Eleksiyon

Boto para sa makatarungang sahod, inilunsad


Pinasinayaan ng Kilusang Mayo Uno ang kampanya para hikayatin ang mga manggagawa at mamamayan na makiisa para suportahan ang panawagan para sa living wage sa darating na halalan.

Pinasinayaan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) nitong Nob. 12 sa Cubao, Quezon City ang kampanyang Vote for Living Wage bilang pangunahing adyenda ng manggagawang Pinoy sa halalan sa 2025.

Ayon kay KMU secretary general at Makabayan senatorial aspirant Jerome Adonis, nararapat itaas ang sahod at gawing batayan ang family living wage sa pagtatakda ng minimum wage.

“Makatuwirang ibatay sa pamantayan ng family living wage ang minimum na sahod ng mga manggagawa [na] P1,200 arawan para sa mga nasa pribadong sektor at P33,000 buwanan sa mga nasa pampublikong sektor sa buong bansa,” aniya.

Sa taya ng Ibon Foundation nitong Oktubre, nasa P1,205 ang family living wage o kinakailangang arawang kita sa National Capital Region upang matugunan ang mga pangangailangan ng pamilyang may limang miyembro. Nasa P645 lang ang minimum wage sa rehiyon.

Hinihikayat ng KMU ang mga manggagawa at mamamayan na makiisa para suportahan ang kampanya para sa living wage sa darating na halalan.