Hindi panunupil ang solusyon sa ‘fake news’
Kung matutupad ang pagsasabatas ng regulasyon sa “fake news,” hindi malayong magiging puntirya rin nito ang mga peryodista, aktibista at kritiko ng gobyernong matapang na naglalahad ng tunay na kalagayan ng bayan tulad ng katiwalian, korupsiyon, pagpapakatuta sa dayuhan at kriminal na kapabayaan ng pamahalaan sa maraming mamamayan.

Malaking suliranin sa mga lipunan sa daigdig ang pagkalat ng mga kasinungalingan at kabaluktutan sa internet, lalo na sa mga social media platform tulad ng Facebook at TikTok.
Tinawag ng mga eksperto na “information disorder” ang ganitong penomenon—ang paggawa at pagpapakalat ng disimpormasyon, misimpormasyon at malimpormasyon sa digital na mundo na may masamang epekto sa seguridad at demokrasya ng isang buong lipunan.
Sa katunayan, itinuturing na rin itong isang kondisyon sa kalusugang pangkaisipan na tinawag na “information disorder syndrome” sa isang pag-aaral noong 2020 ng National Institutes of Health ng Amerika.
Sa nagdaang dekada, nakita natin sa Pilipinas ang epekto ng information disorder sa ating pampolitikang buhay, personal at pambansa.
Ngayon, namamalas natin kung paano nilason ng information disorder sa social media ng nakaraang rehimen ni Rodrigo Duterte ang isip ng maraming mamamayan na bulag na sumusuporta sa berdugong dating pangulo matapos arestuhin at dalhin sa International Criminal Court sa The Netherlands.
Samu’t saring social media content sa iba’t ibang plataporma ang kumakalat para bigyang-katuwiran ang madugong giyera kontra droga, ipagtanggol ang dating pangulo, baluktutin ang mga batas at siraan ang mga pamilya ng mga biktima ng pamamaslang.
Huwag din nating kalilimutan na information disorder din ang nagluklok sa poder kay Ferdinand Marcos Jr. at ang matagumpay na pagbabalik ng pamilya ng diktador sa Malacañang dahil sa kanilang pagbaluktot sa kasaysayan.
Kamakailan, nagkaroon ng serye ng mga pagdinig sa Kamara hinggil sa “fake news” kung saan inimbitahan ang mga personaheng kilalang sumusuporta kay Duterte at nagpapakalat ng maling impormasyon at kabaluktutan sa social media upang maghasik ng galit at pagkamuhi sa mga nakakakita at nakakabasa sa kanilang content.
Ang sagot naman ng ilang kongresista sa ganitong kalagayan, magpasa ng batas upang kontrolin ang paglaganap ng “fake news,” o kung sa mas mainam na katawagan, information disorder.
Labag sa ating Saligang Batas ang mungkahing magkaroon ng regulasyon ang estado sa information disorder dahil sasagka ito sa ating kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag.
Kaparehas ito ng pagsasabatas ng Cybercrime Prevention Act noong 2012 na may maganda umanong hangarin para parusahan ang mga gumagawa ng paninirang-puri sa internet at social media sa pamamagitan ng kasong kriminal na cyberlibel.
Itinuring ang batas ng mga nagsusulong ng kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag na pag-atras ng Pilipinas sa pandaigdigang kampanya na idekriminalisa ang kasong libelo.
Nakita natin kung paano ginamit ang nasabing batas laban sa mga peryodista at kritiko ng estado. Nakita natin kung paano niyurakan ang karapatan ng mamamayan sa wastong impormasyon, lalo na sa usapin ng katiwalian at korupsiyon sa gobyerno.
Nariyan din ang iba pang mapanupil na batas na pinupuntirya ang mga peryodista, aktibista, taong simbahan at manggagawang pangkaunlaran kagaya ng Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.
Kung matutupad ang pagsasabatas ng regulasyon sa information disorder, hindi malayong magiging puntirya rin nito ang mga peryodista, aktibista at kritiko ng gobyernong matapang na naglalahad ng tunay na kalagayan ng bayan tulad ng katiwalian, korupsiyon, pagpapakatuta sa dayuhan at kriminal na kapabayaan ng pamahalaan sa maraming mamamayan.
Hindi malayong gamitin pa ito para magsampa ng mga patong-patong na gawa-gawang kaso laban sa mga nangangahas salungatin ang mga kasinungalingan ng estado, mga maykapangyarihan at mga alipores nila.
Dapat ding kuwestiyonin na kung magkakaroon nga ng batas laban sa information disorder, ano-ano ang mga pamantayan at sino ang magpapasya?
Namamalas natin ngayon kung paano ginagamit ang Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act para arbitraryong bansagang “terorista” o “sumusuporta sa mga terorista” ang mga sinampahan ng mga imbentong paglabag sa mga batas na ito.
Hindi malayo na ganito rin ang kahihinatnan kung ireregula ng gobyerno ang pagkalat ng information disorder. Basta salungat sa interes ng estado at mga nasa poder, maaaring maparusahan.
Hindi panibagong lason ang magtatanggal sa naunang lason. Hindi pagpaparusa ang lunas sa karamdamang ito ng bayan.
Ang solusyon sa malubhang sakit na mabilis kumalat sa social media ay ibayong transparency, pampublikong pananagutan at edukasyon sa pamamagitan ng media and information literacy.
Hindi malulutas ang ganitong kalagayan ng panunupil sa mga karapatan sa ngalan ng pagsawata sa “fake news,” kundi ang pagbibigay ng nararapat na kaalaman at kakayahan sa mamamayan sa kritikal at wastong pagsusuri at pagkilatis sa bawat content na kanilang nakikita at nababasa araw-araw.