DOJ, hinimok na palayain ang kababaihang detenidong politikal
Ayon sa grupong Tanggol Bayi, dapat palayain na ang kanilang mga kapwa kababaihang nakakulong, lalo na ang mga may sakit at nakatatanda dahil sa kakulangan ng serbisyong pangkalusugan sa loob ng mga piitan.
Kinalampag ng mga kababaihang tanggol-karapatan ang Department of Justice sa Maynila para igiit ang pagpapalaya sa mga kababaihang bilanggong politikal na sinampahan ng mga gawa-gawang kaso nitong Mar. 6, dalawang araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis.
Nasa 157 ang kababaihang detenidong politikal mula sa kabuuang 761 sa bansa.
Ayon sa grupo ng kababaihang tanggol-karapatan na Tanggol Bayi, dapat palayain na ang kanilang mga kapwa kababaihang nakakulong, lalo na ang mga may sakit at nakatatanda dahil sa kakulangan ng serbisyong pangkalusugan sa mga piitan.
Dahil hindi natugunan ang pangangailangang medikal, nasawi sa lung cancer si Cristina Garcia Miguel, 67, sa bilangguan sa Tuguegarao City, Cagayan noong Nob. 20, 2023 matapos ang apat na taong pagkakakulong
Nagtiis naman sa isang wheelchair nang ilang araw ang 74 anyos na si Virginia Villamor na hindi tinanggap sa Taguig-Pateros District Hospital matapos atakihin ng stroke at mawalan ng malay.
Kabilang rin si Loida Magpatoc, peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines, na nakakulong sa Bukidnon Provincial Detention and Rehabilitation Center at may altapresyon, diabetes at hirap makalakad nang walang aalalay.
Dinakip naman ang kapapanganak pa lang na manunulat at organisador ng kababaihang magsasaka na si Amanda Echanis kasama ang kanyang isang buwang sanggol na lalaki noong Dis. 2, 2020 sa lalawigan ng Cagayan.
Dadag ng Tanggol Bayi, hindi lang sila nananawagang palayain ang mga kababihang bilanggong politikal kundi para sa mga karapatan ng bawat anak, ina at asawa na inaresto ng estado dahil sa mga maling paratang.