Amanda Echanis, kandidato sa UP Diliman student council


Sa kabila pagkakapiit, pursigido ang manunulat at organisador ng kababaihang magbubukid na si Amanda Echanis na maglingkod sa mga kapwa mag-aaral sa University of the Philippines Diliman sa pagtataguyod sa mga karapatang pantao at sa sining at kultura.

Sa unang pagkakataon, lalahok ang isang bilanggong politikal na si Amanda Echanis sa darating na University Student Council elections ng University of the Philippines (UP) Diliman. Kumakandidato si Echanis sa puwestong councilor sa ilalim ng koalisyong Laban Kabataan.

“Huwag po sana nating ikahon o ilimita ang pagsisilbi sa kapwa sa usapin lamang ng pisikal na presensiya,” pahayag ni Echanis sa unang araw ng kampanya. Tatagal ito nang dalawang linggo at dudulo sa botohan sa Mayo 15 hanggang 16.

Dis. 2, 2020 nang inaresto si Echanis sa Baggao, Cagayan kasama ang isang buwang sanggol na anak at sinampahan ng illegal possession of firearms and explosives na pawang gawa-gawang kaso ayon sa kanya at mga tagasuporta niya.

Nakadetine siya ngayon sa Tuguegarao City, Cagayan. Pero sa tulong ng kanyang mga kaklase, kaibigan at faculty ng UP, nagagawa niyang mag-remote learning para ituloy ang pag-aaral mula sa bilangguan.

Nakilala na si Echanis bilang mahusay na makata at manunulat. Gayunpaman, balak niyang tapusin ang kanyang kurso sa Malikhaing Pagsulat sa UP kasabay ng paglilingkod sa kapwa iskolar ng bayan bilang kinatawan sa konseho. 

“Hindi sa pagkakakulong nagtatapos ang buhay. Sabi nga, bloom where you are planted. Nabigyan po ako ng pagkakataong muling makapag-aral online,” kuwento ni Echanis.

Nakasentro ang plataporma ni Echanis sa karapatang pantao at sa sining at kultura. Kasabay ng kanyang pangangampanya ang panawagan para sa kanyang paglaya at pagbabasura sa lahat ng mga ikinaso sa kanya.

Ani Echanis, gagampanan niya ang kanyang tungkulin kung paano niya ginagawa ang mga akademikong gawain kung mahahalal sa student council. Marami aniyang paraan para lumahok sa mga aktibidad ng konseho.

Layon naman ng koalisyong kinabibilangan ni Echanis ang pagtuligsa sa mga puwersa ng “kadiliman at kasamaan” sa loob at labas ng unibersidad. 

“Ano ang papel ng UP community sa kasalukuyang krisis ng bansa?” tanong ng Laban Kabataan.

“Sa panahong tayo sa pamantasan ang dumaranas ng epekto ng mga patakaran at kapalpakan nina Marcos at Duterte, desidido tayo na walang ibang paraan kundi sama-samang kumilos at lumaban,” dagdag ng grupo.