Pahayagang pangkampus ng Ateneo de Davao, hinaras ng DDS
Kasunod ng pahayag ng mga publikasyon sa pagkakaaresto kay Rodrigo Duterte, inatake ng mga tagasuporta ng dating pangulo ang social media page ng Atenews at isinapubliko pa sa online ang mga personal na impormasyon ng staff.

Pinutakti ng pananakot at pan-re-red tag ang social media page ng pahayagang pangmag-aaral ng Ateneo de Davao University (ADDU) na Atenews matapos nitong suportahan ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nitong Mar. 11, naglabas ng pahayag ang Atenews, kasama ang iba pang publikasyon ng mga pamantasang Heswita sa bansa, na sumusuporta sa pag-aresto kay Duterte para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng giyera kontra droga.
Para sa Ateneo Publications Alliance, isang hakbang sa pagkamit ng hustisya at pagpapanagot sa nakaraang administrasyon ang “long-overdue” na pag-aresto at pagpapakulong sa dating pangulo.
Kasunod ng pahayag ng mga publikasyon, inatake ng mga tagasuporta ni Duterte ang social media page ng Atenews at isinapubliko pa sa online ang mga personal na impormasyon ng staff.
Ayon kay Aika Rosete, punong patnugot ng Atenews, inasahan na nilang magkakaroon ng mga negatibong komento sa kanilang pahayag pero nabigla at naalarma sila na humantong sa doxxing ang mga tagasuporta ng dating pangulo.
“Natatakot talaga kami para sa kaligtasan namin, lalo na nasa Davao kami,” sabi ni Rosete sa isang panayam ng Rappler.
Balwarte ng mga Duterte ang Davao City dahil nagpapalit-palit lang silang magkakamag-anak sa pamumuno sa lungsod. Mayorya rin ng diehard Duterte supporters (DDS) ay mula rin sa Davao Region.
Dahil din sa panghaharas, naantala umano ang operasyon ng publikasyon lalo na ngayong papalapit ang university at midterm elections.
Kinondena naman ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP)-Davao ang atake sa Atenews. Anila, isa itong tahasang pagtatangka para patahimikin ang pahayagang pangkampus na nangangahas na maging kritikal at tumindig sa paninindigan kaugnay ng mga pambansang isyu.
“Anumang pagsisikap ng pagsupil sa independiyenteng pamamahayag ay hindi lang isang atake sa Atenews, kundi pag-atake sa pamamahayag mismo,” sabi ng CEGP-Davao sa isang pahayag sa Ingles.
Sabi naman ni ADDU president Fr. Karel San Juan, SJ, hindi kinukunsinti ng pamantasan ang bullying, harassment o red-tagging lalo na kapag nakadirekta sa kanilang mga estudyante.
“Ang pamamahayag pangkampus ay humuhubog sa matalinong diskurso at humahamon sa inhustisya, at palagi naming ipagtatanggol ang karapatan sa isang malaya at ligtas na pamamahayag. Kasabay nito, ang publikasyong pangmag-aaral ay gumagana nang may editorial independence, at ang pananaw na ipinapahayag nila ay kanila at hindi nangangahulugang mula sa unibersidad,” dagdag ni Fr. San Juan.
Sa ngayon, patuloy na nag-iingat ang buong staff ng Atenews. Nananawagan din sila sa iba pang publikasyong pangmag-aaral na labanan ang mga parehong atake at isulong ang malayang pamamahayag.