Paghandaan ang kaligtasan, sunog dapat iwasan
Dahil Fire Prevention Month ngayong Marso, mabuti na maging maingat at siguraduhing ligtas ang bawat isa ngayong tag-init.

Ang init! Ilang beses ka na bang nagreklamo dahil sa tumitinding init ngayon?
Umabot na ng 40 degrees Celsius ang heat index sa Metro Manila noong Mar 6. Samantala, nasa 43 degrees Celsius naman ang heat index sa Masbate City noong Mar. 5 ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (Pagasa).
Itinuturing na ito bilang mapanganib na antas ng temperatura dahil maaari itong magdulot ng mga sakit tulad ng heat stroke, heat cramps at heat exhaustion.
Kaakibat ng umaakyat na temperatura, tumataas din ang panganib ng sunog. At dahil Fire Prevention Month ngayong Marso, mabuti na maging maingat at siguraduhing ligtas ang bawat isa ngayong tag-init.
Narito ang ilang tips upang makaiwas sa banta ng sunog:
- Siguruhing masinop ang mga electrical chord at huwag punuin ang saksakan sa extension wire. Ito’y upang maiwasan ang overloading na maaaring magdulot ng pagkawala ng daloy ng kuryente sa buong bahay. Nagiging sanhi din ito ng overheating na maaring magdulot ng sunog.
- Panatilihin ang maayos na bentilasyon ng mga device tulad ng laptop at computer. Iwasan na ipatong ang mga ito sa kama o sofa para maiwasan ang overheating.
- Masinop na itabi ang mga gadyet. Huwag ito iwan sa tabi ng mga maiinit na lugar o kaya iwan sa direktang sikat ng araw.
- Gumawa ng fire escape plan. Mahalaga na maging handa ang buong pamilya at mga kasama sa bahay sa banta ng sunog. Dapat na maging tiyak ang bawat isa sa emergency plan, fire exit at mga importanteng gamit na dadalhin sa oras ng sakuna.
- Ibahagi sa iba ang mga kaalamang pangkaligtasan upang manatiling handa at maiwasan ang banta ng sunog.
Dahil lamang ang may alam, isang malaking hakbang ang mga ito upang masiguro ang kaligtasan ngayong tag init.
Tandaan na hindi lang isa ang dapat na gumagawa nito, kundi sama-sama ang pagtitiyak na hindi tayo maging biktima ng sunog.