Adonis, ipaglalaban ang P1,200 NMW, proteksiyon sa obrero sa Senado
Liban sa nakabubuhay na sahod, itinutulak din ni Makabayan Coalition sentorial candidate Jerome Adonis ang pagbabasura ng kontraktuwalisasyon, kapwa sa pribado at pampublikong sektor.

Idiniin ni Makabayan Coalition senatorial candidate at Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis ang plataporma para ipaglaban ang P1200 pambansang minimum na sahod, regularisasyon, at proteksyon ng manggagawang Pilipino.
Sa panayam ni Adonis sa Harapan 2025 ng ABS-CBN, ipinaliwanag niyang makatuwiran at konstitusyonal ang paglaban ng manggagawa para sa nakabubuhay na sahod.
Tinawag niyang “libing wage” ang kasalukuyang arawang sahod ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon.
Sa National Capital Region, pumapalo lang ng P645 ang minimum na sahod sa pribadong sektor, kalahati lang ng tinatayang P1,200 nakabubuhay na sahod. Pinakamababa naman ang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na P361 lang.
“Alisin na natin ang provincial rates, kasi for the longest time, napatunayan natin na hindi totoong mas mura ang pamumuhay sa probinsiya kumpara sa Metro Manila,” ani Adonis.
Hindi rin aniya totoong malulugi ang malalaking korporasyon sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.
“Ang wage increase na hinihingi natin ay bawasan ‘yong tubo [ng mga kapitalista],” paliwanag ni Adonis.
Dagdag pa niya na hindi dapat kunin ng kapitalista sa presyo ng bilihin ang dagdag sahod, kung hindi ibawas sa kanilang tubo.
Proteksiyon sa obrerong Pilipino
Liban sa dagdag-sahod, itinutulak din ni Adonis ang pagbabasura ng kontraktuwalisasyon, kapwa sa pribado at pampublikong sektor sa bansa.
Sabi ni Adonis, iniikutan ng pribadong sektor at kahit ng gobyerno ang Article 106 hanggang Article 109 ng Labor Code upang takasan ang pagreregularisa ng mga manggagawa.
Marami rin aniya sa mga kawani ang inabot na ng retiradong edad ngunit bigong maregularisa ng mismong gobyerno.
“Ang manggagawang Pilipino ang tinatawag na backbone of the economy, hindi uunlad ang isang bansa kung wala ang mga manggagawa,” paliwanag ni Adonis.
Bilang tumatakbong senador, dala ni Adonis ang plataporma para iangat ang kalagayan ng manggagawang Pilipino. Ang pag-aangat ng estado ng pamumuhay ng manggagawa aniya ang magtutulak ng lalong pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Dala-dala ni Adonis sa kanyang pagtakbo ang plataporma sa pagpapababa ng presyo ng bilihin, libreng edukasyon, libreng serbisyong panlipunan, paglaban sa katiwalian at paghahari ng mga pampolitikang dinastiya, pagtutulak ng nagsasariling ekonomiya na nakasalalay tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, at ang buong programa ng Makabayan Coalition.