Lason sa inaasam na nagsasariling ekonomiya
Hindi maisasakatuparan ang nakapagsasariling ekonomiya kung mananatili ang mga polisiyang pinagkakakitaan lang ang mga magsasaka at karaniwang tao para sa pagkamal ng kita ng dayuhan at nasa poder.
Tila suntok sa buwan nang maituturing ang pagresolba sa napakaraming isyung pang-ekonomiya ng Pilipinas. Sa gobyernong mas pinapahalagahan ang kitang ibubulsa, imbis na ikabubuhay ng mamamayan, mahaba pa ang laban para sa ekonomiyang inaasam ng sambayanan.
Sa usapin pa lang sa presyo ng mga bilihin gaya ng bigas, gulay, karne at iba pa, hirap nang mabili ng mamamayan. Ang pangakong P20 na bigas ni Ferdinand Marcos Jr., halos doble o triple pa rin ang totoong presyo sa mga pamilihan.
Ginunita nitong nakaraang buwan lang ang anim na taong pagpapahirap ng Rice Liberalization Law na mas nagpaliit sa pagkakataon ng mga lokal na magbubukid na maibenta ang kanilang mga ani katapat ng kartel ng imported na bigas.
Magbibigay-daan umano ang batas sa sapat na suplay ng bigas sa merkado at mas mapapababa raw nito ang presyo sa bigas. Pero hindi naman ito ramdam ng hikahos na mamamayan.
Ayon sa independent think tank na Ibon Foundation, laong bumaba ang self-sufficiency ng bansa sa bigas sa 77% noong 2022 mula 86.2% noong 2018.
Sa datos ng United States Department of Agriculture, pumapalo sa 5.4 milyong metriko tonelada (MT) ng bigas ang inangkat ng Pilipinas mula 2024 hanggang Pebrero 2025.
Halos dinoble nito ang 3.4 milyong MT na import na bigas ng China na nangungunang rice consumer sa mundo na may 145 milyong MT na konsumo kada taon.
Kaya naman hindi nakapagtataka na tumaas pa lalo ang rice trade deficit o pagkakalayo ng import at export sa bigas ng bansa mula $819 milyon noong 2018, patungong $2.4 bilyon sa 2024.
Bukod sa bigas, lumobo rin kamakailan ang presyo ng sibuyas at kamatis—dalawang pangunahing sangkap sa araw-araw na pagkain ng pamilyang Pinoy.
Tunay na katawa-tawa itong ginagawa ng pamahalaan dahil nagkaroon pa ng surplus sa sibuyas at kamatis ang mga lokal na magsasaka, pero nag-angkat pa rin ang ating Department of Agriculture ng 4,000 MT ng sibuyas nitong nakaraang buwan lang.
Ika nga ng “tunay na lumaki sa farm” na si Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, kaya naman talagang mapababa ang presyo ng pagkain, pero makakamit lang ito kung buo ang suporta ng pamahalaan sa produksiyon ng mga magsasaka sa bansa.
Dagdag pa niya, mula nang sumali ang Pilipinas sa General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) ng World Trade Organization, doon nagsimula ang paglobo ng presyo ng mga batayang bilihin sa bansa. Lalo ring napabayaan ang lokal na agrikultura sa pagbaha ng mga dayuhang produktong agrikultural sa Pilipinas.
Sabi pa ni Ramos, kung totoong nais ng gobyerno na solusyonan ang problema sa pagkain at nagtataasang presyo, subsidyo sa produksiyon ang kailangan ng mga magsasaka, libreng pamamahagi ng lupang sakahan at pagkalas sa GATT.
Ang problema rin sa pamahalaan, palaging pribatisasyon at deregulasyon at pagsandig sa importasyon at malalaking trader ang naiisip na solusyon sa mga isyung bayan. Imbis na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino, inuuna nitong siguruhin ang pagkakamal ng kita na binhi ng korupsiyon sa pamahalaan.
Hindi maisasakatuparan ang nakapagsasariling ekonomiya kung mananatili ang mga polisiyang pinagkakakitaan lang ang mga magsasaka at karaniwang tao para sa pagkamal ng kita ng dayuhan at nasa poder.
Tunay at malawakang reporma sa lupa at makabuluhang suporta sa agrikultura ang kailangan upang matugunan ang krisis sa pagkain at pambansang industriyalisasyon para sa pagkakaroon ng ekonomiyang nakaasa sa sarili ang kailangan para tuluyan tayong makawala sa tanikala ng ekonomiyang nakaasa sa dayuhan.