Ang dapat mabatid ng mga guro ng sining
Mayroong tungkulin ang lahat ng alagad ng sining na tiyakin na nagsisilbi ang panitikan at sining sa adhikain ng pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Kung ang sining ay hindi hiwalay sa mundo, hindi rin ito likhang nagmumula sa isang indibidwal na walang ugnayan sa kanyang lipunan.
Sa huling pagtatasa, hinuhubog ang artista ng at siya ring humuhubog sa pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiyang kalagayan ng kanyang panahon.
Inuudyok tayo ng mahigpit na ugnayan ng kultura sa materyal na puwersa na suriin ang papel ng mga alagad ng sining sa isang lipunang dumaranas ng matinding kontradiksiyon at krisis.
Sa ganitong konteksto rin dapat muling talakayin ang papel ng mga guro ng sining sa ating lipunan at ang tungkulin nito sa paghubog ng kamalayan ng sambayanang Pilipino.
Mayroong tungkulin ang lahat ng alagad ng sining na tiyakin na nagsisilbi ang panitikan at sining sa adhikain ng pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Kung hindi mababatid ng mga guro at artista ang pundamental na katotohanang ito, nanganganib na manatili ang sining at panitikan sa kamay ng naghaharing-uri at maging kasangkapan ng pang-aapi sa halip ng pagpapalaya.
Sining at pakikibaka ng uri
Tulad ng iba pang neokolonyal na bansa, nananatili ang Pilipinas na hati sa linya ng uri. Ang mga panginoong maylupa, ang burgesyang komprador at ang kanilang mga among imperyalista ang may hawak sa ekonomiya at sa estrukturang pangkultura.
Pinamamahalaan nila ang produksiyon ng sining, itinatakda ang pamantayan ng estetika at pinapanatili ang isang pananaw sa sining na hiwalay sa masa.
Dahil dito, nagkaroon ng sining na nagsisilbi lamang sa makitid na interes ng mga naghaharing-uri, nagpapatibay sa kanilang kapangyarihan at inihihiwalay ang nakararaming Pilipino sa kanilang sariling kultura at rebolusyonaryong potensiyal.
Sa ating mga paaralan ng sining at institusyong pangkultura, tinuturuan ang mga mag-aaral na sambahin ang mga dayuhang maestro at ang mga Pilipinong gumaya sa kanila habang iniiwasang pag-usapan ang mga artistang nag-alay ng kanilang sining sa pakikibaka ng bayan.
Hinikayat silang magsulong ng indibidwalistikong ekspresyon, subalit hinahadlangan sa paggamit ng sining bilang kasangkapan ng pagsusuri sa lipunan, tinatawag itong “mababaw” o “yutilitaryan.”
Intensiyonal ang ganitong ideological conditioning. Bahagi ito ng pagnyutralisa ng naghaharing-uri sa kultura upang pigilan itong maging puwersa ng rebolusyon.
Gayunpaman, ipinakita ng kasaysayan na ang pinakamahuhusay na mga artista ay yaong mahigpit na nakakawing sa pambansang pakikibaka: si Propesor Neil Doloricon, ang rebolusyonaryong si Parts Bagani, ang dibuhistang si Tarantadong Kalbo; ang mga makatang Kerima Tariman at Axel Pinpin; mga makabayang musikero tulad nila Danny Fabella, Joel Costa Malabanan at Ericson Acosta; mga bandang The General Strike, Musikangbayan at Pordalab; at mga kolektibong tulad ng Sining Bugkos, Concerned Artists of the Philippines, Panday Sining, ARPAK, SAKA at Alay Sining.
Ang mito ng nyutralidad sa sining
Patuloy pa rin ang paglaganap ng burgis na pananaw na kailangang manatiling “nyutral” ang sining. Dapat nating ipaalala sa mga artista na matagal na itong napatunayang hungkag.
Sa isang lipunang may tunggalian ng uri, walang sining na nyutral. Ang sining na hindi lumalaban sa sistemang umiiral ay nagpapatibay lamang dito.
Dahil dito, tungkulin ng guro ng sining na akayin ang mga mag-aaral mula sa pasibong paglikha tungo sa mulat na kritisismo.
Nangangahulugan ito ng pagpapakita ng tunay na kalagayan ng masa, pagsasanay ng kritikal na pagsusuri sa kasaysayan at paghasa sa kasanayan ng mga estudyante hindi para sa pansariling katuparan, kundi para sa panlipunang pagbabago.
Hindi ito nangangahulugan na gawing identikal ang gawaing propaganda sa paggawa ng sining, subalit nangangahulugan ito na ang lahat ng sining ay dapat pumili ng panig.
Ang mga guro ng sining at ang masa
Upang makapagsilbi sa bayan ang sining, mahalagang makiisa ang mga guro ng sining sa masang-api. Hindi sapat ang pagtuturo ng teknikal na kasanayan tulad ng pagguhit, komposisyon, at genre.
Kinakailangan ang masusing pag-unawa sa mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at maralitang lungsod na bumubuo sa gulugod ng ating bansa. Sa kanila matatagpuan ang hilaw na materyales ng rebolusyonaryong sining—ang kanilang mga damdamin, mithiin at pakikibaka.
Ngunit marami sa mga guro at mag-aaral ang hindi pa nakapunta sa isang komunidad ng magsasaka o sa welga at piket. Nananatiling nakakulong sa aklat at galerya ang kanilang kaalaman at malayo sa masa.
Upang tunay na maituro ang sining na nagsisilbi sa bayan, dapat munang maunawaan ang bayan. Nangangahulugan ito ng pagbaba mula sa tore ng elitistang produksiyon ng sining at, sa halip, aktibong pakikilahok sa kongkretong pakikibaka ng mga manggagawa at magsasaka.
Nangangahulugan ito ng pag-aaral ng kanilang mga awit, kuwento at sining-biswal, at ng pagtulong upang pagyamanin ang sining na nagpapahayag ng kanilang rebolusyonaryong diwa.
Kung wala ang integrasyong ito, mananatiling hungkag ang sining at mananatili sa kaniyang indibidwal na pagkabaog ang artista.
Ang pangangailangan ng muling paghuhubog sa sarili
Marapat na sumailalim ang mga guro ng sining sa sariling kritisismo. Marami sa ating hanay ang sinanay sa mga institusyong nagtataguyod ng kanluraning pananaw, hiwalay sa masa at hinubog ng kultura ng komersiyo.
Hindi madali at hindi mabilis ang pagkalas mula sa impluwensiyang ito, ngunit mabigat ang pangangailangan dito. Upang makapagpalabas ng isang bagong henerasyon ng mga artistang magsisilbi sa bayan, kailangan magpanibagong hubog ang mga guro ng sining.
Nangangahulugan ito ng masusing pag-aaral sa tunggalian ng mga uri, malalimang paglubog sa masang anakpawis at matibay na paninindigan sa rebolusyonaryong adhikain.
Nasa gitna ng isang matinding pakikibaka ang sambayanang Pilipino. Magluluwal ba tayo ng mga artistang nagsisilbi sa galerya ng burgesya, o maghuhubog tayo ng mga artistang maglilingkod sa sambayanan at maging bahagi ng hukbo ng mga manggagawang pangkultura na nakikibaka para sa pambansang demokrasya?
Walang ibang sagot kundi: ang sining ay para sa masa, at ang mga guro at alagad ng sining ay dapat manatili sa piling ng masa, matuto mula sa kanila at paglingkuran sila.
Sa ganitong paraan lamang natin mapauunlad ang isang tunay na rebolusyonaryong kultura sa pakikibaka para sa ganap na paglaya.