Muni at Suri

Muling balik-tanaw sa Gaza


Ngayon, nilabag ng Israel ang ceasefire. Rumaragasa muli ang mga imahen ng henosidyo upang gisingin ang ating mga pandama. Umaandar muli ang estadistika ng mga napalayas, nasugatan at napaslang.

Makalipas ang dalawang buwan, nilabag ng Israel ang ceasefire sa Gaza. Nagpakawala muli ito ng opensiba na kumitil sa buhay ng daan-daang Palestino.

May pagragasa muli ng imahen mula sa Gaza sa panibagong kabanata ng agresyon ng Israel. Nakakalat muli sa ating newsfeed ang detalye ng mga napaslang at mga larawan ng bangkay ng mga batang biktima ng henosidyong ito.

Simula pa noong Oktubre 2023, inilantad ng mga imahen mula sa Gaza ang deka-dekadang danas ng mga Palestino sa ilalim ng etno-estadong Israel. Isinambulat ng kulturang biswal na ito ang kuwento ng pagkamkam ng lupain, ng mga buhay na kinitil at mga pamayanang winasak sa ngalan ng isang piksyonalisadong bayang pangako.

Ilang linggo lamang ang nakakaraan, itinanghal naman bilang pinakamahusay na dokumentaryo sa Oscars ang “No Other Land.” Sa dokumentaryong ito, isinalaysay ang dislokasyon at karahasang hinarap ng mga Palestino mula 2019-2023. Nakalakip sa dokumentaryong ito ang marahas na kalagayang nagluwal dito—ang mga imahen ng mga hangganan, ang banta ng mga armadong Israel Defense Forces, ang mga tinutudlang pamayanan at pamilya

Ang kultura ng pagtatalaga sa dahas bilang dokumentong biswal ay may dalawahang tendensiya.

Nariyan ang posibilidad na magbunga ito ng malawakang pagkamanhid ng madlang nasisilip ang dahas mula sa makipot na espasyo ng kanilang mga screen. Hindi mabubura ang posibilidad na ito sa loob ng mahigit isang taong tuloy-tuloy na sirkulasyon ng mga imahen mula sa Gaza, ng iba’t ibang antas at sidhi ng mga ipinapakitang tagpong ito. Sa kabilang banda, nariyan din ang kapangyarihan ng mga imaheng ito na tuloy-tuloy tayong gisingin mula sa pagkakaidlip.

Dalawang buwan din ang inabot ng ceasefire. Nabalitaan natin ang pagpapalaya ng mga hostage, ang pagpasok ng aid, ang paglilibing sa mga napaslang. Ngunit hindi pa ito ang wakas ng kanilang pakikibaka. Muling binubuksan ang ating sensibilidad sa tuluy-tuloy na agresyon at panunupil.

Sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, tuloy-tuloy din ang pagpapahayag ng pakikiisa. Sa Columbia University, makikita ang halimbawa ng dahas sa pamayanan ng pakikiisa para sa pagpapalaya ng Palestina. Ipiniit ang isang estudyante, si Mahmoud Khalil, dahil sa pakikiisa sa mga protesta laban sa agresyon ng Israel. 

Ngayon, nilabag ng Israel ang ceasefire. Rumaragasa muli ang mga imahen ng henosidyo upang gisingin ang ating mga pandama. Umaandar muli ang estadistika ng mga napalayas, nasugatan at napaslang.

Kaalinsabay halos ng paglabag sa ceasefire ang paglabas ng live-action remake ng “Snow White” na nagtatampok kay Gal Gadot, isa sa pangunahing pigurang Zionista sa Hollywood. Sa isang seremonyang umani ng protesta, nagkaroon na rin ng sarili niyang bituin sa Hollywood Walk of Fame si Gadot. Dito, matingkad na nakakawing ang mundo ng aliw at ang mundo ng henosidyo.

Nailalantad sa atin ang dahas na hinaharap ng mga Palestino sa mga kultural, partikular na sa biswal, na dimensiyon nito. At kaakibat nito ang tuloy-tuloy na panawagang makiisa sa paglaya ng sambayanang Palestino. Kagaya ng slogan na inuulit-ulit simula pa noong Oktubre 2023, inaanyayahan tayong ituon ang paningin sa Gaza.