Ang talab ng talim ng sining
Paano binabasa at tinitimbang ang pagbabalik ng “Filipina: DH” sa isang institusyong tulad ng Silverlens?
Unang beses akong pumasok sa Silverlens noong nakaraang linggo, kasama sa plano ng isang kaibigan na suyurin ang mga gallery sa kahabaan ng Chino Roces Avenue sa Makati City.
Aaminin kong may pagdadalawang-isip sa pagbisitang ito lalo pa’t magsasampung taon na ang nakakaraan nang pinagbabaril ng mga guwardya ng Lapanday Food Corporation ang mga nagpoprotestang mangagawang-bukid ng plantasyon ng saging. Agad itong sinundan ng pagboykot ng mga artista at manggagawang pangkultura sa mga institusyong pagmamay-ari ng pamilya Lorenzo, kabilang ang naturang gallery.
Sa pagdaan ng mga taon, ng paghina sa panawagan na dulot ng pagwasak ng rehimeng Duterte sa mga kilusang magsasaka sa kabuuang Mindanao, anong mga lumipas na panawagan ang may kakagyatan pa ring panghawakan? Sa akin, na hanggang ngayong ay nakakaalala, gaano kagaan o kabigat ang mga hakbang papasok sa bulwagang may bahid ng dugo ng mga magsasaka?
Noong nakaraang taon, naging usap-usapan sa hanay ng mga mamemelikula ang film funding ng Tarzeer Pictures, isang gallery at creative production group sa Makati City.
Sa isang Facebook post ni Kiri Dalena, ipinahayag niya ang kahirapang tangkilikin ang mga proyekto ng Tarzeer gayong ang mga Razon na nagmamay-ari nito ay ang parehong pamilyang nasa likod ng mapaminsalang hydropower project sa Pakil, Laguna.
Sa isa sa mga tugon ni Inday Espina-Varona kay Dalena, binanggit niyang ang mga kontradiksyon sa mundo ng sining, na kakabit ng usapin ng sirkulasyon ng pera at rekurso sa pagitan ng mga institusyon at ng mga artista at manggagawang pangkultura, ay umiigiting at humihina sa pagdaan ng panahon—sa madaling-sabi ay dinidiktahan ng mga pagbabago sa pulitika ng bansa. Bukod sa espasyo ay temporalidad.
Kung susundan ang liming ito, mag-iiba ang takbo ng usapan kung ginawa ko ang pagbisita sa Silverlens sa kasagsagan ng sidhi ng laban sa Lapanday, kung saan ang mga hakbang ko’y kaydaling tignan bilang pagtangkilik at komplisidad.
May parte mang kapalaluan, higit na interesante sa akin na suriin ang mga udyok para sa kritisismo, na siya ring udyok para pumasok sa loob ng Silverlens. Kung ang pagsusulat na ito ay produkto ng nauna nang pagbabasa sa espasyo, ng mga estruktura nitong mapagsamantala’t mapaniil, at sa lahat ng artista at likhang-sining na parteng pundasyon at parteng palamuti, baog na bang maituturing ang anumang muling pagbabasa?

Maalala ko ang naging tanong ko sa isang diskusyon ng Concerned Artists of the Philippines kung papaano titingnan sa ngayon ang mga Social Realist, ang kanilang mga likha tungkol sa kahirapan na nakasabit sa mansiyon ng mga malalaking kolektor. Pirmi bang progresibo ang isang likhang-sining dahil lamang naglalaman ito ng mga progresibong imahen at nilikha ito sa progresibong mga tunguhin?
Nais kong iturol ito sa usapin ng limitasyon ng representasyon at ang posibilidad ng muling pagtitimbang sa likhang-sining sa loob ng eksibisyon, sa larangan ng kuradurya. Higit ko pang palalawigin na sa hanay ng progresibong sining, ang kakagyatan ng mga usaping eksibisyunaryo ay nakasalalay sa mga panlipunang kilusan.
Tinitignan ko ang mga likha ni Imelda Cajipe-Endaya sa eksibisyong “Kahapon Muli Bukas” sa Silverlens. Lulan nito ang “Filipina: DH,” isang installation work na unang inexhibit sa NCCA Gallery noong 1995, ang taon kung kailangan pinatay si Flor Contemplacion at ikinulong si Sarah Balabagan.
Nilikha ito sa konteksto ng masidhing laban ng mamamayan sa neoliberal na globalisasyong ipinanangalandakan ng noo’y rehimeng Ramos—ang pagpapatuloy nito ng legasiya ng diktadurang Marcos na paglalako sa murang lakas-paggawa ng mga Pilipino sa labas ng bansa.
Matapos ang una nitong iterasyon, tatlong dekadang nagpalibot-libot sa iba’t ibang panig ng mundo ang likha ni Cajipe-Endaya hanggang sa homecoming ngayong taon. Sa kasalukuyan nitong anyo, binubuo ang likha ng mga pinahiram na mga gamit ng mga migranteng miyembro at kapamilya ng Kasibulan, ang peministang grupo ng mga artist na kasamang itinayo ni Cajipe-Endaya noong 1987.
Nananatili ang tanong: paano ko binabasa at tinitimbang ang pagbabalik ng “Filipina: DH” sa isang institusyong tulad ng Silverlens?
May kasinupan sa pagkakasalansan ng siyam nitong bahagi. May talinghaga sa ilan tulad ng altar ng nakasabit na kabayo at plantsa, ipinipinta ang malabong hulagway ng babaeng likha ng pagkakatupi ng tela. At totoong matalim, tulad ng sundang na nakasabit sa pising itinali sa bintanang rehas ng kulungan.
Sa usapin ng representasyon, lantay ang politikang taglay ng buong installation: kritika ito sa kalagayan ng mga migranteng Pilipino, ang mga kondisyong nagsasadlak sa kanila upang lisanin ang bansa sa mga walang katiyakang pakikipagsapalaran.
Ngunit tila may pirming kulob sa loob ng bulwagan. Mas napapansin ko ang lamig ng sementong kinasasalampakan ng mga maletang nakalatag. Oo, maganda, at may galing sa pagkakagawa ng mga obra. Ngunit walang ibang bagay na pagsidhing sumapit sa aking pandama, walang umuukok sa aking isip upang itulak akong kumilos, liban dito; sa madaling-sabi, walang talab.
Pinag-iiba ko ngayon ang talim at talab bilang dalawang magkaugnay aspekto ng politika ng sining. Ang talim, sa hakang ito, ay nananatili sa larangan ng representasyon, nangungusap sa kung ano ang ipinapakita at ‘di ipinapakita ng isang obra. Katumbas nito ang tinutukoy ni Bienvenido Lumbera na “galing” ng isang artista sa paglikha. Agad itong nakikita sa matamang paglapat ng liwanag. Lantad ito, parang ningning.
Sumasapat dito, halimbawa, ang husay ni Cajipe-Endaya sa kanyang mga biswal na talinghaga na imapa ang binuburang balat ng mga Pilipinang migrante sa panahon ng globalisadong daigdig at ipakita ang ugnayan ng kanilang pangingibang-bayan sa mga sistemang panlipunang lumulukob sa kanilang buhay.
Ang sukat ng talim, tulad ng sukat ng galing, ay batay sa mga pamantayang ipinapasa sa atin ng mga nagdaang mga artista’t mangagawang pangkultura na isinapraktika ang paggawa ng sining. Ano kayang panama ng talim ng kakahasang sundang sa malamig na semento?

Dito higit na kailangan pag-isipan hindi lang ang talim kundi ang talab ng sining. Nakadepende ang talab hindi sa husay ng pagkakagawa ng obra kundi sa panahon at espasyong inookupa nito. Ito ang pagsapit ng politika ng sining sa mambabasa o manunuod.
Katumbas ito ng pagsapit ng “dating” o estetika, alinsunod muli kay Lumbera. Nilalagpasan nito ang representasyon tungo sa mas malawak na mga usaping eksibisyunaryo sa larangan ng kuradurya, na samatakuwid ay usapin ng mga kakagyatan ng ngayon.
Dito ay mas nagiging matimbang ang tanong na: sa anong mga kondisyon umiinog ang likha; at paano nito binabago ang mga kondisyong ito? Muli, ang mga kakagyatan ay umuusbong, nagbabago o lumilipas alinsunod sa galaw ng lipunan at mundo.
Sa progresibong artistang lumilikha ng progresibong sining, ang mga kakagyatang kanyang sinasagot ay nakatali sa pag-urong at pagsulong ng mga kilusang panlipunang kanyang kinabibilangan. Ang mga kilusang ito ang naghahawan sa mga posibilidad at nagtatakda ng mga limitasyon kung may talab ang talim ng anumang obra.
Kung susundan ang hakang ito, higit na nagiging madali ang pagtitimbang sa anumang sining na lumabas na sa kondisyong dati nitong ininugan. Maalala ko ang sinulat noon ni Teo Marasigan hinggil sa isang mainstream na pelikulang gawang-Hollywood ngunit nagpapaalab sa damdamin ng mga rebolusyunaryong katutubo sa kanayunan ng Mindanao.
Kay dali ring ipaliwanag kung gayon ang sariling nadarama sa tuwing makakakita ng sa tingin ko ay mga likhang-sining na may progresibong talim ngunit napakalayo sa paningin ng mga karaniwang taong pinapaksa nito. Kapwa sa dalawang halimbawa, ang usapin ng talab ng talim ay nakasalalay sa kilusang humahawak sa anumang sining, sa kapasyahan nito para hasain at itutok ang armas laban sa kaaway.
May nauna akong pagbasa sa Silverlens dahil may tagumpay nang nagawa ang kilusan ng mga artista at manggagawang pangkultura. Nailantad nilang pagmamay-ari ito ng pamilyang nagpapanatili sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa mga magsasakang Pilipino. Ito rin ang dala-dala ko sa pagtitimbang sa likha ni Cajipe-Endaya sa loob ng naturang gallery.
Binabasa ko ngayon ang “Filipina: DH” sa konteksto ng kahinaan (sa suhetibo kong pagtingin) ng kilusang kinakausap niya sa mga obra—kondisyong sa tingin ko ay ‘di sapat upang lagpasan ko ang naunang pagbasa sa espasyo o tumungo ako sa kaliwanagang ang obra ay kritika sa mismong espasyo.
Sa sala-salabid nitong kontradiksiyon, kay daling sabihin ang mga obra ni Cajipe-Endaya ay may galing, may talim subalit walang dating, walang talab. Ngunit, muli, parte ng kapalaluan, nagagawa ko lang ito sapagkat malay ako sa kasaysayan ng espasyong aking pinapasok maging ng obrang aking binasa.
Ano ngayon ang tunay na udyok ng kritisismo? Hindi ito pagbabaliwala sa materyalidad ng komplisidad, o pagsasabing walang kakayahan ang bawat isang artista o mangagawang pangkultura na magsuri at magpasya.
Nais ko lang idiin, sa huli, na ang pagtatagumpay ng anumang panawagan para sa anumang pagtanggi o paglaban ay nakabatay hindi sa moralidad ng indibidwal o sa talim ng kanyang sining, kundi sa pagsapit ng talab na tinatakda ng lakas o hina ng isang kilusan.