Kapag hindi ligtas at maayos ang lugar-paggawa
Obligasyon ng mga employer ang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa at may mahalagang papel din ang unyon ng mga empleyado para tiyaking tumatalima ang kompanya sa itinakdang pamantayan sa batas.

Hindi basta-basta ang nangyari sa manggagawang si Jessica Bonus noong 2016. Sa diyagnosis ng doktor, may ovarian cyst siya. Pinayuhan siyang sumailalim sa operasyon para hindi na kumalat at tumubo ang cyst sa iba pang parte ng katawan niya. Pero kailangan niya munang ipatanggal ang kanyang matris bago isagawa ang nasabing operasyon.
Hindi bababa sa P25,000 ang gastos sa pagpapatanggal pa lang ng cyst, base sa listahan ng procedure case rate ng Philhealth.
“Itutuloy ko ba?” sa isip-isip niya.
Anumang desisyon niya, huhulma ng malaking pagbabago sa kanyang buhay at pagkababae. Ang ovarian cyst ay mga sac na puno ng likido sa obaryo na bahagi ng reproductive system ng babae, habang ang matris naman ang susing organo sa pagbubuntis.
Pinili ni Jessica na ituloy ang operasyon. Wala siyang natanggap na anumang tulong pinansiyal mula sa pinagtatrabahuhan bago at pagkatapos ng pagpapagamot.
Kalaunan, napag-alaman niyang hindi pala naiiba ang kanyang kaso sa iba pang kapwa manggagawa sa MEC Electronics Philippines Corp. Marami sa mga kasamahan niya ang natanggalan na rin ng matris, ilang beses na nakunan bago magkaroon ng anak, niraraspa kahit hindi buntis at nagpapa-chemotherapy dahil sa cervical cancer.
Sa pagkakaalam niya, tatlong manggagawa na sa pagawaan nila ang namatay dahil sa problema sa reproductive health.
Mayorya sa mga manggagawa ng MEC Electronics ay kababaihan. Lumilikha sila ng mga produktong magnetics, power injection, wire harness, cable cord, DC plug, automotive parts at iba pa.
Sinasabing 68% ng mga parte ng isang laptop ay ginagawa nila. Ipinapadala naman ang kanilang mga nayayari sa mga dambuhalang kompanya tulad ng Samsung at Nikon.
Sa pag-aaral ng Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) sa kalusugan at kaligtasan ng kababaihang manggagawa sa MEC Electronics, lumalabas na araw-araw ang pagkakalantad ng mga manggagawa sa mapanganib na kemikal, mahinang bentilasyon at hindi sapat na mga alituntunin para sa proteksiyon.
“Maraming manggagawa ang nag-report ng mga sintomas tulad ng sakit sa ulo, mga problema sa paghinga at mga isyu sa reproductive health—kabilang ang mga ovarian cyst, mga problema sa pertilidad at pagkalaglag,” pahayag ng IOHSAD.
“Sa kabila ng mga panganib na ito, maikling pagsasanay lang ang natatanggap ng mga manggagawa at madalas pa na hindi malinaw ang impormasyon sa chemical safety. Bihira ang mga inspeksiyon sa lugar-paggawa at halos hindi pinaiiral ang pakikilahok ng mga manggagawa sa pagpaplano para sa kaligtasan,” dagdag ng grupo.
Obligasyon ng kompanya
Malinaw na nakasaad sa Section 4 ng Republic Act No. 11058 o Occupational Safety and Health (OSH) Standards Law na isinabatas noong Agosto 17, 2018 ang mga sumusunod na obligasyon ng mga employer:
- Pagbibigay ng isang pagawaang ligtas sa mapanganib na kondisyon na maaaring magdulot ng kamatayan, sakit o pisikal na karamdaman sa mga manggagawa.
- Pagbibigay ng mga aral at oryentasyon sa lahat ng mga manggagawa lalo na sa mga baguhan para maging pamilyar sa kanilang trabaho.
- Ipaalam sa mga manggagawa ang mga panganib kaugnay ng kanilang trabaho para maiwasan ang anumang aksidente o sakuna.
- Paggamit ng mga aprubadong kagamitan sa pagawaan.
- Pagsunod sa mga alituntunin ng OSH standards tulad ng pagsasanay ng medical examination at paggamit ng personal protective equipment (PPE) at machine guards kung kinakailangan.
- Payagan ang mga manggagawa at kanilang safety and health representatives na lumahok sa pag-oorganisa, pagpaplano, pagpapatupad at pagsusuri sa mga safety and health programs sa lugar-paggawa.
- Magbigay ng mga hakbang para matiyak na mareresolba ang mga aksidente at sakuna, gaya ng first-aid arrangements.
Sabi ni Jessica, na lampas 21 taon nang nagtatrabaho sa MEC Electronics, magpahanggang ngayon wala pa ring maayos na pag-aaral at pagsasanay na binibigay ang management sa mga manggagawa nito.
“Napakahalaga ng mga pag-aaral dahil magkakaroon [ang mga manggagawa] ng kaalaman at mamumulat sila sa pagtratrabaho [kung ano] ang safe at posibleng dahilan para magkaroon ng sakit sa trabaho. [Tulong din ito] para maprotektahan din nila ang kanilang mga sarili,” ani Jessica.
Hindi rin sumusunod ang malaking electronics manufacturer sa mga alituntunin ng OSH standards.
Kuwento ni Jessica, tagos sa kanilang dating locker room ang singaw ng aircon. Ilang beses na nila inireklamo iyon dahilan para mapilitan ang management na ilipat ang kanilang locker room.
Pero imbis na masolusyonan, nag-anak pa ng problema ang paglipat. Malayo na aniya sa production area ang locker room at walang bubong ang lakaran papunta roon, kaya nagkakatrangkaso at nagkakasakit ang mga manggagawa dahil napipilitang sumuong kapag umuulan.
“Hirap silang ipatupad ang hinihingi namin na [disenteng lugar-paggawa],” sabi ni Jessica.
Para sa IOHSAD, positibong hakbang ang pagpapatupad ng batas dahil bukod sa pinalakas nito ang OSH standards sa pamamagitan ng pagmamandato ng safety protocols, tinulak din nito ang mga employer na bigyang priyoridad ang kalusugan at kaligtasan sa mga pagawaan.
Gayunpaman, bakas ang mga kahinaan ng batas sa halos pitong taon ng pagpapatupad nito. Sabi ng grupo, malinaw na paulit-ulit na lumalabag ang MEC Electronics pero nagpapatuloy ang operasyon nito.
“Tumitindi ang pangangailangan na isulong ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa OSH, kabilang dito ang kriminalisasyon sa malalang paglabag sa mga karapatan sa OSH. Ipinapakita sa kaso ng [MEC Electronics] na hindi sapat ang mga hakbang para sa kaligtasan at nagreresulta ang mahinang pamamahala sa paulit-ulit na mga aksidente sa trabaho, mga sakit at pinasala,” sabi ng IOHSAD.
Ayon naman ay Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno at senatorial candidate ng Makabayan Coalition, “Kailangang amiyendahan ang batas at gawing krimen ang pagpapabaya ng mga kompanya sa kaligtasan ng mga manggagawa sa lugar-paggawa.”
Mula Enero hanggang Marso ngayong taon, nakapagtala na ang IOHSAD ng 94 mga insidente sa lugar-paggawa sa iba’t ibang industriya na nagresulta ng 56 na patay at 115 sugatan.
Karapatan ng manggagawa
Nagsisimula pa lang ang independiyenteng unyon nina Jessica. Aminado siyang nahihirapan pa rin sila dahil sa matagal na panahon ay hawak ng management ang unyon sa loob ng kanilang pagawaan.
Limitado ang kanilang partisipasyon nilang manggagawa sa mga pagpaplano at pagsusuri ng mga panuntunan ng kompanya pagdating sa kalusugan at kaligtasan.
Pero matibay ang kanyang loob para ipaglaban ang kanilang karapatan. Alam niyang pundamental na karapatan ng mga manggagawa ang malaman at tumanggi sa anumang hindi ligtas na trabaho, at magkaroon ng ligtas at maayos na kondisyon sa paggawa.
Panawagan niya sa kapwa manggagawa: makiisa at mag-unyon upang maipaglaban at maisulong ang disenteng kondisyon sa trabaho, nakabubuhay na sahod at hazard pay sa mga tulad nilang nagtatrabaho sa tinaguriang isa sa mga high-risk industry.