katotohanan. Ginagamit ng mga scammer o troll ang retrato, boses o bidyo ng iba para manloko. Paano ba malalaman kung peke o totoo?

  • Hindi kailangan ng AI para manloko gamit ang retrato. Minsan, nadadaan ito sa pekeng linya o quote, o kaya naman gawa-gawang konteksto sa caption. Para mabisto ang ganito, tingnan kung may ibang nakapagbalita. Sa mga social media application o browser, ilagay lang ang keywords tulad ng “Beyonce endorse Filipino candidate” halimbawa, at kapag walang lumitaw na balita, baka peke!
  • Minsan, may mga fact-checking effort na nag-aanunsiyo kapag may nabibisto silang fake news. Halimbawa na nito ang Vera Files.
  • Kung hindi sigurado dahil hindi lumilitaw sa ibang balita o kaya hindi katiwa-tiwala ang pinagmulan (kunwari account na pangalan ay BalituhBebs52), huwag na nating i-share ‘yan.
  • Tingnan kung may kakaiba sa mukha o kilos. Nag-iiba ba ang posisyon at dami ng ngipin sa pagbukha ng bibig? Para bang ‘di gumagalaw ang mukha? Baka naman ‘di sabay o tugma ang salita at galaw ng bibig? Baka AI na ‘yan!
  • Tulad ng sa retrato, hanapin sa internet kung may iba ring naglabas ng parehong bidyo. Siguruhin lang na hindi ito sa magkakamukhang account.
  • Laging huminga nang malalim bago mag-share. Baka nadadaan tayo sa gulat pero sa konteksto pa lang, bistado na ang peke. Halimbawa, kung may makita tayong bidyo ni Michael Jackson na kinakamayan ang isang politikong Pinoy, matik bogus na ‘to. 

Sa kasamaang palad, walang perpektong teknik para malaman kung AI ba ang nasa social media. Lalo na kasing nagiging pulido ang teknolohiya. Kaya muli, kung ‘di sigurado, iwas na tayo.

Mahalaga ring makakuwentuhan ang mga kaibigan at mahal sa buhay, bata man o matanda, tungkol sa ganitong posibleng panloloko. Maging mapagmatyag tayo para sa isa’t isa. Kung lumalakas ang mga troll dahil marami sila, kailangan natin ng dobleng lakas mula sa tulungan at damayan!