Sakit sa balat sa tag-init at paano ito malulunasan
Dahil ilang linggo pa bubunuin ang ganitong panahon, kailangan maging handa at mapagmatyag.

Tag-init na!
Feel na feel n’yo na ba? Wala tayong choice kundi i-embrace ang grabeng hotness hindi lang ng inyong mga jowa kundi pati na rin ang grabeng init ng panahon. Kasabay ng pagharap natin sa climate change ang pagdapo at pagkalat ng kung ano-anong sakit na puwede namang maiwasan.
Sa ganitong panahon, posibleng nagiging sensitibo ang balat dahil sa matinding init. Dahil ilang linggo pa bubunuin ang ganitong panahon, kailangan maging handa at mapagmatyag.
Bungang-araw o prickly heat rash
Ang bungang araw ay sanhi ng mga baradong pores sa katawan natin kung saan lumalabas ang pawis. Sa init ng panahon, kumikitid o nagbabara ang daluyan ng pawis o “sweat ducts” sa ating katawan. Dahil dito, naiipon ang pawis sa ilalim ng balat kaya lumilitaw ang mga maliit na tuldok at bukol na sanhi ng pangangati at pamumula ng balat.
Pinakasimpleng sagot dito ang cold compress. Gumamit ng ice pack at ilapat ito sa apektadong parte ng katawan na may bungang araw. Kung walang ice pack o compress na mapaglalagyan ng yelo, posibleng ibalot sa tela ang yelo o ilagay sa freezer ang basang bimpo na nasa malinis na lagayan.
Makakatulong ito para mapawi ang mainit na pakiramdam, pamamaga at iritasyon dulot ng sintomas ng bungang araw.
Kung lumala ito, mas maigi na lumapit na sa doktor o dermatologist upang mas mabigyan lunas ang sakit na ito.
An-an o Tinea versicolor
Ilan pa sa mga posibleng makuha dahil sa init ay ang mga fungal infection. Dahil sa mainit at maalinsangang panahon, mas pinagpapawisan ang ating katawan at nagkakaroon ng mamasa-masang bahagi lalo na sa mga singit, kili-kili, ilalim ng dibdib, pagitan ng mga daliri at iba pang bahagi na kadalasang natatakpan. Ideyal ang ganitong mga kondisyon sa pagdami ng fungi o amag sa balat.
Ang an-an ay sanhi ng labis na pagdami ng yeast, isang uri ng fungi, sa balat. Bukod sa mahalumigmig na kapaligiran, may kaugnayan din ito sa ating mga hormone o immune system. Bagaman hindi ito lubhang mapanganib, maaaring gamutin ang an-an gamit ang mga antifungal na cream o lotion.
Mahalagang tandaan na kahit matapos ang gamutan, maaaring abutin ng ilang linggo o kahit buwan bago muling bumalik sa normal ang kulay ng balat.
Bulutong o chicken pox
Madaling makahawa ang taong may bulutong o chicken pox—isang sakit na dulot ng Varicella zoster virus. Madali itong kumalat mula sa taong may impeksiyon sa pamamagitan ng direktang paghawak sa mga pantal o pakikisalamuha sa taong may sakit kahit hindi pa lumalabas ang mga sintomas.
Gumagaling ito sa loob ng isa hanggang dalawang linggo. Upang magamot ito, tandaan na huwag kamutin ang balat dahil maaaring magsugat at maglabas ng likido na nakakahawa. Gumamit ng antihistamine o pang-anti-kati tulad ng diphenhydramine at magpahid ng calamine lotion para maibsan ang kati.
Kung lalagnatin, mainam na uminom ng paracetamol. Bantayan nang mabuti ang pasyente. Kung nahihilo nang sobra, hindi makahinga o may pulmonya na ang pasyente, dalhin agad sa doktor at magpacheck-up.
Sunburn
Resulta ng matagal na pagkabilad sa araw ang sunburn o pagkasunog ng balat.
Alam naman ng lahat, madalas itong nararanasan tuwing magpupunta sa mga resort o sa mga paboritong lugar kung saan pwede lumangoy at huminga panandalian.
Pero hindi lang sa mga gustong magbakasyon nakukuha ang sunburn—kahit ang mga manggagawang nabibilad sa ilalim ng matinding init ng araw, posibleng mabiktima. Kaya tuloy-tuloy ang panawagan ng mga unyon sa mga employer para sa makataong lugar-paggawa.
Upang maiwasan ang sunburn, maiging may masisilungan at magdala ng payong o sumbrero kapag nasa labas. Napakahalaga ring magpahid sa katawan ng sunblock o mga produktong may SPF 50 o mas mataas. Sa mukha naman sapat na ang may SPF 30 hanggang 50.
At kung magkakaroon man ng sunburn, maaari na tapalan ng tuwalya na binasa ng malamig na tubig ang apektadong bahagi o paagusan ng malamig na tubig ang balat para mabawasan ang hapdi na nararanasan. Mahalaga ring maligo kapag nanggagaling sa initan.
Patibayin rin ang resistensiya ng katawan sa pagkain ng mga prutas at gulay. Uminom ng maraming tubig para maiwasan ang dehydration. Piliin na magsuot ng mga damit na gawa sa cotton dahil mas presko ang ganitong tela at nakakatulong ito para hindi makulob ang katawan at maiwasan ang pangangati. At higit sa lahat ang maging malinis sa katawan at kapaligiran!